NOONG BATA AKO, may isang lihim akong pinakaiingat-ingatan—ito ay ang balon sa silong ng aming bahay. Malalim na malalim ang balon, lagpas-kawayan ayon sa aking mga kapatid. Ang mga kapatid ko ang naghukay ng balon kasama ng aking Tatay.
Bukod sa paninigarilyo at pag-inom ng matapang na kape, naging bisyo ng aking Tatay ang paghuhukay. Apat na balon ang alam kong hinukay niya, kasama ng aking mga kapatid na lalake. Mayroon sa Montalban, sa silong ng aming bahay, sa tabi ng sapa (na aming pinagpapaliguan pa noon), at isa pang mababaw na hukay sa ilalim ng tulay na bato. Ginto ang dahilan ng pagkakalulong ni Tatay sa paghuhukay. Gusto niya ang dagliang pagyaman.
Dahil nga sa matinding hirap at gutom ng aking mga kapatid na lalaki sa paghuhukay sa Montalban, nagkasakit sila ng Malaria. Tanda ko, umuuwi noon ang aking Nanay at ang aking Ate sa lumang bahay upang alagaan ang aking mga kapatid na lalaki. Nag-aapoy ang galit nila sa aking Tatay. Siya kasi ang dahilan kung bakit nagkasakit ang aking mga kapatid. Dinig ko, halos buong magdamag silang naghukay. Wala silang maayos na tulugan at nilagang saging lamang ang kanilang kinakain.
Tinakpan lang ni Tatay ng playwud ang balon sa silong ng aming bahay. Sa tabi nito siya natutulog at kami namang magkakapatid ay sa itaas ng bahay. Nilagyan ng harang ni Tatay ang balon, ang kanyang tulugan at sa kabila ay ang amin namang mesang kainan.
Malas daw ang bahay na may balon sa silong. Kaya nga noon, damang-dama ko ang kamalasan ng aming buhay. Nakasangla ang lupang kinatitirikan ng aming bahay sa bangko. Walang makakilos at walang makadesisyon kung ano ang dapat gawin at kung paano ito mababayaran dahil kay Tatay. Walang malinaw na pangarap para sa amin ang aming Tatay. Napakalabo ng bukas para sa akin noon.
Isang hapunan habang kumakain, hinahanap ko ang aking tsinelas. Di ko namalayang nahulog pala ito sa balong malalim. Ipinakuha ni Tatay sa aking kapatid ang aking tsinelas. Inalis namin ang takip nitong playwud at sa unang pagkakataon ay nakita ko ang balon. Nakakalula ang lalim na balon na noon ay may tubig na. Pakiramdam ko nga, parang kinakain na ng balon ang aming buong bahay. Sinungkit na lamang ng aking kapatid ng mahabang kahoy ang aking tsinelas.
Alam kong ang matinding kabiguan sa buhay ang nagtulak sa aking Tatay upang maghukay. Naloko siya papuntang Saudi Arabia.
Ngunit nang pumanaw ang aking Tatay, doon lamang talaga nakakilos at nakapagdesisyon ang aking mga kapatid. Bago maipagiba ang aming lumang bahay, nagawa ng poso-negro ang balon sa ilalim ng aming bahay.
Biro nga ng isa kong kapatid, “hinding-hindi namin kayang punuin ang balon” dahil sa lalim nito kahit sa aming habambuhay. Kahit papaano ay napakinabangan namin ang balon.
Walang sinuman sa aking mga pamangkin ngayon ang nakakaalam na ang poso-negro ay ang malalim na malalim na balon sa aming lumang bahay noon.
Natakpan na ito ng semento.
Saturday, August 29, 2009
Kape At Si Tatay
AKO ANG LAGING taga-timpla ng kape ng aking Tatay. Sa tuwing uutusan niya ako na magtimpla ng kanyang kape, lihim akong natutuwa. Buo ang tiwala sa akin ni Tatay upang magtimpla ng kanyang kape, lalo na sa panahong abala siya sa pagkukumpuni ng aming lumang dyip.
Maselan sa kape ang aking Tatay. Dapat ay bagong kulo ang tubig. Matapang sa kape at tamang-tama ang tamis. Sa kanyang matunog na paghigop sa mainit na mainit na kape, alam kong nahuli ko ang kanyang panlasa. Alam kong gusto niya ang pagtimpla ko sa kanyang kape.
Wala akong alam ng ibang kape kundi Nescafe. Noong bata ako, may pagkakataong nawawalan kami ng bigas at ulam ngunit hinding-hindi ng Nescafe. May pagkakataon ding isinasabaw ko sa kanin ang Nescafe kung wala talaga kaming maiulam. Ngunit hinding-hindi ko naramdaman ang kakulangan. Tinuruan kami ni Tatay na magpasalamat anuman ang meron sa mesa. Huwag maghanap ng mga wala. Magpasalamat sa mga meron.
Nagsisimula ang umaga ni Tatay sa pag-inom ng kape. At bago matulog, umiinom pa rin siya ng kape. Kaya di totoo para kay Tatay na di nakapagpapatulog ang kape.
Noong bata ako, wala akong natatandaan nag-usap kami ni Tatay. Wala akong matatandaan tinanong niya ako ukol sa aking pag-aaral o kung ano ang gusto kong maging paglaki ko, tulad ng ibang Tatay na laging sabik na sabik malaman ang pangarap ng kanilang mga anak paglaki. Tahimik si Tatay. Bilang na bilang ang kanyang mga salita. Tinatawag lang niya ako kung magpapatimpla siya ng kape.
Sana ay nakapag-usap kami ni Tatay habang umiinom siya ng mainit na kape. Sana ay tinanong niya ako tungkol sa aking mga gusto paglaki. Sana ay nasabi ko sa kanya ang aking mga pangarap. Sana ay napag-usapan namin ang maraming balakin.
Mahigit dalawampung taon ng wala si Tatay. At ngayon naman ay naabot ko na ang isa sa aking mga pangarap sa buhay, ang maging manunulat.
At namana ko kay Tatay ang pag-inom ng kape. Hanggang maaari, gusto kong ako mismo ang magtitimpla ng aking kape. Ayokong ipagkatiwala ito sa iba. Kahit uso na ngayon ang iba’t ibang paraan ng pagtitimpla ng kape, gusto ko ang aking nakagawian tulad ng pagtitimpla ko sa kape ni Tatay. Bagong kulo ang tubig, matapang sa kape, tamang-tama ang tamis. Medyo naiiba nga lang ako ngayon dahil sa magandang mug ako umiinom ng kape, di tulad ni Tatay noon sa basong pinaglagyan din ng Nescafe umiinom.
Hinding-hindi ako makasusulat nang walang kape sa aking tabi. Habang nag-iisa sa aking munting bahay at habang humahalimuyak ang mabangong kape, tuluy-tuloy ang aking pagsulat. Tila bumabalik ako sa panahong inuutusan ako ni Tatay na magtimpla ng kanyang kape, buung-buo ang aking sarili at pagkatao, nagkakaroon ako ng ganap na kalayaang mag-isip at magpasya. Lumalakas ang aking loob. Nadaragdagan ang tiwala ko sa sarili.
Ngayon ko naisip na di pala talaga dapat kaming mag-usap ni Tatay. Dahil sa di pagtatanong ni Tatay ukol sa aking mga pangarap noong bata ako, at dahil sa di ko pagkukuwento sa kanya, higit kaming naging buo, higit kaming naging malakas sa pagpili at pagtahak sa mga daang gusto naming daanan. Ibinigay niya sa akin ang tiwala.
Alam kong ang lasa ng kapeng iniinom ko ay ang lasa ng kapeng tinitimpla ko para kay Tatay. Anak talaga ako ng Tatay ko!

Iglesia ang Nanay Ko
ANG AKING GURO na si Sir Pat Villafuerte ang nakapansin na laging may nanay na tauhan sa aking mga kuwentong-pambata. Nang balikan ko nga ang mga kuwentong-pambatang na aking naisulat, lagi ngang may nanay, hinding-hindi nawawala.
Naisip ko, bakit nga ba di ko isulat ang tungkol sa Nanay ko? Sandamukal na ang naisulat ko, pero ni wala sa mga ito ang tungkol sa kanya. Wala pa talaga akong naisusulat para sa kanya.
