AKO ANG LAGING taga-timpla ng kape ng aking Tatay. Sa tuwing uutusan niya ako na magtimpla ng kanyang kape, lihim akong natutuwa. Buo ang tiwala sa akin ni Tatay upang magtimpla ng kanyang kape, lalo na sa panahong abala siya sa pagkukumpuni ng aming lumang dyip.
Maselan sa kape ang aking Tatay. Dapat ay bagong kulo ang tubig. Matapang sa kape at tamang-tama ang tamis. Sa kanyang matunog na paghigop sa mainit na mainit na kape, alam kong nahuli ko ang kanyang panlasa. Alam kong gusto niya ang pagtimpla ko sa kanyang kape.
Wala akong alam ng ibang kape kundi Nescafe. Noong bata ako, may pagkakataong nawawalan kami ng bigas at ulam ngunit hinding-hindi ng Nescafe. May pagkakataon ding isinasabaw ko sa kanin ang Nescafe kung wala talaga kaming maiulam. Ngunit hinding-hindi ko naramdaman ang kakulangan. Tinuruan kami ni Tatay na magpasalamat anuman ang meron sa mesa. Huwag maghanap ng mga wala. Magpasalamat sa mga meron.
Nagsisimula ang umaga ni Tatay sa pag-inom ng kape. At bago matulog, umiinom pa rin siya ng kape. Kaya di totoo para kay Tatay na di nakapagpapatulog ang kape.
Noong bata ako, wala akong natatandaan nag-usap kami ni Tatay. Wala akong matatandaan tinanong niya ako ukol sa aking pag-aaral o kung ano ang gusto kong maging paglaki ko, tulad ng ibang Tatay na laging sabik na sabik malaman ang pangarap ng kanilang mga anak paglaki. Tahimik si Tatay. Bilang na bilang ang kanyang mga salita. Tinatawag lang niya ako kung magpapatimpla siya ng kape.
Sana ay nakapag-usap kami ni Tatay habang umiinom siya ng mainit na kape. Sana ay tinanong niya ako tungkol sa aking mga gusto paglaki. Sana ay nasabi ko sa kanya ang aking mga pangarap. Sana ay napag-usapan namin ang maraming balakin.
Mahigit dalawampung taon ng wala si Tatay. At ngayon naman ay naabot ko na ang isa sa aking mga pangarap sa buhay, ang maging manunulat.
At namana ko kay Tatay ang pag-inom ng kape. Hanggang maaari, gusto kong ako mismo ang magtitimpla ng aking kape. Ayokong ipagkatiwala ito sa iba. Kahit uso na ngayon ang iba’t ibang paraan ng pagtitimpla ng kape, gusto ko ang aking nakagawian tulad ng pagtitimpla ko sa kape ni Tatay. Bagong kulo ang tubig, matapang sa kape, tamang-tama ang tamis. Medyo naiiba nga lang ako ngayon dahil sa magandang mug ako umiinom ng kape, di tulad ni Tatay noon sa basong pinaglagyan din ng Nescafe umiinom.
Hinding-hindi ako makasusulat nang walang kape sa aking tabi. Habang nag-iisa sa aking munting bahay at habang humahalimuyak ang mabangong kape, tuluy-tuloy ang aking pagsulat. Tila bumabalik ako sa panahong inuutusan ako ni Tatay na magtimpla ng kanyang kape, buung-buo ang aking sarili at pagkatao, nagkakaroon ako ng ganap na kalayaang mag-isip at magpasya. Lumalakas ang aking loob. Nadaragdagan ang tiwala ko sa sarili.
Ngayon ko naisip na di pala talaga dapat kaming mag-usap ni Tatay. Dahil sa di pagtatanong ni Tatay ukol sa aking mga pangarap noong bata ako, at dahil sa di ko pagkukuwento sa kanya, higit kaming naging buo, higit kaming naging malakas sa pagpili at pagtahak sa mga daang gusto naming daanan. Ibinigay niya sa akin ang tiwala.
Alam kong ang lasa ng kapeng iniinom ko ay ang lasa ng kapeng tinitimpla ko para kay Tatay. Anak talaga ako ng Tatay ko!
No comments:
Post a Comment