Noong isang linggo, kinausap ako ng puno ng departamento ng aking pinagtuturuan. Maganda ang bungad na tanong niya sa akin. Ang tanong niya: Ano ba ang plano mo? Natuwa ako sa kanyang tanong. Bibihira ang mga taong nagpapakita ng interes o malasakit na malaman ang plano ng ibang tao, lalo na kung plano ukol sa propesyunal na buhay. Sinagot ko ang kanyang tanong: “Balak kong tapusin ang aking tesis sa MA ngayong buwan ng May?”
Pero sa pagtakbo ng aming pag-uusap, naramdaman kong di talaga ang aking plano ang kanyang gustong malaman. May plano na pala siyang gustong sabihin sa akin. Nagdesisyon daw siya na di na-renew ang aking contract bilang guro sa kanyang departamento. Kasunod nito, inisa-isa na niya ang kanyang mga dahilan. Di raw niya nakikita ang aking 100 percent na commitment. May ibang mga guro na nakakapansin na pagkatapos kong magturo, agad na akong umaalis. Unfair naman daw sa departamento kung magpapatuloy pa ako sa aking serbisyo. Unfair naman daw sa ibang guro na hardworking o umaabot nang hanggang alas-6 ng gabi o higit pa. Kailangan makahanap siya ng kapalit kong guro na makapagbibigay ng 100 percent na commitment.
Di ko alam kung may kinalaman ba ito o kaya ay resulta ng kanyang pagpapa-evaluate sa akin sa aking mga mag-aaral sa ¼ sheet of paper ang aking pagkakaalis sa listahan ng kanyang mga guro.
May kaunting pampalubag loob naman siyang sinabi matapos ang mga ito, na naniniwala naman daw siya sa aking kakayahan bilang guro at manunulat, na mas nababagay raw ako sa kolehiyo, na maaari na akong umalis pagkatapos magturo, na ibang-iba raw ang set-up ng hayskul.
Aminado akong wala akong kusa. Kung ano lang ang ibigay na trabaho o gawain sa akin, bukod pa sa pagtuturo, yun lang ang ginagawa. Kung ano lang ang ipagkatiwala ng iba na kaya kong gawin, yun lang ang siguradong tinatapos ko. Kung anong text ang matanggap ko na kailangan ako, doon lang ako pumupunta o nagpapakita. Hinding-hindi ko iginigiit ang aking sarili sa “iba pang” gawain.
Paano nga ba masusukat ang commitment? May mga taong sinusukat ang commitment nang pisikal o sa tagal ng oras na inilalagi sa paaralan, kung nasa paaralan kahit di ka nagtuturo, may commitment ka, o kahit nasa klasrum ka na kahit di ka nagtuturo, may commitment ka pa rin, o kahit nasa klasrum ka, kahit puro reporting at open your book on page and answer, may commitment ka na, o basta di ka tinik sa panunungkulan ng iyong puno o kung kaibigan mo siya, may commitment kang talaga.
Isang paaralan/pamantasan ang pinaglilingkuran ko. At maituturing nitong pinakapuso ang mga mag-aaral. Di naman mag-e-exist ang anumang paaralan/pamantasan kung walang mga mag-aaral. Dahil unang-unang dapat paglingkuran ng mga paaralan/pamantasan ang mga mag-aaral. Dahil dito, sa palagay ko, higit na makatarungan at makatotohanang ang dapat sumukat ng commitment ng isang guro ay ang kanyang mga mag-aaral at di ang kanyang kapwa guro. Ang mismong commitment ng guro ay nagaganap sa mismong oras ng kanyang pagtuturo, sa kanyang pakikitungo sa mga mag-aaral. Pangunahing tungkulin ng guro ay ang magturo, kung kaya nararapat lamang na sukatin o timbangin siya batay rin dito at di sa “iba pa”. Ngunit walang ganitong sistema ng pagsukat ng commitment ang departamentong pinagturuan ko.
Pero may kanya-kanyang pag-iisip ang tao. May kanya-kanyang pagpapakahulugan o pagsukat ng commitment. Di ko naman maaaring igiit ang aking iniisip sa ibang tao. At di ko rin naman puwedeng tanggapin ang kanilang pananaw ukol sa akin. Pero lahat ng tao ay may kakayahang umunawa. Magnilay-nilay. Manalamin sa kanyang sarili. Maging bukas sa iba at maging makatarungan.
Sa una’y nakaramdam ako ng matinding lungkot dahil di na ako makapagtuturo sa departamentong pinagturuan ko mula noong 2003 at di pa maganda ang dahilan ng aking di na pagtuturo. Wala pang linaw ngayon kung anong kolehiyo sa pamantasan ang aampon sa akin o kung mayroon man. Masakit ang mahusgahan ng kapwa nang harapan nang di binigyan ng pagkakataon. Ikinahon ako sa isang paniniwalang walang commitment.
Naalala ko tuloy ang tungkol sa isang artikulong ingles na binanggit sa akin ng isang kaibigang guro, ukol sa isang taong tinanggal sa trabaho at ipinagpapasalamat niya ito. Nais kong hiramin ang pamagat:
Salamat at tinanggal mo ako sa trabaho, ngayo’y naipagpapasalamat ko ang maliliit na bagay na di ko napapansin dati. Ngayo’y higit kong naunawaan ang aking sarili, ang mga kaya ko pang gawin. Ngayo’y higit akong nakapagplano upang maging produktibo. At ngayo’y napatunayan kong higit na totoo ang sinasabi ng kasaysayang, kung sino ang dumanas ng matinding pagsubok sa buhay ang siyang nagiging malupit at gahaman sa kapangyarihan.
At ngayo’y nalaman kong hinding-hindi talaga ako nawalan at hinding-hindi kailanman mawawalan.
No comments:
Post a Comment