Isang hapon ng Sabado, matapos akong makinig kasama ng aking tatlong klase ng Humanities sa De La Salle University-Manila sa lektura ng isang kilalang classical pianist, nakatanggap ako ng mensahe na nag-iimbita sa aking Facebook. Ito ang mensahe:
hi sir, this is -------- from kristv abs cbn. staff po ako ni ms kris aquino. naghahanap po kasi kami ng sum 1 na may success story at nairefer po kayo ni davee sa akin. live guesting po ito on tuesday . sir if your willing and availabe pls reply po sa msg na ito or txt me po…
Sino ang tatanggi sa ganitong imbitasyon? Nabulabog ang sandali ng aking pananahimik at pagnamnam sa ilang mga classical music na aking napakinggan at naintindihan noong hapon iyon.
Ibinigay ko ang aking cellphone number. Sumunod na ang maraming tanong sa text at ilang tawag sa telepono na matiyaga ko namang sinagot. Kay sarap ng pakiramdam na biglang may nagkaroon ng interes sa akin buhay, sa aking isang pangkaraniwang tao lang. Tungkol daw sa tagumpay ang topic. Sa isip ko, mukhang marami akong paghuhugutan ukol sa topic na ito dahil dumaan din ako sa maraming kabiguan.
Pero may pasubali ang unang kumontak sa akin, sa pamamagitan ng text sabi niya: “Sir, standby ka po ah. Nainform ko nap o yung writer. At hnhnty n lng po namin yung approval ng nsa taas. Inform po kita as soon na tuloy po tayo. Salamat po.”
Kasunod nito ang ilang pang tanong at tawag sa telepono ng isang nagpakilalang writer ng programa. At araw ng Linggo, natanggap ko na ang kompirmasyon sa unang kumontak sa akin: “…Confirmed na po kau on Tuesday ah. Oct11 8.15-8.30 po ang coltym. Elj bldg, abs-cbn.” Natuwa ako sa aking kausap, mukhang organisado at tiyak.
Inihanda ko ang aking sarili. Biglang nagkaroon ng mga pagbabago sa aking schedule bilang isang pangkaraniwang tao. Kailangang handa ako sa Martes.
Kaya Lunes na gabi, inisip ko kung saan ako mag-aagahan. Ipinagpaliban ko muna ang pagpunta sa gym. Inihanda nang mas maaga ang mga gagamitin kong powerpoint sa aking klase para sa hapon ng Martes. Nag-set din ako ng meeting sa isang artist na gagawa ng aking bagong libro sa mismong vicinity ng ABS-CBN. Kinalkula ko na ang oras ng aking meeting pabalik ng Taft Avenue nang di ako mahuli sa aking klase.
Pero eksaktong alas-10 nang gabi, natanggap ko ito: “Hello sir genaro, Sorry to inform you po, di na po tuloy ang guesting niyo tommorow (spelling niya ito) sa kristv. (sad face) May bglaang changes po sa treatment ng script po. Sorry talaga sir.” Kasunod nito ang isa pang text na: “Super sori talaga sir. Nainform lang dn po ako ng writer namin (sad face uli).” Naramdaman ko naman ang sinseridad ng paghingi ng paumanhin ng unang kumontak sa akin na nagsabing magkababayan kami. Nagtext ako: “Ok no problem!”
Naisip ko, inisip ng writer ng programa ang treatment sa script pero ang treatment niya sa mismong taong naabala at may pandama, nabalewala at di niya nagawang isipin!
Sa karanasan kong ito, di ko maiwasang ikompara ang iba pang programang nag-feature ng aking kuwento. Di ko naranasan ang ganito sa mga programang tulad ng Wish Ko Lang at Kapuso Mo Jessica Soho ng GMA 7. Nahiya pa nga ako sa pagiging on time at kasipagan ng mga staff sa mga nabanggit na programa. Nagpunta sila sa Binondo sa aking pagtuturo sa mga street children, sumama sa akin sa kalye habang nagtuturo, nagpunta sila sa DLSU-M at kinunan ako habang nagtuturo, nakarating pa sila mismo sa aking munting bahay sa Bulacan kahit kasagsagan ng bagyo. Hatid-sundo rin ako.
Alam ko ang kalakaran sa media. Sa aking pagtuturo sa aking mga estudyanteng kumukuha ng mass media, lagi kong sinasabi, kung papalaot sila sa mundong ito, kailangang handa silang magpa-exploit. Tiyak na patataihin sila ng istorya para sa programa. Papaghahagilapin sila tiyak ng kuwento saan mang lupalop ng mundo. Gagamitin ang kanilang creativity sa ngalan ng rating at iba pa. Binabayaran sila para rito. Kahit galing sila sa mamahaling pamantasan o mayamang pamilya, balewala ito sa mga taong matagal nang nakababad sa media. Kabilin-bilinan kong alamin at isabuhay ang ethics sa pangangalap ng istorya buhat sa ibang tao at maging professional sa pakikipag-usap. Huwag manggagamit ng mahihirap o mahihina sa ngalan lang ng programa at rating. Ang kalakaran ng gamitan sa media ang dahilan kung bakit di ko pinasok ang mundong ito. Ayokong magpagamit!
