Wednesday, September 21, 2011

Kuwitis

MADALAS AKONG TAKASAN ng aking dalawang Ate noong bata ako. Malaking sagabal kasi ako sa aking Ate Rowena at Ate Sally (kambal kong kapatid na babae) sa kanilang paglalakwatsa o paggagala. Madalas pinatutulog muna nila ako upang makatakas sila.

Isang gabi, tinakasan na naman nila ako pero ang di nila alam ay nagkukunwari lang akong tulog. Sinundan ko sila. Sa aking pagsunod, di ko namamalayang malayo na rin pala ang aking narating.

Di pa ako nag-aaral noon kaya sa tantiya kong nasa apat hanggang limang taon ako noon. Nakarating ako hanggang bisita sa Muzon. Naakit ako sa kakaibang kulay at liwanag ng bisita. Maraming arko na sinabitan ng iba’t ibang kulay ng bulaklak na gawa sa papel na may hawakan sa magkabila at dala ng dalawang tao. Sa gitna ng arko ay makikita ang mga batang babae at lalaki na makinang at kay gaganda ng bihis. Kay liwanag ng paligid. