ANG AKING GURO na si Sir Pat Villafuerte ang nakapansin na laging may nanay na tauhan sa aking mga kuwentong-pambata. Nang balikan ko nga ang mga kuwentong-pambatang na aking naisulat, lagi ngang may nanay, hinding-hindi nawawala.
Naisip ko, bakit nga ba di ko isulat ang tungkol sa Nanay ko? Sandamukal na ang naisulat ko, pero ni wala sa mga ito ang tungkol sa kanya. Wala pa talaga akong naisusulat para sa kanya.
Espesyal na araw para sa Nanay ko ang araw ng Huwebes at Linggo dahil ito ang araw ng kanyang pagsamba. Bata pa lang ako, alam kong ibang-iba na ang relihiyon namin sa ibang mga bata—na bawal na bawal sa amin ang kumain ng dinuguan, ang Pasko, ang dumalo sa mga pista, at iba pa. Alam ko ring ibang-iba sa ibang simbahan ang aming sambahan, na walang anumang makikitang rebulto o imahen sa loob nito, na laging patulis at magkakamukha ang lahat ng aming kapilya saan mang lugar, na magkahiwalay ang upuan ng mga lalaki at babae sa pagsamba.
Una kong natutunan ang kasaysayan ng Iglesia ni Cristo kaysa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ang relihiyong itinayo ni Manalo noong 1914. Ang kauna-unahang relihiyong isinilang sa Pilipinas at lumaganap sa buong mundo. Kilalang-kilala ko rin ang itsura ng dalawang Manalo, na akala ko noong bata ako, ang siyang mga Diyos—hinding-hindi kasi nawawala ang kanilang mga pangalan sa aming mga panalangin. Lagi ring nakalagay ang kanilang mga larawan sa aparador ng aking Nanay—akala ko nga noon, ang kaarawan ng dalawang Manalo ang aming Pasko.
At higit sa lahat, bata pa lang ako ay nakatanim na sa isip ko na tungkulin ng bawat Iglesia na magbigay ng bahagi ng kanyang kita o abuloy sa Iglesia. Tulad ng anumang mahahalagang dokumento, pinakaiingatan ni Nanay ang kanyang pasaporte na nagtatala ng kanyang mga inabuloy sa Iglesia. Noong bata ako, pakiramdam ko, ligtas na ligtas ako—malimit ko kasing marinig sa Ministro sa aming mga panalangin na “ang sinumang pumasok sa aking katawan (Iglesia) ay maliligtas”.
Tulad ni Nanay, regular din akong sumasamba tuwing Huwebes at Linggo. Higit na masaya ang araw ng Linggo dahil may misa para lang sa mga bata. Isa rin ako sa mga batang mang-aawit. Sa tingin ko nga, ang maagang pagsamba ko ang nakatulong sa akin nang malaki sa pagiging manunulat ko ngayon. Tagalog ang wikang ginagamit ng Iglesia sa misa at sa mga pagsamba at panalangin. Sa tingin ko, malaking salik ito upang higit na maging buo ang mga Iglesia. Bata pa lang ako, nasa bokabularyo ko na ang mga salitang tulad ng paghuhukom, pananampalataya, pagsamba, handog, abuloy, kapatiran, pasasalamat, panalangin, papuri, sanlibutan, kaligtasan, tiniwalag, nanlamig, kapilya, kapatiran, ministro, lokal at iba pa.
Nasa dugo ng Nanay ko ang pagiging Iglesia—mula sa kanyang mga magulang, kapatid, hanggang sa kanya ay Iglesiang lahat. Kahit saan mang lugar siya mapunta, ang unang-una niyang inaalam ay kung saan makikita ang pinakamalapit na kapilya ng Iglesia. Hinding-hindi siya mapapalagay kung di niya makikita kung nasaan ang kapilya ng Iglesia. Malaking kasalanan at kawalan sa kanya kung di siya makakasamba. Pati kaming siyam na magkakapatid ay handog (binyag sa Katoliko) sa Iglesia. Sila ni Tatay, kasal sa Iglesia. Pero tumiwalag ang aking Tatay nang maghiwalay sila, pati ang aking mga kapatid, habang lumalaki, isa-isang ring nanlamig sa Iglesia, hanggang sa ako at si Nanay na lang ang natira.
Gustung-gusto ko rin ang araw ng Huwebes at Linggo dahil nakikita ko kung paanong paghandaan ni Nanay ang araw na ito. Isusuot niya ang kanyang puting-puting saya na buong ingat niyang inalmirol at plinantsa. Para sa aking Nanay, ang bawat pagkaharap sa Diyos ay kailangang paghandaan. Ang kapanatagan ng kalooban ay makikita sa malinis at maayos na pananamit.
Isang dyakonesa ang Nanay ko. Nakaupo siya sa dulo ng upuan malapit sa pasilyo tulad ng ibang dyakonesa. Isa siya sa mga nangungulekta ng abuloy mula sa mga sumasamba. Pagkatapos na makuha ang mga abuloy, hihilera ang mga dyakonesa sa may gitnang pasilyo, at isa-isa nilang ilalagay ang mga abuloy na nakalagay sa isang maganda at makintab na tela sa isang malaking baol na inukitan ng magagandang disenyo. Sa buong buhay ng Nanay ko, buong-puso niyang ginampanan ang pagiging dyakonesa. Sa tingin ko rin noon, ang Nanay ko ang pinakamaganda sa lahat ng dyakonesa.