Espesyal na araw para sa Nanay ko ang araw ng Huwebes at Linggo dahil ito ang araw ng kanyang pagsamba. Bata pa lang ako, alam kong ibang-iba na ang relihiyon namin sa ibang mga bata—na bawal na bawal sa amin ang kumain ng dinuguan, ang Pasko, ang dumalo sa mga pista, at iba pa. Alam ko ring ibang-iba sa ibang simbahan ang aming sambahan, na walang anumang makikitang rebulto o imahen sa loob nito, na laging patulis at magkakamukha ang lahat ng aming kapilya saan mang lugar, na magkahiwalay ang upuan ng mga lalaki at babae sa pagsamba.
Una kong natutunan ang kasaysayan ng Iglesia ni Cristo kaysa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ang relihiyong itinayo ni Manalo noong 1914. Ang kauna-unahang relihiyong isinilang sa Pilipinas at lumaganap sa buong mundo. Kilalang-kilala ko rin ang itsura ng dalawang Manalo, na akala ko noong bata ako, ang siyang mga Diyos—hinding-hindi kasi nawawala ang kanilang mga pangalan sa aming mga panalangin. Lagi ring nakalagay ang kanilang mga larawan sa aparador ng aking Nanay—akala ko nga noon, ang kaarawan ng dalawang Manalo ang aming Pasko.
At higit sa lahat, bata pa lang ako ay nakatanim na sa isip ko na tungkulin ng bawat Iglesia na magbigay ng bahagi ng kanyang kita o abuloy sa Iglesia. Tulad ng anumang mahahalagang dokumento, pinakaiingatan ni Nanay ang kanyang pasaporte na nagtatala ng kanyang mga inabuloy sa Iglesia. Noong bata ako, pakiramdam ko, ligtas na ligtas ako—malimit ko kasing marinig sa Ministro sa aming mga panalangin na “ang sinumang pumasok sa aking katawan (Iglesia) ay maliligtas”.
Tulad ni Nanay, regular din akong sumasamba tuwing Huwebes at Linggo. Higit na masaya ang araw ng Linggo dahil may misa para lang sa mga bata. Isa rin ako sa mga batang mang-aawit. Sa tingin ko nga, ang maagang pagsamba ko ang nakatulong sa akin nang malaki sa pagiging manunulat ko ngayon. Tagalog ang wikang ginagamit ng Iglesia sa misa at sa mga pagsamba at panalangin. Sa tingin ko, malaking salik ito upang higit na maging buo ang mga Iglesia. Bata pa lang ako, nasa bokabularyo ko na ang mga salitang tulad ng paghuhukom, pananampalataya, pagsamba, handog, abuloy, kapatiran, pasasalamat, panalangin, papuri, sanlibutan, kaligtasan, tiniwalag, nanlamig, kapilya, kapatiran, ministro, lokal at iba pa.
Nasa dugo ng Nanay ko ang pagiging Iglesia—mula sa kanyang mga magulang, kapatid, hanggang sa kanya ay Iglesiang lahat. Kahit saan mang lugar siya mapunta, ang unang-una niyang inaalam ay kung saan makikita ang pinakamalapit na kapilya ng Iglesia. Hinding-hindi siya mapapalagay kung di niya makikita kung nasaan ang kapilya ng Iglesia. Malaking kasalanan at kawalan sa kanya kung di siya makakasamba. Pati kaming siyam na magkakapatid ay handog (binyag sa Katoliko) sa Iglesia. Sila ni Tatay, kasal sa Iglesia. Pero tumiwalag ang aking Tatay nang maghiwalay sila, pati ang aking mga kapatid, habang lumalaki, isa-isang ring nanlamig sa Iglesia, hanggang sa ako at si Nanay na lang ang natira.
Gustung-gusto ko rin ang araw ng Huwebes at Linggo dahil nakikita ko kung paanong paghandaan ni Nanay ang araw na ito. Isusuot niya ang kanyang puting-puting saya na buong ingat niyang inalmirol at plinantsa. Para sa aking Nanay, ang bawat pagkaharap sa Diyos ay kailangang paghandaan. Ang kapanatagan ng kalooban ay makikita sa malinis at maayos na pananamit.
