Saturday, August 29, 2009

Ang Balon sa Silong ng Aming Bahay

NOONG BATA AKO, may isang lihim akong pinakaiingat-ingatan—ito ay ang balon sa silong ng aming bahay. Malalim na malalim ang balon, lagpas-kawayan ayon sa aking mga kapatid. Ang mga kapatid ko ang naghukay ng balon kasama ng aking Tatay.

Bukod sa paninigarilyo at pag-inom ng matapang na kape, naging bisyo ng aking Tatay ang paghuhukay. Apat na balon ang alam kong hinukay niya, kasama ng aking mga kapatid na lalake. Mayroon sa Montalban, sa silong ng aming bahay, sa tabi ng sapa (na aming pinagpapaliguan pa noon), at isa pang mababaw na hukay sa ilalim ng tulay na bato. Ginto ang dahilan ng pagkakalulong ni Tatay sa paghuhukay. Gusto niya ang dagliang pagyaman.

Dahil nga sa matinding hirap at gutom ng aking mga kapatid na lalaki sa paghuhukay sa Montalban, nagkasakit sila ng Malaria. Tanda ko, umuuwi noon ang aking Nanay at ang aking Ate sa lumang bahay upang alagaan ang aking mga kapatid na lalaki. Nag-aapoy ang galit nila sa aking Tatay. Siya kasi ang dahilan kung bakit nagkasakit ang aking mga kapatid. Dinig ko, halos buong magdamag silang naghukay. Wala silang maayos na tulugan at nilagang saging lamang ang kanilang kinakain.

Tinakpan lang ni Tatay ng playwud ang balon sa silong ng aming bahay. Sa tabi nito siya natutulog at kami namang magkakapatid ay sa itaas ng bahay. Nilagyan ng harang ni Tatay ang balon, ang kanyang tulugan at sa kabila ay ang amin namang mesang kainan.

Malas daw ang bahay na may balon sa silong. Kaya nga noon, damang-dama ko ang kamalasan ng aming buhay. Nakasangla ang lupang kinatitirikan ng aming bahay sa bangko. Walang makakilos at walang makadesisyon kung ano ang dapat gawin at kung paano ito mababayaran dahil kay Tatay. Walang malinaw na pangarap para sa amin ang aming Tatay. Napakalabo ng bukas para sa akin noon.

Isang hapunan habang kumakain, hinahanap ko ang aking tsinelas. Di ko namalayang nahulog pala ito sa balong malalim. Ipinakuha ni Tatay sa aking kapatid ang aking tsinelas. Inalis namin ang takip nitong playwud at sa unang pagkakataon ay nakita ko ang balon. Nakakalula ang lalim na balon na noon ay may tubig na. Pakiramdam ko nga, parang kinakain na ng balon ang aming buong bahay. Sinungkit na lamang ng aking kapatid ng mahabang kahoy ang aking tsinelas.

Alam kong ang matinding kabiguan sa buhay ang nagtulak sa aking Tatay upang maghukay. Naloko siya papuntang Saudi Arabia.

Ngunit nang pumanaw ang aking Tatay, doon lamang talaga nakakilos at nakapagdesisyon ang aking mga kapatid. Bago maipagiba ang aming lumang bahay, nagawa ng poso-negro ang balon sa ilalim ng aming bahay.

Biro nga ng isa kong kapatid, “hinding-hindi namin kayang punuin ang balon” dahil sa lalim nito kahit sa aming habambuhay. Kahit papaano ay napakinabangan namin ang balon.

Walang sinuman sa aking mga pamangkin ngayon ang nakakaalam na ang poso-negro ay ang malalim na malalim na balon sa aming lumang bahay noon.

Natakpan na ito ng semento.

Kape At Si Tatay

AKO ANG LAGING taga-timpla ng kape ng aking Tatay. Sa tuwing uutusan niya ako na magtimpla ng kanyang kape, lihim akong natutuwa. Buo ang tiwala sa akin ni Tatay upang magtimpla ng kanyang kape, lalo na sa panahong abala siya sa pagkukumpuni ng aming lumang dyip.

Maselan sa kape ang aking Tatay. Dapat ay bagong kulo ang tubig. Matapang sa kape at tamang-tama ang tamis. Sa kanyang matunog na paghigop sa mainit na mainit na kape, alam kong nahuli ko ang kanyang panlasa. Alam kong gusto niya ang pagtimpla ko sa kanyang kape.

Wala akong alam ng ibang kape kundi Nescafe. Noong bata ako, may pagkakataong nawawalan kami ng bigas at ulam ngunit hinding-hindi ng Nescafe. May pagkakataon ding isinasabaw ko sa kanin ang Nescafe kung wala talaga kaming maiulam. Ngunit hinding-hindi ko naramdaman ang kakulangan. Tinuruan kami ni Tatay na magpasalamat anuman ang meron sa mesa. Huwag maghanap ng mga wala. Magpasalamat sa mga meron.

Nagsisimula ang umaga ni Tatay sa pag-inom ng kape. At bago matulog, umiinom pa rin siya ng kape. Kaya di totoo para kay Tatay na di nakapagpapatulog ang kape.

Noong bata ako, wala akong natatandaan nag-usap kami ni Tatay. Wala akong matatandaan tinanong niya ako ukol sa aking pag-aaral o kung ano ang gusto kong maging paglaki ko, tulad ng ibang Tatay na laging sabik na sabik malaman ang pangarap ng kanilang mga anak paglaki. Tahimik si Tatay. Bilang na bilang ang kanyang mga salita. Tinatawag lang niya ako kung magpapatimpla siya ng kape.

Sana ay nakapag-usap kami ni Tatay habang umiinom siya ng mainit na kape. Sana ay tinanong niya ako tungkol sa aking mga gusto paglaki. Sana ay nasabi ko sa kanya ang aking mga pangarap. Sana ay napag-usapan namin ang maraming balakin.

Mahigit dalawampung taon ng wala si Tatay. At ngayon naman ay naabot ko na ang isa sa aking mga pangarap sa buhay, ang maging manunulat.

At namana ko kay Tatay ang pag-inom ng kape. Hanggang maaari, gusto kong ako mismo ang magtitimpla ng aking kape. Ayokong ipagkatiwala ito sa iba. Kahit uso na ngayon ang iba’t ibang paraan ng pagtitimpla ng kape, gusto ko ang aking nakagawian tulad ng pagtitimpla ko sa kape ni Tatay. Bagong kulo ang tubig, matapang sa kape, tamang-tama ang tamis. Medyo naiiba nga lang ako ngayon dahil sa magandang mug ako umiinom ng kape, di tulad ni Tatay noon sa basong pinaglagyan din ng Nescafe umiinom.

Hinding-hindi ako makasusulat nang walang kape sa aking tabi. Habang nag-iisa sa aking munting bahay at habang humahalimuyak ang mabangong kape, tuluy-tuloy ang aking pagsulat. Tila bumabalik ako sa panahong inuutusan ako ni Tatay na magtimpla ng kanyang kape, buung-buo ang aking sarili at pagkatao, nagkakaroon ako ng ganap na kalayaang mag-isip at magpasya. Lumalakas ang aking loob. Nadaragdagan ang tiwala ko sa sarili.

Ngayon ko naisip na di pala talaga dapat kaming mag-usap ni Tatay. Dahil sa di pagtatanong ni Tatay ukol sa aking mga pangarap noong bata ako, at dahil sa di ko pagkukuwento sa kanya, higit kaming naging buo, higit kaming naging malakas sa pagpili at pagtahak sa mga daang gusto naming daanan. Ibinigay niya sa akin ang tiwala.

Alam kong ang lasa ng kapeng iniinom ko ay ang lasa ng kapeng tinitimpla ko para kay Tatay. Anak talaga ako ng Tatay ko!

Iglesia ang Nanay Ko

ANG AKING GURO na si Sir Pat Villafuerte ang nakapansin na laging may nanay na tauhan sa aking mga kuwentong-pambata. Nang balikan ko nga ang mga kuwentong-pambatang na aking naisulat, lagi ngang may nanay, hinding-hindi nawawala.

Naisip ko, bakit nga ba di ko isulat ang tungkol sa Nanay ko? Sandamukal na ang naisulat ko, pero ni wala sa mga ito ang tungkol sa kanya. Wala pa talaga akong naisusulat para sa kanya.
Espesyal na araw para sa Nanay ko ang araw ng Huwebes at Linggo dahil ito ang araw ng kanyang pagsamba. Bata pa lang ako, alam kong ibang-iba na ang relihiyon namin sa ibang mga bata—na bawal na bawal sa amin ang kumain ng dinuguan, ang Pasko, ang dumalo sa mga pista, at iba pa. Alam ko ring ibang-iba sa ibang simbahan ang aming sambahan, na walang anumang makikitang rebulto o imahen sa loob nito, na laging patulis at magkakamukha ang lahat ng aming kapilya saan mang lugar, na magkahiwalay ang upuan ng mga lalaki at babae sa pagsamba.
Una kong natutunan ang kasaysayan ng Iglesia ni Cristo kaysa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ang relihiyong itinayo ni Manalo noong 1914. Ang kauna-unahang relihiyong isinilang sa Pilipinas at lumaganap sa buong mundo. Kilalang-kilala ko rin ang itsura ng dalawang Manalo, na akala ko noong bata ako, ang siyang mga Diyos—hinding-hindi kasi nawawala ang kanilang mga pangalan sa aming mga panalangin. Lagi ring nakalagay ang kanilang mga larawan sa aparador ng aking Nanay—akala ko nga noon, ang kaarawan ng dalawang Manalo ang aming Pasko.

