Wednesday, September 21, 2011

Kuwitis

MADALAS AKONG TAKASAN ng aking dalawang Ate noong bata ako. Malaking sagabal kasi ako sa aking Ate Rowena at Ate Sally (kambal kong kapatid na babae) sa kanilang paglalakwatsa o paggagala. Madalas pinatutulog muna nila ako upang makatakas sila.

Isang gabi, tinakasan na naman nila ako pero ang di nila alam ay nagkukunwari lang akong tulog. Sinundan ko sila. Sa aking pagsunod, di ko namamalayang malayo na rin pala ang aking narating.

Di pa ako nag-aaral noon kaya sa tantiya kong nasa apat hanggang limang taon ako noon. Nakarating ako hanggang bisita sa Muzon. Naakit ako sa kakaibang kulay at liwanag ng bisita. Maraming arko na sinabitan ng iba’t ibang kulay ng bulaklak na gawa sa papel na may hawakan sa magkabila at dala ng dalawang tao. Sa gitna ng arko ay makikita ang mga batang babae at lalaki na makinang at kay gaganda ng bihis. Kay liwanag ng paligid. Nakakalula ang dami ng tao.

Nang magsimulang maglakad ang prusisyon. Nakisabay ako. Sa paglalakad, hinahanap ko ang dalawa kong tumakas na Ate. Di ko sila makita. Pinagtataguan na naman nila ako, naisip ko. Mahaba-haba na rin ang aking nalalakad pero di ko alam kung ano ang sinamahan ko.

Pagdating sa Pastol, malapit sa aming lumang bahay, naisip kong uuwi na ako. Pero bago pa man tuluyang tumapat sa aming bahay ang prusisyon, may nagsindi ng isang kuwitis. Sa halip na pumuntang langit ang kuwitis sa tabi ko ito pumunta. Mabilis na mabilis. Parang nagbaga ang aking paligid. Nag-init ang aking mukha. Sa isang iglap sa pisngi ko pumutok ang kuwitis.
Umalingawngaw sa buong Pastol ang aking pagpalahaw! Ako na bigla ang tiningnan ng lahat ng tao.

Kasama rin pala sa prusisyong iyon ang isa ko kapatid na lalaki. Agad niya akong nakilala at inuuwi ng aming bahay.

Kinabukasan, nagising akong katabi ang isang biyak ng cortal at isang de-boteng Royal Tru Orange. Masarap pala ang maputukan. Bihirang-bihira akong makainom noon ng de-bote.

Pero ang kinatatakutan ko ay ang Tatay ko. Maaaring bugbugin niya ang aking dalawang Ateng mahilig tumakas. Alam na alam ko kung paanong magalit si Tatay. Wala siyang pakialam saan mang bahagi ng mukha o katawan tumama ang kaniyang matitigas na kamao. Tatalunin niya si Fernando Poe Jr. sa pagsuntok. Nakita ko kung paano niya pinagsusuntok ang isa kong kapatid na lalaki. Pero si Ate Rowena lang ang napagbuhatan niya ng kamay. Si Ate Sally nakatakas uli.

Hanggang ngayon, kaba at takot ang aking nararamdaman kapag may mga kuwitis na sinisindihan kung may kasal, binyag, pista, o Bagong-taon. Pakiramdam ko, parang sa tabi ko papunta at nakatakdang pumutok ang mga ito. Mabilis na bumabalik sa akin ang mainit at mahapding pakiramdam. Naaamoy ko ang pulbura.

Mahalaga sa akin ang karanasan kong ito dahil noon ko nakitang mahalaga rin pala ako sa Tatay ko. O sige na, kahit naaalangan akong sabihin hanggang ngayon, mahal rin pala ako ng Tatay ko. Naaalangan akong sabihin dahil di ako sanay o sinanay magparamdam ng nararamdaman. Maging si Tatay, di kailanman nagsabi na mahal niya kaming magkakapatid. Eksakto lang kung magsalita ang aking Tatay. Kung may iuutos o ipagagawa siya, iyon lang talaga ang sasabihin niya.

Ngayon ko naisip, bakit kailangan ko pang maputukan ng kuwitis at masaktan ang aking kapatid para lang malaman at madama kong mahal rin pala ako ng Tatay ko?

Bakit kailangan ko munang maramdaman ang hapdi ng kuwitis para makainom ng cortal at makatikim ng masarap na Royal Tru Orange?

No comments:

Post a Comment