Isang dyakonesa ang Nanay ko. Nakaupo siya sa dulo ng upuan malapit sa pasilyo tulad ng ibang dyakonesa. Isa siya sa mga nangungulekta ng abuloy mula sa mga sumasamba. Pagkatapos na makuha ang mga abuloy, hihilera ang mga dyakonesa sa may gitnang pasilyo, at isa-isa nilang ilalagay ang mga abuloy na nakalagay sa isang maganda at makintab na tela sa isang malaking baol na inukitan ng magagandang disenyo. Sa buong buhay ng Nanay ko, buong-puso niyang ginampanan ang pagiging dyakonesa. Sa tingin ko rin noon, ang Nanay ko ang pinakamaganda sa lahat ng dyakonesa.
Saksi ako kung paanong inaalagaan ng aking Nanay ang kanyang puting saya. Ilang ulit niya itong nilalabhan, ibinababad, ikinukuha, inaalmirol, ibinabalot sa malinis na tela, pagkaraan ay saka niyang paplantsahin nang walang kalukut-lukot.
Pero unti-unti na rin akong nanlamig sa Iglesia, lalo na noong mag-aral ako sa Maynila. Alam kong masakit ito para kay Nanay. Siya na lang ang natitirang Iglesia sa aming lahat.
Sa araw ng Huwebes at Linggo, madaling-araw pa lang, maghahanda na si Nanay. Kahit wala pang laman ang kanyang tiyan, aakto na siya bilang dyakonesa. Malayo ang sambahan sa aming bahay kaya kailangan niyang gumising nang maaga. Sa ibang mga araw, sumasama naman siyang magbahay-bahay sa mga kapatid na nanlalamig o di regular na sumasamba. Walang Huwebes at Linggo ng pagsamba na pinalalampas si Nanay—na kahit di maganda ang kanyang pakiramdam ay patuloy pa rin siya sa pagganap sa kanyang tungkulin, hanggang sa igupo ng matinding karamdaman ang kanyang kalusugan at katawan. Walang makapipigil kay Nanay sa kanyang pagtupad sa kanyang tungkulin bilang isang Iglesia. Kahit matindi ang bagyo, kahit walang masakyan, kahit pa walang pamasahe o may mas mahalagang dapat puntahan o asikasuhin. Sa Nanay ko, walang ibang mahalaga kundi ang pagsamba.
Natatandaan ko, mahigpit niyang ibinilin na ang puting saya niya ang kanyang isusuot kapag namatay siya--ito nga ang aming sinunod. Di na tulad noon, di na puting-puti ang saya ni Nanay. Maluwag na maluwag na rin ito sa kanya. Kay laki ng ipinayat ni Nanay sa ilang taon ng kanyang pagkakasakit at ilang ulit na pagkakaospital.
Alam kong walang anumang pagsisisi si Nanay sa kanyang nakagisnan at nakamulatang pananampalataya. Nabuhay siyang Iglesia at pumanaw rin siyang Iglesia. Ito ang kanyang pinanghawakan hanggang sa kanyang huling hininga.
Kung minsan, sinisisi ko rin ang edukasyong natamo ko. Dahil sa aking pag-aaral ng kung anu-ano (kasaysayan, panitikan, linggwistika, kritisismo, mga teorya, at kung anu-ano pa) nanghina ang aking pananampalataya sa Iglesia. Sabi nga, nanlamig ako't itiniwalag.
Pero ngayon, napag-isip-isip kong wala naman talagang maling pananampalataya at walang maling relihiyon. Dahil hangga't may kapanatagang nakakamit ang tao sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya o relihiyon, walang mali rito. Buo ang paniniwala kong walang relihiyong nagnanais na mapahamak ang tao.
Siguro nga'y di talaga ako nabuhay para maging Iglesia tulad ni Nanay. Nanghihinayang ako kahit papaano. Sana'y naging malupit o mahigpit sa akin ang aking Nanay upang maiwan niya ako Iglesia, tumanda rin tulad niya na isang Iglesia. Sana'y naging panatag siyang iwan akong Iglesia. Pero di ito ang nangyari.
Siguro'y di ako talaga karapat-dapat sa isang relihiyong nakagisnan ng aking Nanay o sa pananampalatayang mayroon siya.
Pero tulad pa rin noong bata ako't sumasamba pa sa Iglesia, ganoon pa rin naman ako magdasal--taimtim, tahimik at dalisay. Kung minsan pa nga, nasa porma ng tula ang aking dasal--sa pagitan ng aking pamamahinga, sa aking mesa pagkatapos ng pagtuturo, sa aking pag-iisa, sa aking pag-uwi ng Bulacan.