At higit sa lahat, bata pa lang ako ay nakatanim na sa isip ko na tungkulin ng bawat Iglesia na magbigay ng bahagi ng kanyang kita o abuloy sa Iglesia. Tulad ng anumang mahahalagang dokumento, pinakaiingatan ni Nanay ang kanyang pasaporte na nagtatala ng kanyang mga inabuloy sa Iglesia. Noong bata ako, pakiramdam ko, ligtas na ligtas ako—malimit ko kasing marinig sa Ministro sa aming mga panalangin na “ang sinumang pumasok sa aking katawan (Iglesia) ay maliligtas”.

Tulad ni Nanay, regular din akong sumasamba tuwing Huwebes at Linggo. Higit na masaya ang araw ng Linggo dahil may misa para lang sa mga bata. Isa rin ako sa mga batang mang-aawit. Sa tingin ko nga, ang maagang pagsamba ko ang nakatulong sa akin nang malaki sa pagiging manunulat ko ngayon. Tagalog ang wikang ginagamit ng Iglesia sa misa at sa mga pagsamba at panalangin. Sa tingin ko, malaking salik ito upang higit na maging buo ang mga Iglesia. Bata pa lang ako, nasa bokabularyo ko na ang mga salitang tulad ng paghuhukom, pananampalataya, pagsamba, handog, abuloy, kapatiran, pasasalamat, panalangin, papuri, sanlibutan, kaligtasan, tiniwalag, nanlamig, kapilya, kapatiran, ministro, lokal at iba pa.

Nasa dugo ng Nanay ko ang pagiging Iglesia—mula sa kanyang mga magulang, kapatid, hanggang sa kanya ay Iglesiang lahat. Kahit saan mang lugar siya mapunta, ang unang-una niyang inaalam ay kung saan makikita ang pinakamalapit na kapilya ng Iglesia. Hinding-hindi siya mapapalagay kung di niya makikita kung nasaan ang kapilya ng Iglesia. Malaking kasalanan at kawalan sa kanya kung di siya makakasamba. Pati kaming siyam na magkakapatid ay handog (binyag sa Katoliko) sa Iglesia. Sila ni Tatay, kasal sa Iglesia. Pero tumiwalag ang aking Tatay nang maghiwalay sila, pati ang aking mga kapatid, habang lumalaki, isa-isang ring nanlamig sa Iglesia, hanggang sa ako at si Nanay na lang ang natira.

Gustung-gusto ko rin ang araw ng Huwebes at Linggo dahil nakikita ko kung paanong paghandaan ni Nanay ang araw na ito. Isusuot niya ang kanyang puting-puting saya na buong ingat niyang inalmirol at plinantsa. Para sa aking Nanay, ang bawat pagkaharap sa Diyos ay kailangang paghandaan. Ang kapanatagan ng kalooban ay makikita sa malinis at maayos na pananamit.

Isang dyakonesa ang Nanay ko. Nakaupo siya sa dulo ng upuan malapit sa pasilyo tulad ng ibang dyakonesa. Isa siya sa mga nangungulekta ng abuloy mula sa mga sumasamba. Pagkatapos na makuha ang mga abuloy, hihilera ang mga dyakonesa sa may gitnang pasilyo, at isa-isa nilang ilalagay ang mga abuloy na nakalagay sa isang maganda at makintab na tela sa isang malaking baol na inukitan ng magagandang disenyo. Sa buong buhay ng Nanay ko, buong-puso niyang ginampanan ang pagiging dyakonesa. Sa tingin ko rin noon, ang Nanay ko ang pinakamaganda sa lahat ng dyakonesa.

Saksi ako kung paanong inaalagaan ng aking Nanay ang kanyang puting saya. Ilang ulit niya itong nilalabhan, ibinababad, ikinukuha, inaalmirol, ibinabalot sa malinis na tela, pagkaraan ay saka niyang paplantsahin nang walang kalukut-lukot.

Pero unti-unti na rin akong nanlamig sa Iglesia, lalo na noong mag-aral ako sa Maynila. Alam kong masakit ito para kay Nanay. Siya na lang ang natitirang Iglesia sa aming lahat.
Sa araw ng Huwebes at Linggo, madaling-araw pa lang, maghahanda na si Nanay. Kahit wala pang laman ang kanyang tiyan, aakto na siya bilang dyakonesa. Malayo ang sambahan sa aming bahay kaya kailangan niyang gumising nang maaga. Sa ibang mga araw, sumasama naman siyang magbahay-bahay sa mga kapatid na nanlalamig o di regular na sumasamba. Walang Huwebes at Linggo ng pagsamba na pinalalampas si Nanay—na kahit di maganda ang kanyang pakiramdam ay patuloy pa rin siya sa pagganap sa kanyang tungkulin, hanggang sa igupo ng matinding karamdaman ang kanyang kalusugan at katawan. Walang makapipigil kay Nanay sa kanyang pagtupad sa kanyang tungkulin bilang isang Iglesia. Kahit matindi ang bagyo, kahit walang masakyan, kahit pa walang pamasahe o may mas mahalagang dapat puntahan o asikasuhin. Sa Nanay ko, walang ibang mahalaga kundi ang pagsamba.

Natatandaan ko, mahigpit niyang ibinilin na ang puting saya niya ang kanyang isusuot kapag namatay siya--ito nga ang aming sinunod. Di na tulad noon, di na puting-puti ang saya ni Nanay. Maluwag na maluwag na rin ito sa kanya. Kay laki ng ipinayat ni Nanay sa ilang taon ng kanyang pagkakasakit at ilang ulit na pagkakaospital.

Alam kong walang anumang pagsisisi si Nanay sa kanyang nakagisnan at nakamulatang pananampalataya. Nabuhay siyang Iglesia at pumanaw rin siyang Iglesia. Ito ang kanyang pinanghawakan hanggang sa kanyang huling hininga.

Kung minsan, sinisisi ko rin ang edukasyong natamo ko. Dahil sa aking pag-aaral ng kung anu-ano (kasaysayan, panitikan, linggwistika, kritisismo, mga teorya, at kung anu-ano pa) nanghina ang aking pananampalataya sa Iglesia. Sabi nga, nanlamig ako't itiniwalag.

Pero ngayon, napag-isip-isip kong wala naman talagang maling pananampalataya at walang maling relihiyon. Dahil hangga't may kapanatagang nakakamit ang tao sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya o relihiyon, walang mali rito. Buo ang paniniwala kong walang relihiyong nagnanais na mapahamak ang tao.

Siguro nga'y di talaga ako nabuhay para maging Iglesia tulad ni Nanay. Nanghihinayang ako kahit papaano. Sana'y naging malupit o mahigpit sa akin ang aking Nanay upang maiwan niya ako Iglesia, tumanda rin tulad niya na isang Iglesia. Sana'y naging panatag siyang iwan akong Iglesia. Pero di ito ang nangyari.

Siguro'y di ako talaga karapat-dapat sa isang relihiyong nakagisnan ng aking Nanay o sa pananampalatayang mayroon siya.

Pero tulad pa rin noong bata ako't sumasamba pa sa Iglesia, ganoon pa rin naman ako magdasal--taimtim, tahimik at dalisay. Kung minsan pa nga, nasa porma ng tula ang aking dasal--sa pagitan ng aking pamamahinga, sa aking mesa pagkatapos ng pagtuturo, sa aking pag-iisa, sa aking pag-uwi ng Bulacan.

At tulad pa rin noong ako'y nasa loob ng patulis na kapilya, nararamdaman ko pa rin ang Lumikha--ang dahilan ng lahat ng biyaya't tagumpay sa aking buhay. Siyang-siya pa rin ang aking nararamdaman, bagamat higit na lumabo na ang Kanyang mukha at alangan na akong tawagin Siya sa Kanyang pangalan. Walang-wala pa ring pagbabago. Dinidinig pa rin Niya ako, kahit di na ako isang tunay na Iglesia.

Pastol

ANG BAHAY NAMIN ay isa sa pinakauna at pinakalumang bahay sa Pastol. Isang lugar sa Barangay Muzon sa San Jose del Monte na ngayon ay isang City na. Marami sa mga talagang nakatira sa Pastol ay ang angkan namin.