Noong kasagsagan ng Marina ng ABS-CBN, kinontak ako ng isang taga-publishing ng kompanya upang gawin at sulatin ang komiks bersiyon ng programa. Ginawa ko ang concept at preliminaries. Sa ilan ding meeting, di nababanggit ang aking fee. Tinabangan ako at nawalan ng gana sa proyekto. Nagkataon namang bumaba ang rating ng Marina dahil binanat nang binanat ang istorya para tumagal. Buti na lang at di ko ginawa ang komiks. Mahirap tumangging ako ang gumawa ng komiks kung nakalathala rin ang aking pangalan. Napaka-effective pa namang medium ng komiks. Ayokong gawan ng legacy ang isang palabas na di naging maganda ang wakas.
Sa mismong programang Kris TV, kung susuriin ang mismong espasyong ginagalawan ng mga guest, makikita ang tunggalian ng uri at kapangyarihan. Mapapansing ang mga kilalang personalidad ay nakaupo sa magandang sala kasama ni Kris. Pero ang iba pang inpormants na di kilala o “walang pangalan” ay kasama ng audiences.
Sa isang episode na aking napanood, kasama ni Kris sa sala sina Sweet, Candy Pangilinan, isang Attorney, at Gerard (nakalimutan ko ang surname niya). Nasa audiences naman ang dalawang babaeng may anak na may kapansanan at isang expert from DepEd.
Sa diskurso ng pagtatanong, mahahalatang ginamit lang episode na ito para sa pagbebenta ng “Budoy” ni Gerard. Itinago ang ganitong intensiyon sa pagsasabing de-kalidad at maganda ang values ng “Budoy.” Higit na maraming ibinatong tanong sa mga kilalang personalidad. At sa dalawang pangkaraniwang ina, halos tig-isang tanong lang. Mapapansin din ang kakulangan ng kaalaman ni Kris sa dalawang ina. Inakala niyang may single parent sa kaniyang tinatanong. Nakahihiya ang ganitong insidente ng pagkakamali sa pambansang telebisyon dahil patunay ito ng kakulangan ng malasakit ng kilalang host na alamin ang kuwento ng karaniwang tao na magagamit sana upang makapagtanong din siya ng matino at mahusay na tanong. Pero na-master na ni Kris ang retorika ng pagtatanong o interbiyu, kayang-kaya niyang bumawi sa kaniyang pagkakamali sa paraang di halata at palabasing di niya kasalanan. Naibato agad ni Kris ang sisi sa kaniyang staff sa pagsasabing iba ang research na kaniyang nabasa.
Si Gerard ang malimit tanungin ni Kris kahit wala namang kontent o paulit-ulit lang ang sagot ng tinitiliang binata. Hinuhugot lang ni Gerard ang kaniyang sagot bilang artistang gumanap na may kapansanan sa “Budoy.” Nanghihinayang ako sa dalawang karaniwang ina na kasama sa audiences. Maaari silang paghugutan ng totoo at mga “nakatuntong-sa-lupang” pahayag.
Tiyak kong kung natuloy ako sa Kris TV, kasama rin ako sa audiences, sa espasyo ng mga pangkaraniwan at “walang pangalan.” Siguro kung isa akong kilala, mayaman o makapangyarihang tao, mangingimi kahit papaano ang kumontak na gawin sa akin ito. Sino nga ba ako? Pero sa mga Pilipino kasi, sa bansang binaliw ng tsismis at ka-showbizan, interesado talaga tayo sa kuwento ng mga artista at “may pangalan”, kaysa mga kuwento ng mga kababayan nating lubog sa baha sa Bulacan.
Sa totoong buhay, kung may mga taong pakiramdam ko ay umalipusta sa akin, madalas ay ginagawa ko silang mga tauhan sa aking kuwento. Sila yung mga ginagawa kong kontrabida. At dahil kontrabida sila, sila ang pinarurusahan ko sa bandang huli. Kailangang maging madugo ang kanilang kamatayan. Pero di ko ito magawa sa mga staff ng Kris TV dahil walang silang mukha at katawan sa aking imahinasyon—mga text at tinig lang sila kaya mahirap silang gawing tauhan o lalong higit na maging tao.
Mahirap at di tamang mag-generalize. Tiyak kong higit na maraming tao pa rin ang may magandang karanasan sa Kris TV. Malas ko lang dahil pangit ang sa akin. Siguro, mabibilang lang sa daliri ang may pangit na karanasan na tulad ko.
Sa aking paglalaro sa The Price is Right (programa uli ni Kris) ngayong taon sa ABS-CBN, tuwa ang aking naramdaman kahit di ko naiuwi ang anumang sa mga premyo. Natuwa ako dahil patas ang laban. Alam ko kasing mahina ako sa hulaan ng presyo. Ipinagngingitngit ko di ang di ko paglabas sa programa kundi ang naging pagtrato sa akin. Sa bago kong karanasang ito, pakiramdam ko, di lamang ako natalo kundi nanakawan ako—ng panahon, effort (may salin ba ito sa wikang Filipino), at ng dignidad bilang isang karaniwang tao. Nabulabog ang aking tatlong araw!
No comments:
Post a Comment