NAKATATAKOT NGAYON ANG bilang ng mga naging biktima at namatay na dahil sa sakit na Dengue. Di man lang marunong pumili ang sakit na ito ng taong dadapuan—mahirap man o mayaman. Naisip ko, kahit papaano ay may equalizer naman sa ating lipunan. Kahit man lang sa sakit na Dengue, mararamdaman nating pantay-pantay ang lahat—politiko man o kargador ng mga gulay sa palengke. Unfair talaga ang buhay kung mahirap lang ang dinadapuan ng Dengue!
Ang matinding takot ang nagtulak sa akin upang pumunta sa isang kilalang mall upang bumili ng kulambo na pang-isahan lang. Di naman malamok sa aking munting tinitirahan sa Maynila pero alam kong traydor ang mga lamok. Pero nabigo akong makabili. Ayon sa saleslady na pinagtanungan ko, wala na raw silang stock. Ang nakita ko ay kulambong pang-sanggol na binubuksan na parang isang payong.
Uso pa nga ba ang paggamit ng kulambo? O talagang naubos lang dahil mataas na demand dahil sa dengue?
Isa sa mga bisyo ko sa pagtulog noong bata ako ay ang pagkikiskis ng aking paa sa kulambo. Madalas nga akong kagalitan ng aking Nanay dahil sa laging napipigtas ang pagkakatali ng kulambo dahil halos gawin ko na itong kumot.
Ayos na ayos na magkabit ng kulambo ang Nanay ko. Pantay na pantay ang pagkakatali. Kailangan din ipailalim na mabuti ang laylayan ng kulambo sa higaan naming banig nang di makapasok ang mga lamok.
Hanggang sa aking paglaki, dala-dala ko ang hilig sa kulambo. Hinding-hindi ako makakatulog hangga’t walang mapagkikiskisang magaspang ang aking mga paa. Higit na mainam kung may isa pang kulambo na maaaring kong gawin sapin o kumot sa pagtulog. Walang maaaring kumuha o umagaw ng aking kulambo dahil maghahalo ang balat sa tinalupan.
Sa aking alaala sa Pastol, mas malalaking kulambo ang aking nakikita. Magkakatabi kaming magkakapatid kaya kailangang malaking kulambo rin ang gamitin na halos sumakop sa aming kabahayan. Kuwentuhan ang nagpapaantok sa aming magkakapatid noon. Ngunit habang kami ay lumalaki, at habang isa-isang nagsisipag-asawa ang iba, naging pang-isahan na ang aming mga kulambo. Kani-kaniyang kabit ng kani-kaniyang kulambo.
Nang mag-aral ako sa kolehiyo at manirahan sa Maynila, pinilit kong kalimutan ang bisyo sa pagtulog. Nahiya na kasi akong dalhin at makita pa ng ibang tao ang aking luma at gula-gulanit ng kulambo. Ngayon, nasanay na akong matulog nang walang kulambo bagaman paminsan-minsan ay hinahanap ko pa rin ang masarap sa paang kagaspangan ng kulambo.
Buti na lang at di muna ako nakabili ng kulambo. Alam kong maraming alaala ang magsisibalik kung gagamit uli ako nito—mga alaala ng aking kamusmusan na ang aking Nanay ang aking katabi sa pagtulog sa iba’t ibang bahay na tinirahan.
Tiyak na sa mismong pagkakabit ko ng bago kong biling kulambo, maaalala ko si Nanay na siyang nagkakabit ng kulambo. At sa paghinga ko sa loob ng kulambo, maaalala ko siya na aking katabi.
At ang pinakamahirap, ang sumagi sa isip at maramdaman ang lungkot ng mahaba-maha na ring panahon ng aking pag-iisa.
No comments:
Post a Comment