Ang Pastol ay ginamit na pangalan sa aming lugar dahil dito makikita ang malawak na pastulan ng mga kalabaw, baka, at kambing. Batay sa kuwento ng aking Inang Kadyang, nanay ng aking Tatay, ang malawak na pastulan ng mga hayop ay dating pag-aari niya. Ipinagbili lamang ng aking ama ang pastulan sa murang-murang halaga na ipinambili naman ng isang luma at bulok na kotse. May alaala pa ako ng kotse ng aking Tatay. Ang alam ko, nawalan lang ito ng gasolina kaya di na nagamit hanggang sa mabulok at maibenta sa iba.

Nalulula ako sa lawak ng lupaing ikinukuwento ng aking Inang Kadyang. Kahit paulit-ulit lang naman ang kanyang kuwento, lagi't lagi pa rin akong taimtim na nakikinig sa kanya. Masarap isiping marami sa mga lupang nasa Pastol ay dating pag-aari ng pamilya ng Tatay ko. Pero kuwento ni Inang Kadyang, dahil di siya nakapag-aral, nawala sa kanya ang mga lupa. Maaga siyang naulila sa mga magulang kung kaya nakitira na lamang siya sa kanyang mga kamag-anak at naging alila.

Nanatili ang pangalang Pastol sa aming lugar kahit wala na ang pastulan ng mga hayop. Tinayuan na ito ng pabrika ng stainless at nababakuran ng mataas na pader.
Marami akong magagandang alaala sa Pastol. Sa tag-araw, ito ay aming napagpapaliparan ng saranggola. Napaglalaruan ng habulan, luksong-baka at kung anu-ano pa. Sa tag-ulan naman, napupuno ito ng tubig na aming pinagpapaliguan at napagkukunan ng palaka, suso, at hito. Sa kuwento naman ng aking mga nakatatandang kapatid, napagtataniman nila ito ng kung anu-ano.

Madalas din akong makadama ng matinding panghihinayang sa lupang sana ay pag-aari pa namin. Murang-mura lamang ipinagbili ng aking Tatay ang mawalak na pastulan. Sana di lang ang lupang kinatititrikan ng aming bahay ang aming lupa. Sana ay may mawalak pa kaming lupain. Pero naisip ko rin, tiyak na pagmumulan lamang ito ng matinding alitan o gulo iba pang kapatid ng aking Tatay kung sakaling nanatili sa amin ang pastulan. Marami na akong nabalitaan ukol sa mga magkakamag-anak na nagkakaubusan ng miyembro ng pamilya dahil sa agawan ng lupa.

Mabuti't naisip niya itong ibenta sa kanyang panahon. Kahit papaano'y napakinabangan niya ito. Nabili niya ang gusto niyang bilhin. Wala ng maaari pang pagmulan ng away.
Pasalamat na rin ako sa aking Tatay. Dahil wala siyang naiwan o naipamanang anuman, higit akong naging masikap sa buhay. Dahil nagsimula akong walang-wala, higit na ngayon ang kagustuhan kong makapagpundar ng lupa--kahit man lang sa aking isipan, balang-araw isa ring pastulan ng mga hayop, isang lupang bukod sa kinatatayuan ng aking bahay ang gusto kong maipundar.

Lupang di minana kundi produkto ng sariling pagsisikap sa buhay. Lupang akin na akin habambuhay!

Malupit sa Akin ang San Joaquin

BIBIHIRA ANG NAKAKAALAM na ako ay lumaki sa San Joaquin, Batangas. Doon ako nagsimulang mag-aral mula Kinder hanggang Grade 3. Maraming taon sa aking buhay pagkabata ay nangyari roon. Dito ako unang natutong magbasa at magsulat sa tulong ng aking gurong puting-puti na ang buhok. Tanda ko, ang simbahan ng San Joaquin ang una kong paaralan. Dito rin ako natutong mag-isa at magtiis.

Pero kung maraming magagandang alaala ang naibigay sa akin ng San Joaquin, marami rin ang mapapait. Sa maraming taon ng aking pagtira roon, naramdaman ko ang aking pagiging dayuhan, hinding-hindi ko kailanman naramdaman ang pagkalinga ng mismong lugar. Pinatutuloy nga ako ngunit hinding-hindi pinapapasok. Nakatira ako sa aking panganay na kapatid, ngunit malinaw na sa aking isipan na ako ay nakikitira lang.

Sa paaralan, maliban sa isang kuwento ukol sa batang nasugatan dahil sa pagpipilit niyang balatan ang santol, wala na akong matandaan. Blangko ang mukha ng aking mga naging guro. Walang-wala akong matandaang magandang karanasan buhat sa kanila. Ang kanilang pagkalinga ay nauubos sa matatalino at may mga kaya kong kaklase—sa mga kaklase kong ang apelyido ay talagang tagaroon. Madalas na nagsisimula sa titik M (Manila, Mabilangan, Manzo at iba pa) ang apelyido ng talagang tubong-San Joaquin. Ang kanilang mga ngiti at pansin ay nauubos sa mababango at magaganda kong kaklase—sa mga kaklase kong guro rin ang mga magulang. Walang-wala sa kanila ang nakakita o nakatuklas ng aking potensyal o munting kakayahan.

Dahil sa aking apelyido, tukoy na tukoy na ako ay isang dayo. Ibang-iba kasi ang aking apelyido sa kanila, GOJO CRUZ. 'Yung guro noong Kinder, laging ipinipilit sa akin na R dapat ang GOJO, kaya hanggang noong makatapos ako ng Kinder, ROJO pa rin ang nakasulat sa aking diploma. Madalas din na mali ang bigkas sa aking apelyido sa mga programa—sa halip na GO-HO ay laging GO-JO ang bigkas.

Kaya noong nalaman kong isasama na ako pauwi ng Bulacan ng isa ko pang kapatid na babae na nagpunta lang doon upang tulungan ang kapapanganak kong Ate, umaapaw ang aking kaligayahan, parang bigla akong lumaya. Bukod pa sa ligayang makakasama ko na ang aking Tatay at ang aking iba pang kapatid.

Kaya Grade 4 ako nang magsimula akong pumasok sa Muzon Elementary School (Benito Nieto Elementary School) sa Bulacan. Sa unang araw ng pasukan, gulat na gulat ako dahil mayroon na akong ka-apelyido--tatlo kaming GOJO CRUZ sa aming klase. Marami rin ang nakakakilala sa aking Tatay at aking mga kapatid. Alam na alam nila kung saan ang aming bahay. May mga gurong GOJO CRUZ din ang apelyido. Alam na alam din ng aking guro kung paano ang tamang pagbigkas at pagsulat ng aking apelyido.

Noon ko lang naramdaman na masarap tumira sa sariling tahanan, na di lang pinatutuloy ngunit higit sa lahat pinapapasok at inaaruga. Hinding-hindi ko naramdaman ang kalupitan.

Noong isang linggo, mapalad kong nakitang muli ang San Joaquin Elementary School pagkaraan ng maraming taon. Dito ako nagsimulang mag-aral hanggang Grade 3. Napansin ko, wala na ang lumang-lumang gusali na yari sa kahoy, na dati ay binubunot at pinakikintab pa naming magkaklase ang kahoy na sahig. Napalitan na ito ng maganda at kongkretong gusali. Napalitan na rin ng tuwa ang dating pangambang lagi kong nararamdaman noong bata ako—wala na ang pangamba ng batang laging ipinatatanggol ang sarili laban sa mga taga-San Joaquin na ayaw na ayaw sa mga dayo, sa mga ibang-iba ang apelyidong tulad ko.

Sunday, July 19, 2009

Salamat at Tinanggal Mo Ako sa Trabaho

Noong isang linggo, kinausap ako ng puno ng departamento ng aking pinagtuturuan. Maganda ang bungad na tanong niya sa akin. Ang tanong niya: Ano ba ang plano mo? Natuwa ako sa kanyang tanong. Bibihira ang mga taong nagpapakita ng interes o malasakit na malaman ang plano ng ibang tao, lalo na kung plano ukol sa propesyunal na buhay. Sinagot ko ang kanyang tanong: “Balak kong tapusin ang aking tesis sa MA ngayong buwan ng May?”

Pero sa pagtakbo ng aming pag-uusap, naramdaman kong di talaga ang aking plano ang kanyang gustong malaman. May plano na pala siyang gustong sabihin sa akin. Nagdesisyon daw siya na di na-renew ang aking contract bilang guro sa kanyang departamento. Kasunod nito, inisa-isa na niya ang kanyang mga dahilan. Di raw niya nakikita ang aking 100 percent na commitment. May ibang mga guro na nakakapansin na pagkatapos kong magturo, agad na akong umaalis. Unfair naman daw sa departamento kung magpapatuloy pa ako sa aking serbisyo. Unfair naman daw sa ibang guro na hardworking o umaabot nang hanggang alas-6 ng gabi o higit pa. Kailangan makahanap siya ng kapalit kong guro na makapagbibigay ng 100 percent na commitment.