At tulad pa rin noong ako'y nasa loob ng patulis na kapilya, nararamdaman ko pa rin ang Lumikha--ang dahilan ng lahat ng biyaya't tagumpay sa aking buhay. Siyang-siya pa rin ang aking nararamdaman, bagamat higit na lumabo na ang Kanyang mukha at alangan na akong tawagin Siya sa Kanyang pangalan. Walang-wala pa ring pagbabago. Dinidinig pa rin Niya ako, kahit di na ako isang tunay na Iglesia.

Pastol
ANG BAHAY NAMIN ay isa sa pinakauna at pinakalumang bahay sa Pastol. Isang lugar sa Barangay Muzon sa San Jose del Monte na ngayon ay isang City na. Marami sa mga talagang nakatira sa Pastol ay ang angkan namin.
Ang Pastol ay ginamit na pangalan sa aming lugar dahil dito makikita ang malawak na pastulan ng mga kalabaw, baka, at kambing. Batay sa kuwento ng aking Inang Kadyang, nanay ng aking Tatay, ang malawak na pastulan ng mga hayop ay dating pag-aari niya. Ipinagbili lamang ng aking ama ang pastulan sa murang-murang halaga na ipinambili naman ng isang luma at bulok na kotse. May alaala pa ako ng kotse ng aking Tatay. Ang alam ko, nawalan lang ito ng gasolina kaya di na nagamit hanggang sa mabulok at maibenta sa iba.
Nalulula ako sa lawak ng lupaing ikinukuwento ng aking Inang Kadyang. Kahit paulit-ulit lang naman ang kanyang kuwento, lagi't lagi pa rin akong taimtim na nakikinig sa kanya. Masarap isiping marami sa mga lupang nasa Pastol ay dating pag-aari ng pamilya ng Tatay ko. Pero kuwento ni Inang Kadyang, dahil di siya nakapag-aral, nawala sa kanya ang mga lupa. Maaga siyang naulila sa mga magulang kung kaya nakitira na lamang siya sa kanyang mga kamag-anak at naging alila.
Nanatili ang pangalang Pastol sa aming lugar kahit wala na ang pastulan ng mga hayop. Tinayuan na ito ng pabrika ng stainless at nababakuran ng mataas na pader.
Marami akong magagandang alaala sa Pastol. Sa tag-araw, ito ay aming napagpapaliparan ng saranggola. Napaglalaruan ng habulan, luksong-baka at kung anu-ano pa. Sa tag-ulan naman, napupuno ito ng tubig na aming pinagpapaliguan at napagkukunan ng palaka, suso, at hito. Sa kuwento naman ng aking mga nakatatandang kapatid, napagtataniman nila ito ng kung anu-ano.
Madalas din akong makadama ng matinding panghihinayang sa lupang sana ay pag-aari pa namin. Murang-mura lamang ipinagbili ng aking Tatay ang mawalak na pastulan. Sana di lang ang lupang kinatititrikan ng aming bahay ang aming lupa. Sana ay may mawalak pa kaming lupain. Pero naisip ko rin, tiyak na pagmumulan lamang ito ng matinding alitan o gulo iba pang kapatid ng aking Tatay kung sakaling nanatili sa amin ang pastulan. Marami na akong nabalitaan ukol sa mga magkakamag-anak na nagkakaubusan ng miyembro ng pamilya dahil sa agawan ng lupa.
Mabuti't naisip niya itong ibenta sa kanyang panahon. Kahit papaano'y napakinabangan niya ito. Nabili niya ang gusto niyang bilhin. Wala ng maaari pang pagmulan ng away.
Pasalamat na rin ako sa aking Tatay. Dahil wala siyang naiwan o naipamanang anuman, higit akong naging masikap sa buhay. Dahil nagsimula akong walang-wala, higit na ngayon ang kagustuhan kong makapagpundar ng lupa--kahit man lang sa aking isipan, balang-araw isa ring pastulan ng mga hayop, isang lupang bukod sa kinatatayuan ng aking bahay ang gusto kong maipundar.
Lupang di minana kundi produkto ng sariling pagsisikap sa buhay. Lupang akin na akin habambuhay!

