Saturday, August 29, 2009

Ang Balon sa Silong ng Aming Bahay

NOONG BATA AKO, may isang lihim akong pinakaiingat-ingatan—ito ay ang balon sa silong ng aming bahay. Malalim na malalim ang balon, lagpas-kawayan ayon sa aking mga kapatid. Ang mga kapatid ko ang naghukay ng balon kasama ng aking Tatay.

Bukod sa paninigarilyo at pag-inom ng matapang na kape, naging bisyo ng aking Tatay ang paghuhukay. Apat na balon ang alam kong hinukay niya, kasama ng aking mga kapatid na lalake. Mayroon sa Montalban, sa silong ng aming bahay, sa tabi ng sapa (na aming pinagpapaliguan pa noon), at isa pang mababaw na hukay sa ilalim ng tulay na bato. Ginto ang dahilan ng pagkakalulong ni Tatay sa paghuhukay. Gusto niya ang dagliang pagyaman.

Dahil nga sa matinding hirap at gutom ng aking mga kapatid na lalaki sa paghuhukay sa Montalban, nagkasakit sila ng Malaria. Tanda ko, umuuwi noon ang aking Nanay at ang aking Ate sa lumang bahay upang alagaan ang aking mga kapatid na lalaki. Nag-aapoy ang galit nila sa aking Tatay. Siya kasi ang dahilan kung bakit nagkasakit ang aking mga kapatid. Dinig ko, halos buong magdamag silang naghukay. Wala silang maayos na tulugan at nilagang saging lamang ang kanilang kinakain.

Tinakpan lang ni Tatay ng playwud ang balon sa silong ng aming bahay. Sa tabi nito siya natutulog at kami namang magkakapatid ay sa itaas ng bahay. Nilagyan ng harang ni Tatay ang balon, ang kanyang tulugan at sa kabila ay ang amin namang mesang kainan.

Malas daw ang bahay na may balon sa silong. Kaya nga noon, damang-dama ko ang kamalasan ng aming buhay. Nakasangla ang lupang kinatitirikan ng aming bahay sa bangko. Walang makakilos at walang makadesisyon kung ano ang dapat gawin at kung paano ito mababayaran dahil kay Tatay. Walang malinaw na pangarap para sa amin ang aming Tatay. Napakalabo ng bukas para sa akin noon.

Isang hapunan habang kumakain, hinahanap ko ang aking tsinelas. Di ko namalayang nahulog pala ito sa balong malalim. Ipinakuha ni Tatay sa aking kapatid ang aking tsinelas. Inalis namin ang takip nitong playwud at sa unang pagkakataon ay nakita ko ang balon. Nakakalula ang lalim na balon na noon ay may tubig na. Pakiramdam ko nga, parang kinakain na ng balon ang aming buong bahay. Sinungkit na lamang ng aking kapatid ng mahabang kahoy ang aking tsinelas.

Alam kong ang matinding kabiguan sa buhay ang nagtulak sa aking Tatay upang maghukay. Naloko siya papuntang Saudi Arabia.

Ngunit nang pumanaw ang aking Tatay, doon lamang talaga nakakilos at nakapagdesisyon ang aking mga kapatid. Bago maipagiba ang aming lumang bahay, nagawa ng poso-negro ang balon sa ilalim ng aming bahay.

Biro nga ng isa kong kapatid, “hinding-hindi namin kayang punuin ang balon” dahil sa lalim nito kahit sa aming habambuhay. Kahit papaano ay napakinabangan namin ang balon.

Walang sinuman sa aking mga pamangkin ngayon ang nakakaalam na ang poso-negro ay ang malalim na malalim na balon sa aming lumang bahay noon.

Natakpan na ito ng semento.

No comments:

Post a Comment