Di ko alam kung may kinalaman ba ito o kaya ay resulta ng kanyang pagpapa-evaluate sa akin sa aking mga mag-aaral sa ¼ sheet of paper ang aking pagkakaalis sa listahan ng kanyang mga guro.

May kaunting pampalubag loob naman siyang sinabi matapos ang mga ito, na naniniwala naman daw siya sa aking kakayahan bilang guro at manunulat, na mas nababagay raw ako sa kolehiyo, na maaari na akong umalis pagkatapos magturo, na ibang-iba raw ang set-up ng hayskul.

Aminado akong wala akong kusa. Kung ano lang ang ibigay na trabaho o gawain sa akin, bukod pa sa pagtuturo, yun lang ang ginagawa. Kung ano lang ang ipagkatiwala ng iba na kaya kong gawin, yun lang ang siguradong tinatapos ko. Kung anong text ang matanggap ko na kailangan ako, doon lang ako pumupunta o nagpapakita. Hinding-hindi ko iginigiit ang aking sarili sa “iba pang” gawain.

Paano nga ba masusukat ang commitment? May mga taong sinusukat ang commitment nang pisikal o sa tagal ng oras na inilalagi sa paaralan, kung nasa paaralan kahit di ka nagtuturo, may commitment ka, o kahit nasa klasrum ka na kahit di ka nagtuturo, may commitment ka pa rin, o kahit nasa klasrum ka, kahit puro reporting at open your book on page and answer, may commitment ka na, o basta di ka tinik sa panunungkulan ng iyong puno o kung kaibigan mo siya, may commitment kang talaga.

Isang paaralan/pamantasan ang pinaglilingkuran ko. At maituturing nitong pinakapuso ang mga mag-aaral. Di naman mag-e-exist ang anumang paaralan/pamantasan kung walang mga mag-aaral. Dahil unang-unang dapat paglingkuran ng mga paaralan/pamantasan ang mga mag-aaral. Dahil dito, sa palagay ko, higit na makatarungan at makatotohanang ang dapat sumukat ng commitment ng isang guro ay ang kanyang mga mag-aaral at di ang kanyang kapwa guro. Ang mismong commitment ng guro ay nagaganap sa mismong oras ng kanyang pagtuturo, sa kanyang pakikitungo sa mga mag-aaral. Pangunahing tungkulin ng guro ay ang magturo, kung kaya nararapat lamang na sukatin o timbangin siya batay rin dito at di sa “iba pa”. Ngunit walang ganitong sistema ng pagsukat ng commitment ang departamentong pinagturuan ko.

Pero may kanya-kanyang pag-iisip ang tao. May kanya-kanyang pagpapakahulugan o pagsukat ng commitment. Di ko naman maaaring igiit ang aking iniisip sa ibang tao. At di ko rin naman puwedeng tanggapin ang kanilang pananaw ukol sa akin. Pero lahat ng tao ay may kakayahang umunawa. Magnilay-nilay. Manalamin sa kanyang sarili. Maging bukas sa iba at maging makatarungan.

Sa una’y nakaramdam ako ng matinding lungkot dahil di na ako makapagtuturo sa departamentong pinagturuan ko mula noong 2003 at di pa maganda ang dahilan ng aking di na pagtuturo. Wala pang linaw ngayon kung anong kolehiyo sa pamantasan ang aampon sa akin o kung mayroon man. Masakit ang mahusgahan ng kapwa nang harapan nang di binigyan ng pagkakataon. Ikinahon ako sa isang paniniwalang walang commitment.

Naalala ko tuloy ang tungkol sa isang artikulong ingles na binanggit sa akin ng isang kaibigang guro, ukol sa isang taong tinanggal sa trabaho at ipinagpapasalamat niya ito. Nais kong hiramin ang pamagat:

Salamat at tinanggal mo ako sa trabaho, ngayo’y naipagpapasalamat ko ang maliliit na bagay na di ko napapansin dati. Ngayo’y higit kong naunawaan ang aking sarili, ang mga kaya ko pang gawin. Ngayo’y higit akong nakapagplano upang maging produktibo. At ngayo’y napatunayan kong higit na totoo ang sinasabi ng kasaysayang, kung sino ang dumanas ng matinding pagsubok sa buhay ang siyang nagiging malupit at gahaman sa kapangyarihan.

At ngayo’y nalaman kong hinding-hindi talaga ako nawalan at hinding-hindi kailanman mawawalan.

Tuesday, June 30, 2009

Talbos

AKO ANG BUNSONG napabayaan. Di ako ang bunsong nasunod ang anumang gusto o ang bunsong nakahilata’t naghihintay lang ng hain sa mesa. Lalong di ako ang bunsong kailangang patulugin sa tanghali o nang maaga sa gabi nang di mahuli ng gising sa pagpasok sa iskwela. Di ako ang bunsong ang tanging pinagkakaabalahan ay paglalaro. Walang ibang nag-uukol ng pag-aalala sa akin. Kung ako ba ay nakakain pa sa tamang oras o hindi? Kung ako ba’y nakaliligo na nang mag-isa o kaya ay nakapaghuhugas na ng puwet nang mag-isa? Kung ako ba ay nagsisipilyo pa? Walang ibang tumitingin sa akin, kundi ang mismong sarili ko lang.
Tanda ko, ako ang bunsong kailangang laging maging matatag. Parang laging hinihingi ng pagkakataon na kailangang maging matatag ako. Bagama’t bunso ay parang isinilang akong akong-ako lang ang bahala sa aking sarili. Ako ang bahala sa aking mga gamit, sa aking pagtulog at paggising. Walang ibang may responsibilidad sa akin, maging ang aking mga kapatid na noon ay mga dalaga’t binata pa, maging ang aking Nanay na matagal nang wala sa aming bahay o ang aking Tatay, na umuuwi lang pagkatapos ng maghapong pagmamaneho ng lumang dyip.
Mahilig akong mag-aral, ngunit ayaw na ayaw ni Tatay na nakikita akong may hawak na libro o kaya ay nagsusulat. Sasabihin niya, “aral na nga sa iskwelahan, aral pa rin pati sa bahay; di na kita napakinabangan sa bahay". Mas natutuwa siya kapag nakikita niyang ang hawak ko ay walis sa halip na lapis, kapag nakikita niya akong nagdidilig ng kanyang mga halamang gamot, nagbubunot ng mga ligaw na damo, nagpupuno ng tubig sa tapayan, naglalampaso ng sahig, at iba pa. Walang kahilig-hilig magpaaral ng kanyang mga anak si Tatay. Sa kanya, kung mapakikinabangan na nang mas maaga, mas mabuti. Binawian ng buhay si Tatay dahil sa kanyang sobrang paninigarilyo at pag-inom ng kape. Grade four ako nang nawala si Tatay.
Di normal ang pamilyang pinanggalingan ko. Di normal dahil sa tanang buhay ko, hinding-hindi ko nakitang nabuo ang aming pamilya, maging sa aking mga panaginip. Hinding-hindi ko nakitang nagkasama ang aking Nanay at Tatay. Isang malaking problema ko nga noong nag-aaral ako sa elementary ang pagpapadala ng picture ng aming buong pamilya kapag may assignment ang aking titser. Lagi’t lagi naman akong naghahanap ng picture sa aming bahay, hinahalughog ko ang buong bahay sa paghahanap kahit alam kong wala akong makikita. Hinding-hindi kami nabuo kahit sa isang picture lang.

Siyam kaming magkakapatid. Apat na babae at apat na lalaki, at ako ang pang-siyam, ang bunso. May sari-sariling buhay ang aking mga kapatid, gayundin ako. Ako ang bahala sa paglalaba ng aking mga damit, sa paghagilap ng aking babaunin at kakainin sa school. Akong-ako lang ang may responsibilidad sa aking sarili.

Nakatapos ako ng elementary sa sariling pagsisikap. Noon ay kumikita na ako kahit papaano sa pangunguha ng talbos. Talbos ng kamote at kangkong, dahon ng sili, at usbong, bulaklak o bunga ng sampalok. Nangunguha rin ako ng santol, sinigwelas, kaymito, papaya, mangga, banaba, atis, langka, at iba pang maaaring mapitas na bunga at maipagbili para magkapera. Hindi sa amin ang mga punong inaakyat ko, nagkataon lang na walang nagmamay-ari at nagbabawal sa aking pumitas ng mga bunga. Pati mga tuyong dahon ng saging, pinatos ko rin upang magkapera. Ginagamit kasi ang mga tuyong dahon ng saging sa pagpapatubo ng kabute. Tanda ko, sikwentang piraso ng tuyong dahon ay binibili sa akin sa halagang piso at singkwenta sentimos. Bilang na bilang ko ang bawat tuyong dahon ng saging na aking nakukuha. Tuwang-tuwa sa akin ang mga may sagingan, dahil nalilinis ko nga naman ang kanilang masukal na taniman.
Sa mismong graduation ko ‘nung elementary, nagdesisyon akong magpatuloy sa pag-aaral sa high school, kahit di ko alam ang tunay na bigat nito. Kahit anong mangyari, hinding-hindi ako titigil sa pag-aaral. Magha-high school ako. At ‘nung sinabi ng guest speaker na “di hadlang ang kahirapan sa mga gustong makapag-aral," gusto ko siyang sagutin. Di ako naniniwala sa sinabi niya. Di totoong ‘di hadlang ang kahirapan sa mga gustong makapag-aral. Hadlang na hadlang ang kahirapan.