Malupit sa Akin ang San Joaquin
BIBIHIRA ANG NAKAKAALAM na ako ay lumaki sa San Joaquin, Batangas. Doon ako nagsimulang mag-aral mula Kinder hanggang Grade 3. Maraming taon sa aking buhay pagkabata ay nangyari roon. Dito ako unang natutong magbasa at magsulat sa tulong ng aking gurong puting-puti na ang buhok. Tanda ko, ang simbahan ng San Joaquin ang una kong paaralan. Dito rin ako natutong mag-isa at magtiis.
Pero kung maraming magagandang alaala ang naibigay sa akin ng San Joaquin, marami rin ang mapapait. Sa maraming taon ng aking pagtira roon, naramdaman ko ang aking pagiging dayuhan, hinding-hindi ko kailanman naramdaman ang pagkalinga ng mismong lugar. Pinatutuloy nga ako ngunit hinding-hindi pinapapasok. Nakatira ako sa aking panganay na kapatid, ngunit malinaw na sa aking isipan na ako ay nakikitira lang.
Sa paaralan, maliban sa isang kuwento ukol sa batang nasugatan dahil sa pagpipilit niyang balatan ang santol, wala na akong matandaan. Blangko ang mukha ng aking mga naging guro. Walang-wala akong matandaang magandang karanasan buhat sa kanila. Ang kanilang pagkalinga ay nauubos sa matatalino at may mga kaya kong kaklase—sa mga kaklase kong ang apelyido ay talagang tagaroon. Madalas na nagsisimula sa titik M (Manila, Mabilangan, Manzo at iba pa) ang apelyido ng talagang tubong-San Joaquin. Ang kanilang mga ngiti at pansin ay nauubos sa mababango at magaganda kong kaklase—sa mga kaklase kong guro rin ang mga magulang. Walang-wala sa kanila ang nakakita o nakatuklas ng aking potensyal o munting kakayahan.
Dahil sa aking apelyido, tukoy na tukoy na ako ay isang dayo. Ibang-iba kasi ang aking apelyido sa kanila, GOJO CRUZ. 'Yung guro noong Kinder, laging ipinipilit sa akin na R dapat ang GOJO, kaya hanggang noong makatapos ako ng Kinder, ROJO pa rin ang nakasulat sa aking diploma. Madalas din na mali ang bigkas sa aking apelyido sa mga programa—sa halip na GO-HO ay laging GO-JO ang bigkas.
Kaya noong nalaman kong isasama na ako pauwi ng Bulacan ng isa ko pang kapatid na babae na nagpunta lang doon upang tulungan ang kapapanganak kong Ate, umaapaw ang aking kaligayahan, parang bigla akong lumaya. Bukod pa sa ligayang makakasama ko na ang aking Tatay at ang aking iba pang kapatid.
Kaya Grade 4 ako nang magsimula akong pumasok sa Muzon Elementary School (Benito Nieto Elementary School) sa Bulacan. Sa unang araw ng pasukan, gulat na gulat ako dahil mayroon na akong ka-apelyido--tatlo kaming GOJO CRUZ sa aming klase. Marami rin ang nakakakilala sa aking Tatay at aking mga kapatid. Alam na alam nila kung saan ang aming bahay. May mga gurong GOJO CRUZ din ang apelyido. Alam na alam din ng aking guro kung paano ang tamang pagbigkas at pagsulat ng aking apelyido.
Noon ko lang naramdaman na masarap tumira sa sariling tahanan, na di lang pinatutuloy ngunit higit sa lahat pinapapasok at inaaruga. Hinding-hindi ko naramdaman ang kalupitan.
Noong isang linggo, mapalad kong nakitang muli ang San Joaquin Elementary School pagkaraan ng maraming taon. Dito ako nagsimulang mag-aral hanggang Grade 3. Napansin ko, wala na ang lumang-lumang gusali na yari sa kahoy, na dati ay binubunot at pinakikintab pa naming magkaklase ang kahoy na sahig. Napalitan na ito ng maganda at kongkretong gusali. Napalitan na rin ng tuwa ang dating pangambang lagi kong nararamdaman noong bata ako—wala na ang pangamba ng batang laging ipinatatanggol ang sarili laban sa mga taga-San Joaquin na ayaw na ayaw sa mga dayo, sa mga ibang-iba ang apelyidong tulad ko.

Subscribe to:
Posts (Atom)