Saksi ako kung paanong inaalagaan ng aking Nanay ang kanyang puting saya. Ilang ulit niya itong nilalabhan, ibinababad, ikinukuha, inaalmirol, ibinabalot sa malinis na tela, pagkaraan ay saka niyang paplantsahin nang walang kalukut-lukot.
Pero unti-unti na rin akong nanlamig sa Iglesia, lalo na noong mag-aral ako sa Maynila. Alam kong masakit ito para kay Nanay. Siya na lang ang natitirang Iglesia sa aming lahat.
Sa araw ng Huwebes at Linggo, madaling-araw pa lang, maghahanda na si Nanay. Kahit wala pang laman ang kanyang tiyan, aakto na siya bilang dyakonesa. Malayo ang sambahan sa aming bahay kaya kailangan niyang gumising nang maaga. Sa ibang mga araw, sumasama naman siyang magbahay-bahay sa mga kapatid na nanlalamig o di regular na sumasamba. Walang Huwebes at Linggo ng pagsamba na pinalalampas si Nanay—na kahit di maganda ang kanyang pakiramdam ay patuloy pa rin siya sa pagganap sa kanyang tungkulin, hanggang sa igupo ng matinding karamdaman ang kanyang kalusugan at katawan. Walang makapipigil kay Nanay sa kanyang pagtupad sa kanyang tungkulin bilang isang Iglesia. Kahit matindi ang bagyo, kahit walang masakyan, kahit pa walang pamasahe o may mas mahalagang dapat puntahan o asikasuhin. Sa Nanay ko, walang ibang mahalaga kundi ang pagsamba.
Natatandaan ko, mahigpit niyang ibinilin na ang puting saya niya ang kanyang isusuot kapag namatay siya--ito nga ang aming sinunod. Di na tulad noon, di na puting-puti ang saya ni Nanay. Maluwag na maluwag na rin ito sa kanya. Kay laki ng ipinayat ni Nanay sa ilang taon ng kanyang pagkakasakit at ilang ulit na pagkakaospital.
Alam kong walang anumang pagsisisi si Nanay sa kanyang nakagisnan at nakamulatang pananampalataya. Nabuhay siyang Iglesia at pumanaw rin siyang Iglesia. Ito ang kanyang pinanghawakan hanggang sa kanyang huling hininga.
Kung minsan, sinisisi ko rin ang edukasyong natamo ko. Dahil sa aking pag-aaral ng kung anu-ano (kasaysayan, panitikan, linggwistika, kritisismo, mga teorya, at kung anu-ano pa) nanghina ang aking pananampalataya sa Iglesia. Sabi nga, nanlamig ako't itiniwalag.
Pero ngayon, napag-isip-isip kong wala naman talagang maling pananampalataya at walang maling relihiyon. Dahil hangga't may kapanatagang nakakamit ang tao sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya o relihiyon, walang mali rito. Buo ang paniniwala kong walang relihiyong nagnanais na mapahamak ang tao.
Siguro nga'y di talaga ako nabuhay para maging Iglesia tulad ni Nanay. Nanghihinayang ako kahit papaano. Sana'y naging malupit o mahigpit sa akin ang aking Nanay upang maiwan niya ako Iglesia, tumanda rin tulad niya na isang Iglesia. Sana'y naging panatag siyang iwan akong Iglesia. Pero di ito ang nangyari.
Siguro'y di ako talaga karapat-dapat sa isang relihiyong nakagisnan ng aking Nanay o sa pananampalatayang mayroon siya.
Pero tulad pa rin noong bata ako't sumasamba pa sa Iglesia, ganoon pa rin naman ako magdasal--taimtim, tahimik at dalisay. Kung minsan pa nga, nasa porma ng tula ang aking dasal--sa pagitan ng aking pamamahinga, sa aking mesa pagkatapos ng pagtuturo, sa aking pag-iisa, sa aking pag-uwi ng Bulacan.
At tulad pa rin noong ako'y nasa loob ng patulis na kapilya, nararamdaman ko pa rin ang Lumikha--ang dahilan ng lahat ng biyaya't tagumpay sa aking buhay. Siyang-siya pa rin ang aking nararamdaman, bagamat higit na lumabo na ang Kanyang mukha at alangan na akong tawagin Siya sa Kanyang pangalan. Walang-wala pa ring pagbabago. Dinidinig pa rin Niya ako, kahit di na ako isang tunay na Iglesia.
tulad mo rin ang ina ko ay dyakonesa... nanlamig din ako... at tulad ng sinabi mo "dinidinig pa rin Niya ako", tama ka... inaantay lamang niya na magbalik-loob ka... hindi ako makikipag-argumento sa iyong paniniwala dahil sumagi na ang katanungan at paniniwalang yan sa sarili ko... pero ang kapanatagan ng isip at puso ay hindi maikukumpara... mahirap i-explain sa literal na pamamaraan... ispirito ng Diyos ang kusang magpaparamdam sayo at ikaw lang ang tanging makakaramdam niyan
ReplyDeleteSalamat!
ReplyDelete