Kaya ibayong sipag ko ‘nung bakasyon matapos akong mag-graduate sa elementary. Sa akin nakasalalay kung makapagpapatuloy pa ako ng pag-aaral. Kaya malaking problema ko noon kung walang talbos na makukuha o kung di mamunga ng marami ang mga puno sa aming lugar. Dahil kung walang talbos o mapitas na bunga, wala rin akong kita, walang perang maidadagdag sa iniipong pambili ng mga notebook, uniporme, at pang-matrikula.

Tamang-tama ang isang alok sa akin ng isang kilalang photographer sa aming lugar, si Ka Amado. Naghahanap kasi siya ng taga-deliver ng mga picture na kuha ‘nung nakaraang graduation sa aming iskwelahan at sa iba pang mga kalapit na iskwelahan sa aming lugar. Bukod sa libre na ang aking mga picture noong graduation ko, may limang piso pa ako sa bawat picture na maide-deliver ko. Libre pa ang tanghalian at meryenda. Kaya ayos na ayos!

Nagalugad ko ang aming buong Barangay, maging ang mga kalapit na Barangay sa paghahanap ng mga mukhang nasa picture. Isang malaking problema sa akin kung mahirap makilala ang nasa picture at di nakikilala kahit ng mga taong aking napagtatanungan (may mga tao kasing nag-iiba ang mukha sa picture). Kaya naging mapagmasid ako sa lahat ng tao na aking nakakasakay sa jeep, sa bawat nakakasalubong ko sa palengke, sa mga istambay sa kanto, sa mga nagpupunta sa poblasyon at munisipyo, sa mga nasa taong nasa barbero o parlor, at sa iba pang matataong lugar, dahil baka mukha nila ang nasa picture na hawak-hawak ko.
Naranasan kong makipagpatintero sa mababangis na aso, ang manggising ng mga taong malalayo’t liblib ang bahay, ang magmura nang malutong ngunit palihim dahil sa layo ba naman ng bahay ay di man lang maawang tubusin ang kanilang mga mukha, ang maligaw at makapagtanong sa mga lasing at nagti-trip. Ang magpunit ng picture sa harap ng mga taong tumatangging sila ang nasa picture, ang minsang umuwing wala man lang natubos kahit na isang picture.

Natuwa sa akin si Ka Amado dahil marami akong naide-deliver na picture. Kaya’t tuwing may mga picture na dapat i-deliver, ako ang tinatawag niya. Isinama na rin niya ako sa mga graduation ng mga iskwelahang kanyang kinukunan. Ako ang taga-buhat ng kamera, taga-lagay ng film, taga-lagay ng pulang ribbon sa mga dapat kunan, taga-resibo sa mga may downpayment, at iba pa. Sinasabi ko rin sa kanya kung sino ang may dapat pang tubusing picture. Ang iba kasi, nagpapakuha pa gayong tambak na ang picture na dapat tubusin. Pangatlong anak na nga yata ang nagtapos, e di pa natutubos ang picture ng mga naunang anak. At nakukuha pang ngumiti. Ang kakapal talaga ng mukha!

Sa bawat pagsama ko kay Ka Amado, may dagdag akong kita. Nakaipon ako nang higit sa aking maiipon kung mananalbos ako. Nakabili ako ng bag, ng aking mga gamit sa school, ng aking dalawang polo at isang pantalon. Nabayaran ko rin ang apat na buwan ng aking matrikula. Tuwang-tuwang ako noon. Problema ko na lang ang anim na buwan pa. Pero may Chrismas Party, JS Prom, at iba pang mga activity sa school na maaaring kunan si Ka Amado, at maide-deliver ko pa.

Kaya sa apat na taong pag-aaral ko sa high school, akong-ako pa rin ang bahala sa aking sarili. Walang ibang may pakialam sa akin, kundi akong-ako pa rin. Naisip ko, baka talagang alam ng aking walong kapatid, ng aking nanay noon, na kayang-kaya ko naman, kaya di nila ako pinakikialamanan. Siguro nga.

Sa mga panahong walang picture na maide-deliver, pananalbos ang aking isinisingit upang pagkakitaan. Pambaon sa araw-araw, pamasahe, at pambili ng ilang mga kailangan. Masuwerte kung tag-ulan dahil mabilis tumubo ang usbong ng sampalok, at iba pang pwedeng talbusan. Kahit mahirap akyatin ang puno ng sampalok dahil naglulumot ito kung tag-ulan, nangunguha pa rin ako ng usbong. Nagpapakadulo sa makukunat na sanga kahit pa may mga higad o malalaking hantik na nabubulabog. Minsan nga, isang malaking ahas na nakapulupot sa isang sanga ang aking nakita. Nagmadali akong bumaba noon at naghanap ng ibang punong matatalbusan.
Napakatagal bago makaisang kilo ng usbong. Paano’y napakagaan lang naman ng usbong at may pagkamaselan pa. Kung di tama ang pagkakapitas, mangingitim ang usbong at di na bibilin ng mamamakyaw sa palengke. Kaya natutunan kong pitasin nang pakurot at ‘di pahagod ang usbong ng sampalok. Pagkapitas, ibubuyangyang ko ang usbong sa isang bilao o kaya’y basket, dahil kung plastik, malalanta ito at mangingitim.

Ayokong maitiman uli ng usbong, paano ay nadala na ako noong halos apat na kilong usbong na nakuha ko sa maghapon ay nangitim na parang nasunog lahat. Walang mamamakyaw ang bumili. Nauwi sa bula ang buong maghapong pagpapagod ko. Simula noon, pinag-aralan ko ang sining ng pagpitas ng usbong. Nagtanong din ako sa mga bihasa sa pagpitas nito sa aming lugar. Tanda ko’y mga twenty five pesos ang isang kilong usbong noon. Mas mahal kumpara sa ibang talbos na aking nakukuha tulad ng talbos ng kamote, kangkong, sili, o malunggay.

Matapos ang usbong, ilang buwan pa’y bulaklak naman ng sampalok ang aking pipitasin. Kasunod nito, bunga naman. Sa mga panahong iyon, kaya kong makapitas nang higit sa tatlong tiklis ng bunga ng sampalok sa isang araw. Tumitigil lang akong kung wala ng bungang mapipitas o kung masyadong nasa dulo ang bunga. Walang puno ng sampalok ang nakaliligtas sa akin sa aming lugar, lahat inaakyat ko para talbusan.

Sanay na sanay akong umakyat ng puno. Alam na alam ko kung anong puno ang maaaring puntahan ang dulo at alin naman ang hindi. Kung alin ang punong makunat o malutong ang mga sanga. Kahit pa ako’y magpakataas-taas, hinding-hindi ako nalulula. Pero kahit sanay na sanay akong umakyat ng puno, naranasan ko na ring mahulog, di sa puno ng sampalok kundi sa puno ng kaymito. Paano’y pinilit kong abutin ang isang hinog na hinog na bunga. Pero pagkatapos kong mahulog, pagkatanggal ng matinding sakit, lalo akong naging matapang sa pag-akyat ng puno.
Wala akong pinagkuwentuhan maski ang aking mga kapatid, kahit halos mapatid ang aking hininga noon sa pagkakabagsak at ang hapdi ng hiwa sa aking palad dahil sa pagkakasabit sa alambreng bakod. Tanda ko, mga first year high school na noon.

Habang nag-aaral sa high school, natuklasan ko ang iba pang pwedeng pagkakitaan bukod sa pananalbos at pagpitas ng mga bunga. Ito ay ang pagtitinda ng tsitsaron, yema, pulburon, at iba pa. Habang nagtuturo nga ang aking titser, wala siyang kamalay-malay na lumilibot nang palihim sa ilalim ng mesa ng aking mga kaklase ang aking paninda. May mga guro ring bumibili sa akin ng yema at pulburon, lalo na kung katatapos lang nilang kumain ng tanghalian.

Kaya noon, di ko gaanong problema ang pambayad ng aking matrikula buwan-buwan. Kayang-kaya ko namang bayaran, ‘yun nga lang medyo natatagalan ako bago makahagilap o makaipon ng pambayad. Minsan, pamasaheng-pamasahe lang kasi ang pera ko.

