Thursday, November 10, 2011

Defrost

ni Genaro R. Gojo Cruz


Sa unang gabi ng aking pag-iisa,

naisip kong i-defrost ang refrigerator.

Sa pagbukas ko ng pinto at pagpindot

ng kaisa-isang buton sa loob, agad

kong natanaw ang maraming alaala.

Nang buksan ko ang isa pang pinto

sa itaas, bumungad sa akin ang makapal

na yelo, sumidhi ang nasà kong matunaw

agad ang yelo sa freezer, hangad ko

noon pang makita at madama ang sarili

(tiyak na aabutin ako ng madaling-araw).

Nahiga muna ako sa kama. Iniwang

bukas ang lahat ng aking pandama.


Sa pagkatunaw ng yelo, dama kong

kay tagal na rin akong naging manhid.

Isa-isa kong inilabas ang mga naging bato

na ring pagkain—sumagi sa aking gunita

ang ating mga abalang-umaga, ang lalim

ng gabing hangad natin ay mainit na sabaw.

Inilabas ko rin ang mga tirang ulam, tubig,

juice sa tetra pack, itlog, palaman, tumigas

na pizza na inorder mo noong isang gabi,

lahat-lahat na—marami pala tayong nakaligtaan

at di napag-usapan. Sa ibaba, nakita ko

ang mga gulay (bulok na ang iba). Naalala

kong balak mo pa lang magsinigang.

Nang mailabas ko ang lahat-lahat, nilinis

kong mabuti ang loob ng refrigerator,

isa-isang nalalaglag ang numinipis na yelo.

Kay gaan ng pakiramdam ko, ganito pala

ang maiwan nang walang inaasahang uuwi.

Hungkag ang aking buong pagkatao.

Ngayon, taglay ko na ang kalayaang pumili

sa mga alaalang iniwan mo—bukod-tangi

ang mga sandaling habambuhay ang pag-ibig.

Isa-isa kong ibinalik ang lahat sa dati, itinapon

ko na ang mga bulok at magpapaalala pa sa iyo.

Nang isara ko ang refrigerator, nakaligtaan

ko ang pag-apaw ng naipong tubig sa ilalim.


Itinapon ko sa lababo ang mabahong tubig—

naalala kong kailangan ko rin palang sairin

ang luhang naipon ng mga nakaraang-araw

sa unang gabing ito ng aking pag-iisa.

1 comment:

  1. Amazing...

    Beyond amazing...

    Sana makagawa pa po kayo ng maraming tula kagaya nito. :)

    ReplyDelete