Nakatapos ako ng high school na akong-ako lang. Wala sa aking mga kapatid ang nagpaaral sa akin. Walang sinuman sa kanila ang naging obligasyon na papagtapusin ako kahit sa high school man lang. Siguro, ang alam nila, talagang kayang-kaya kong mag-isa.

Kaya noong bakasyon, pagkatapos ko ng high school, ibayong pananalbos at pagde-deliver ng mga picture ang inatupag ko. Halos di na ako umuuwi ng bahay. Pinatulog na ako ni Ka Amado sa kanilang bahay, upang umaga pa lang at di pa sumisikat ang araw ay nagsisimula na akong magbahay-bahay at maghagilap ng mga mukhang nakangiti at nakaligtaang mayroong silang dapat tubusin. Pinahiram na rin ako ni Ka Amado ng bisikleta, ng isang bag na lalagyan ng picture (dati kasi’y plastik bag lang ang gamit ko), pinabaunan ng tubig at tinapay, pamasahe at pocket money kung sakaling wala pang tumutubos ng picture. Linggo ang pinakagusto kong araw ng paghahatid ng picture, dahil nasa kani-kanilang bahay ang mga may kakayahang magbayad.
Halos maubus-ubos ang mga picture na dala ko. Kumikita ako noon ng dalawang daan at singkwenta pesos sa isang araw. Tuwang-tuwa ako dahil malaking halaga na ito noon. Huwag sanang maubos ang mga picture na kailangan kong i-deliver, dahil kung mauubos, mababawasan ang kita ko. Maimbento pa sana ang iba pang okasyon na kailangan ang photographer at picture!
Isinama na rin ako ni Ka Amado sa mga kasalan, birthday, binyagan, lamay o libing at kung anu-ano pang okasyon na kailangan ng litratista. Naging taga-tutok na rin ako ng ilaw para sa video, taga-dala ng mga picture o diploma na dapat i-laminate, at iba pa.

Kung walang okasyon o mga picture na maide-deliver, isinisingit ko pa rin ang pananalbos at pangunguha ng mga bunga na maaaring ibenta.

Akala ko, nakaipon na ako nang malaki noon. Akala ko, sapat na ang aking naipon para makapag-aral sa kolehiyo. Sa pagluwas-luwas ko noong papuntang Maynila, sa paghahanap ng mga pwedeng pasukang iskwelahan at pagkuha ng mga entrance exam, halos maubus-ubos na ang ipon ko. Wala palang bisa ang ibayong pagsisipag ko noong bakasyon upang makapag-aral ako sa kolehiyo. Mahirap talagang maging mahirap sa may pangarap na makapag-aral.
Kaya’t naisipan kong maghanap ng trabaho bilang isang service crew sa fast food chain. Ito kasi ang uso noon. Isinabay ko sa paghahanap ng iskwelahang mapapasukan ang pagbibigay ng aking bio-data sa bawat fast-food na aking madaanan noon. Laging akong may baong bio-data sa aking bag. Buti na lang at hindi ko na problema ang ID picture. Marami naman ang tumawag sa akin sa teleponong ibinigay ko, na telepono ng kaibigan ng aking kaeskwela noong high school.
Sa hinaba-haba ng aking ipinila at paghihintay, iisa lang ang sagot sa akin kapag kaharap na ako ng nag-iinterview. Masyado raw akong maliit para maging service crew. Ang iba nama’y may nakahanda nang sukatan ng taas bago pa man interbyuhin. ‘Ni ‘di man lang ako tinanong. Tinatawag na agad ang kasunod ko. Nakabibinging “Next please!" ang malimit kong marinig.
Kung maaari nga lang sanang sabihing sanay naman akong umakyat ng puno, kahit pa gaano kataas, kahit gaano kalanggam o kahigad, kahit pa naglulumot ang puno, kayang-kaya ko. Kaya ko ring hagilapin ang bahay ng mga taong nagtatago, kahit saang liblib o lupalop ng mundo. Pero walang punong kailangang akyatin sa loob ng fast food. Walang punong maaaring talbusan sa Maynila. Walang taong kailangang hanapin at papagtubusin ng kanilang mga obligasyon. Sa dinami-dami ng tumawag at nag-interbyu sa akin, walang tumanggap sa akin kahit isa.
Kaya’t iisang libo ang natira sa aking ipon. Sa ilang beses na pagluwas ko at pagpapainterbyu sa mga taong akala mo’y mga Diyos kung magtanong. Itinabi ko nang buong ingat ang natitirang isang libo na pinaghirapan ko noong nakaraang bakasyon, kahit alam kong wala na itong mararating.

Pero nakapasok pa rin ako sa kolehiyo, gamit ang downpayment na isang libo na natira sa aking ipon. Nakituloy ako sa boarding house ng aking pamangking kumukuha ng Nursing, na anak na panganay ng aking Ate.

Kumuha naman ako ng isang kursong di ko alam kung ano. Banking & Finance yata ‘yon. Pero isa lang ang sigurado at alam na alam ko noon, dinoble ko ang sipag at tiyaga sa pag-aaral. Sabi ko, siguro ‘pag nakita ng iskwelahan na matiyaga ang istudyante, baka kuning iskolar. Naging highest pa nga ako sa mga pagsusulit noon sa klase. Pero wala palang mata ang iskwelahan para makakita. Naubos na ang mga araw na palugit, hinihingi na ang permit bago makakuha ng final exam. Di na pwede ang sulat ng paumanhin o pakikiusap. Pitong-libo ang halaga ng permit. Ito ang simula ng mga tunay kong problema. Tunay na problema, dahil di na biro ang laki ng perang kailangan ko. Hinding-hindi na ito kayang sustentuhan ng pananalbos o pagde-deliver ng picture.
Nagpunta ako Guidance Counselor. Pero ang sabi, ba’t noon lang daw ako lumapit sa kanya at magda-drop, masyadong huli na raw at di na maibabalik ang isang libong downpayment ko. Akala ko’y matutulungan niya akong makakuha ng final exam, di pala.

Kaya isang araw, walang katinag-tinag at walang anumang pag-iisip at pagsisisi, “Bye! Bye!

Napakamahal na iskwelahan!"

Paalam na rin sa ‘sang-libong downpayment ko!

Walang sinuman sa aking pamilya ang nakakaalam ng pangyayaring ito, maging ang pamangkin kong tinutuluyan, kundi akong-ako lang. Akala nila, ayos na ayos lang ako, na ako pa rin ang batang ang problema ay kung saan maaaring makapanalbos upang may mabaon, na walang anumang mabigat na problema akong pinapasan.

Kaya sa unang pagkakataon, naranasan kong tumigil sa pag-aaral. Pero buti na lang at sa aking paghinto, may tumanggap na sa akin bilang service crew sa isang bagong-bagong tayo na fast food, na halos nasa tapat ng La Salle sa Vito Cruz.

Di pala biro ang tanggapin bilang Service Crew. Kailangan pa ng NBI at Police Clearance, Mayor’s Permit, Health Certificate, at pambayad sa dalawang set ng uniporme, bukod pa ang ilang ulit na interview at pagbabalik-balik. Malaki-laki rin ang kailangang pera upang magkaroon ng lahat ng ito, at tanggapin bilang isang legal na Service Crew. Umutang muna ako sa pamangkin kong may regular na allowance kada linggo.

Sa unang araw ko bilang service crew, nasabak ako sa counter. Mabilis daw kasi akong kumilos (na ipinakita ko sa training pa lang) kaya dapat daw akong nasa istasyong ito. Siyempre, mga Lasalista ang halos lahat ng kumakain.

Sa mga oras na kakaunti ang kumakain, nagde-deliver din ako ng mga pagkaing order mula sa mga kalapit na opisina. Siyempre, madali kong nahahanap ang mga building, street, o bahay ng mga umorder. Eksperto yata ako sa paghahanap ng mga bahay. Kapag opisina sa La Salle ang umoorder, nakikipag-unahan ako sa ibang mga Service Crew sa pagkuha ng pagkaing dapat i-deliver. Akala nila ay sobrang sipag ko lang talaga. Pero ang di nila alam, gustung-gusto ko lang makapasok at makita ang nakabibighaning mga gusali at halaman sa loob ng La Salle. Kay puputi ng naglalakihang gusali at berdeng-berde ang mga halamang parang plastik na di nawawalan ng bulaklak. Parang nag-iiba ang mundo ko kapag nakakapasok ako ng La Salle, kahit sandaling-sandali lang. Sana, nakapag-aaral din ako.

Pero bago ako makapasok at maihatid ang pagkaing oder sa La Salle, katakot-takot na pagsisiyasat ang gagawin sa akin ng mga guardya, na para bang bomba ang aking dala at sa akin nakasalalay ang buhay ng lahat ng tao sa loob ng La Salle. Bukod pa sa mukhang nadidismaya at naiinis sa akin ang mga guardya, dahil nakadaragdag nga naman ako sa magaan naman ngunit pilit nilang pinabibigat na trabaho. Sa tuwing magde-deliver ako, di pa man ako nakakalapit, ay nagsasalubong na ang kilay ng mga guardyang pagtatanungan ko. Pero sanay akong makiharap sa lahat, maging sa mga ayaw akong harapin o sa mga naaasar sa akin. Hinding-hindi kailanman naging pamilyar ang aking mukha sa mga guardya. Di kailanman sila naging maluwag sa akin, kahit pa halos araw-araw ay nagde-deliver ako ng pagkain sa loob ng La Salle.Nakaipon ako sa aking pagiging Service Crew. Kung kaya nakabalik ako sa iskwelahang pinasukan ko, ngunit di na upang mag-aral kundi para bayaran ang utang kong pitong-libo (kahit abot-langit ang aking panghihinayang!), upang makuha ko ang aking credentials. Pagkatapos kong magbayad, ibinigay sa akin ang isang kapirasong papel, INCOMPLETE ang lahat ang grades ko. Wala raw kasi akong final exam kaya INCOMPLETE. Di na mahalaga sa akin ang grades na nakuha ko. Ang importante sa akin, nabawi ko ang card ko ‘nung high school.

Ayos lang kahit papaano dahil hinding-hindi na naman ako babalik sa iskwelahang iyon. Ito na ang huling pagpapaloko ko. Pagkalabas ko sa mukhang perang iskwelahang iyon, pinunit ko ang kapirasong papel na grades ko raw.

Hinayang na hinayang ako sa pitong libo na aking ibinayad na halos limang buwan kong pinaghirapan, at maging sa tiyagang ibinuhos ko noon sa pag-aaral. Pero naibabalik naman ang tiyaga, pero ang pitong-libo, di na. Pitong libo pala ang halaga ng mga INCOMPLETE?Pauwi galing sa pagbabayad, napadaan ako sa isang luma at parang kumbentong iskwelahan. Walang kaabog-abog akong pumasok at nagtanong kung kailan ang entrance exam. Nagkataon namang buwan iyon ng pagkuha ng exam. Tandang-tanda, ko seventy pesos ang aking ibinayad para sa entrance exam.

Nakapasa ako. Pagkapasok ko bilang freshman uli, saka ko lang nalaman na kilalang-kilala pala ang iskwelahang pinasukan ko sa kursong education. Walang ibang kursong iniaalok dito kundi Education. Wala akong kamalay-malay, pagiging isang titser pala ang pinasok ko.
Murang-mura ang aking matrikula kumpara sa pinanggalingan kong iskwelahan. Pero kahit murang-mura, problema ko pa ring malaki ang pera. Isa pa, mahirap pa lang makituloy, kahit kadugo ko at anak ng aking Ate ang aking tinutuluyan. Walang di nagsasawa sa pagtulong, lalo na kung madalas.

Nagpatuloy ako sa pagiging Service Crew sa araw, at estudyante naman sa gabi. Sa mga linggong wala akong sweldo, ay talagang isang malaking problema sa akin. Dahil siguro sa matinding inis na ng aking pamangkin, kung kaya pinagtataguan na niya ako ng pagkain, ng sabong panlaba at pampaligo, colgate, shampoo, at ng iba pa. Nakikihati pa nga naman ako sa kanyang tinitipid na allowance kada linggo.

Lalo pang nadagdagan ang problema ko ‘nung matapos ang anim na buwang kontrata ko bilang Service Crew. Dagdag pa ang di magandang pakikitungo sa akin ng aking pamangkin. Alam kong nabibigatan na rin siya sa akin. Nararamdaman kong sawa na siyang tumulong, kaya’t napilitan na akong humiwalay.

Sa mga unang linggo, nag-uwian ako mulang Bulacan patungong Maynila. Tiniis ko ang layo at ang pagod ng biyahe, pero ayos lang naman dahil sanay naman ako rito. Ang di ako sanay, ay ang manghingi sa aking kapatid ng pamasahe kung talagang walang-wala na ako.

Kung talagang pwede namang ‘di pumasok sa araw na iyon, ‘di muna ako pumapasok, nang kahit papaano ay makatipid ako sa pamasahe. Pero hinding-hindi ako tumigil sa pag-aaral. A tleast ‘ka ko, di ko na problema ang matrikula, ang problema ko na lang ay pamasahe at pambili ng pagkain sa araw-araw, na kahit papaano ay madaling mahagilap.

Kung minsan nga, pagsakay ko ng dyip o bus, ini-imagine kong sana ay naging pera na lang ang mga balat ng kendi o ang mga tiket na nakasingit sa mga upuan nang may maipamasahe ako. Madalas ding nagwa-wan-tu-tri na lang ako sa dyip. Pinupulsuhan kong maigi ang drayber kung kailan dapat bumaba nang di napapansin.

Pero di nagtagal, natanggap uli ako bilang service crewi. Madali na akong nakapasok dahil may experience na raw ako. Dahil dito, nakapag-boarding house na ako. Pero panibagong problema ang mga linggong dapat nang magbayad ng upa.

Sa mga araw o gabing tila isa akong wanted at nagtatago sa may-ari ng boarding house dahil wala pang sweldong pambayad ng upa, sa Luneta ako natutulog. Nakakadismaya lalo na kung tyempong umaambon o kaya’y umuulan, dahil hindi pwedeng magpalipas ng gabi sa Luneta.
Kamuntik-muntikan na rin akong makulong sa kulungang puno ng mga snatcher, mandurukot, durugista, at solvent boys, dahil nahuli akong umiihi sa isang pader sa may Luneta. Buti na lang at may natawagan akong isang kaibigan na siyang nagbayad ng tatlong daang piso na piyansa para ‘di ako makulong. Kundi dahil sa kaibigan kong binulabog ko nang madaling araw na iyon, matutulog akong kasama ng mga lalaking nanlilisik ang mga mata at tila handang mamamatay, kasama ng mga kinumpiskang taho, maantot na balot at penoy, kumunat na tsitsaron, kendi, sigarilyo, at iba pang kinumpiskang mga paninda sa Luneta.

Problema ko rin maging ang mainit na tubig para sa kape sa umaga. Sa kantin ng aming iskwelahan, naging kaibigan ko si Ate Helen. Siya ang nagbibigay sa akin ng sabaw at nagpapailalim ng maliit na hiwa ng baboy o kaya ay longganisa, tocino, o kaya ay pritong tinapa sa sandamukal na kanin na binili ko.

Bukod sa pagiging working student, naisingit ko pa rin ang pagiging staff writer ng student publication ng aming eskwelahan, na ang opisina ay naging bahay ko na rin paglaon. Sa mga gabing wala talaga akong matulugan, sa opisina ng publikasyon ako lihim na natutulog. Tinatakpan ko ng mga diyaryo ang lahat ng bintana, upang di maaninag ng mga guardyang nagroronda sa gabi ang liwanag na nagmumula sa iskrin ng kompyuter. Ito ang gabi ng aking paggawa ng mga reaction at term paper, at ng maraming-maraming tula. Umiihi ako sa bote ng softdrink. Naglalakad nang dahan-dahan at walang anumang nililikhang ingay o kaluskos.
Sa umaga, sa may CR ng library ako lihim na naliligo. Pero isang malas na umaga, habang nangangaligkig ako sa lamig ng tubig, naabutan ako ng isang guardya na naliligo. Habang basang-basa pa ang aking katawan, agad niya akong pinagbihis at dinala sa guidance. Parang basang sisiw akong naglalakad noon sa campus. Buti na lang at kokonti pa ang mga istudyante. Buti na lang at kilala ako ng Guidance Councilor. Hayaan na raw ako dahil working student ako.
Kung minsan, napapasama na rin ako sa mga picket line ng mga kaklase kong aktibista, upang makaidlip kahit papaano sa mga tulugang matitigas, binubungan ng mga sako at diningdingan ng mga pulang placard. Minsan sa tapat ng Korte Suprema, sa Mendiola, sa Kowloon House na sapilitang isinara ng mga manggagawang di pinapasweldo, at kung saan-saan pa. Nakikihapunan ako ng kaning pinaibabawan ng noodles.

Sa mga panahong ito na malaking problema ko ang matutulugan at pagkain, hinding-hindi ko kinaawaan ang aking sarili.

Pero ngayon naisip ko, kung sinubukan ko kayang lumapit noon sa aking mga kapatid at sinabi ko sa kanilang kailangang-kailangan ko ang tulong nila, seryosohin kaya nila ako? Na talagang nahihirapan na ako. Pero sino ba ang gustong makapag-aral? Di ba’t ako lang naman din? Katawang-katawan ko na lang naman ang dala-dala ako, nahihirapan pa ako? Tiyak na ito ang kanilang sasabihin sa akin.

Isang tag-araw, nagulat na lamang ang aking mga kapatid sa aking ibinalitang graduate na ako. Walang-wala silang kamalay-malay sa aking mga pinagdaanan bago nakatapos, na ang kursong pwede kong makuha sa apat-na-taon ay kinuha ko nang anim-na-taon.

Tulad ng dati, akong-ako pa rin ang nag-iisang kumuha ng aking diploma. Ang bumili ng sariling sampaguita para sa akin. Ang nagpa-picture ng mag-isa sa entablado. Ang kumain nang mag-isa sa lugawan pagkatapos ng graduation—nang mapasalamatan ko naman ang sarili ko.
Walang anumang inihandang selebrasyon o kaya ay salusalo ng pasasalamat ang aking mga kapatid para sa kanilang kaisa-isa at bunsong kapatid na nakatapos ng pag-aaral. Di ko ito inaasahang gagawin nila para sa akin.

Nabalita sa aming buong Baranggay ang ukol sa aking pagtatapos. Kaya noong nakaraang Marso, naimbitahan akong maging panauhing pandangal sa iskwelahang pinagtapusan ko noong elementary, kahit di ako honor student o anumang maipagmamalaking katalinuhan. Isa sa mga kapatid kong lalaki ang sumama at nakinig sa aking pagsasalita sa harap ng maraming tao. Alam kong alam na niya ang lahat, ang lahat-lahat ng dinanas ko bago makapagtapos ng pag-aaral, ang naging buhay at pakikipagsapalaran ko sa Maynila. Nararamdaman din siguro niya ang ligaya na kasama ng mga luhang nagmula sa mata ng mga magulang ng mga batang nagsipagtapos.
Inatupag ko ang paghahanap ng iskwelahang pwede kong pasukan at pagturuan. Kailangan ko nang magkatrabaho at kumita. May nag-alok sa aking magturo sa isang bagong tayong iskwelahan sa may Siniloan, Laguna. Agad kong tinanggap ang alok kahit di ko alam kung saan. Pasong-paso na ako sa Maynila, sa masikip at malupit na Maynila.

Pinakadulo na pala ng Laguna ang Siniloan. Napakasimple ng buhay. Mataas ang tingin sa mga guro. Dahil di pa kayang kumuha ng maraming titser ang iskwelahang pinasukan ko, nagturo ako ng Filipino, Araling Panlipunan, Computer, at pati Physical Education. Anak ng mayayamang taga-Laguna ang aking mga tinuruan. Dalawang taon akong nagturo sa iskwelahang iyon at dalawang taon din akong nalayo sa Maynila at sa aking mga kapatid. Sa Siniloan ako lubos na nakapagsulat.

Walang sinuman sa aking mga kapatid ang nangahas na magtanong kung saan ako nagtuturo. Kung ano ang aking itinuturo. Basta ang alam lang nila, di na ako sa Maynila naglalagi.
Pero nakabibingi rin pala ang sobrang katahimikan. Nakatatakot ang sobrang kapayapaan at laging pag-iisa. Bumalik ako sa Maynila sa pag-asang sa pagkakataong iyo ay maging biyaya na ang mga pasakit at mga problemang naranasan ko noon.

Tila dininig yata ang aking kahilingan. Nagwagi ng unang gantimpala sa Timpalak Palanca ang isang kuwentong-pambata na isinulat ko sa Siniloan. Inalok ako ng Pangulo ng pamantasang pinagtapusan ko na magturo roon. Naging sunud-sunod ang imbitasyon sa akin, sa istasyon ng radyo, sa ibang mga Pamantasan sa Maynila at probinsya, upang magbahagi ng mga teknik at kaalaman sa pagsulat sa mga gustong maging manunulat. Inalok din ako ng isang publishing house na ilathala ang kuwento kong nanalo.

Bukod sa Timpalak Palanca, nagwari rin ng mga pangunahing gantimpala ang iba ko pang mga akda na naisulat ko sa Siniloan. Nalibot ko ang Pilipinas dahil sa mga imbitasyon ukol sa pagsusulat.Nagkasunud-sunod ang mga biyaya habang naglalakihan at tumatalim ang mga tila pangil ng matatandang guro sa pamantasang aking pinagtuturuan. Ang masakit pa ang ilan sa kanila ay dati kong mga guro, na sa halip na ituring akong kanilang produkto, ay naging malaking banta ako sa kanila. Tamad naman daw akong istudyante, pala-absent daw ako. Ano raw ba ang kakayahan kong magturo sa kolehiyo? Di naman daw ako aral na manunulat. Hinuhulaan ko lang naman daw ang pagsusulat. Ano raw ang karapatan kong maimbitahan upang magsalita o mag-lecture ukol sa pagsusulat? Wala raw akong kakayahang magturo ng Filipino dahil di naman ako Filipino major? Pinalampas ko lang ang lahat ng ito. Inatupag ko ang pagtuturo at pagsusulat.
Natanggap din ako bilang isa sa mga gurong magsasanay upang makapagturo ng wika at kulturang Filipino sa mga istudyanteng Fil-Am na galing sa iba’t ibang bahagi ng Amerika. Sa sampung guro na nagsanay, ako ang napiling magturo. Anim na linggo akong nagturo at dolyar pa ang aking sinuweldo. Tinanggap ko ang oportunidad na ito, una dahil sa kakaibang karanasan na matatamo ko sa pagtuturo at sa malaking kita, pangalawa, sa La Salle magaganap ang klase.
Dahil sa kinita kong dolyar, may paunang pera akong nagamit upang bilhin ang bahay ng aking kapatid na lumipat na ng ibang bahay. Unti-unti kong ipinaayos ang bahay: pinakisamehan, pinalagyan ng magandang tiles, ipinakumpuni ang mga sirang tubo, ipinabago ang lababo, pinalagyan ng magagarang ilaw, at pinapinturahan.Unti-unti ay nalamanan ko ang bahay ng mga kasangkapan: TV, ref, component, sala set, dining table, water dispenser na may mainit at malamig, aircon sa kwarto, at higit sa lahat, isang malambot at mamahaling kama. Isang magandang banyo at paliguan din ang aking ipinagawa, de-flush at may shower pa, may maliit ding lababo, lalagyan ng sabon at tissue, sabitan ng tuwalya, at isang magandang salamin. Ang isang pader ng bahay ay pinalagyan ko rin ng mga lalagyan ng libro. Bawat panalo ko sa patimpalak sa pagsulat, isang kasangkapan sa bahay ang aking binibili.

Ngayon, di ko na kailangan pang makituloy kung kani-kanino o matulog kung saan-saan. Di ko na kailangan pang magtago dahil sa walang maipambayad sa kakapiranggot na tulugan na sobrang ingay, sikip at init. Ngayon, kahit magpagulong-gulong ako sa aking malambot na kama at magbabad nang matagal sa malamig kong kwarto, walang-wala na akong mapeperwisyo. Walang-wala na akong dapat pang pagtaguan. Walang-wala na akong maaabala.
Sa kasalukuyan, naging takbuhan ako ng mga kapatid kong nagigipit. Marami na rin silang itinatanong sa akin. Kung saan ako nagtuturo? Kung ano ang aking mga itinuturo? Kung anong bagong parangal sa pagsulat ang aking nakuha? At kung anu-ano pa. Sabik na sabik naman akong nagbabalita at sumasagot sa mga tanong nila. Sabik na sabik akong magkuwento sa kanilang tila napalayo sa akin sa matagal na panahon.

Matapos ang anim na linggong pagtuturo ko sa mga Fil-Am, inalok na rin ako ng Chair ng Departamento ng Filipino ng La Salle na magturo roon. Binigyan din ako ng scholarship upang makapagpatuloy pa ng aking pag-aral sa Masteral.

Naisip ko, hinding-hindi sumagi sa isip ko noon na makababalik ako ng La Salle, na di na bilang taga-deliver ng pagkain, kundi bilang isang guro.

Sa unang araw ng aking pagtuturo sa La Salle, maagang-maaga akong pumasok at naglibot. Berdeng-berde pa rin ang paligid ng La Salle. Nadagdagan pa ang magaganda at sariwang halaman na para pa ring mga plastik, na pinalibutan ng maliliit at mapuputing bato. May mga bago na ring gusaling nadagdag. Parang kay tagal na noong huli akong pumasok sa La Salle bilang taga-deliver ng pagkain.

Pakiramdam ko, parang bumalik uli ako sa panahon ng aking pananalbos. Pinipili ko ang pinakasariwang mga talbos. Pinipitas ang buo at walang mga sirang dahon. Simple ang mga nabubuong pangarap, habang nasa ituktok ng mahigad at malanggam na puno ng sampalok. Ako pa rin ang batang kailangang patuloy na maging matatag. Ang bunsong walang sinumang ang may responsibilidad.

Dinidinig din pala maging ang mga di maiusal na pangarap, ang nasabi ko sa aking sarili matapos ang unang araw ng aking pagtuturo, habang bumabati at ngiting-ngiti na pala ang dalawang guardyang nakatayo sa gate na di ko gaanong napansin.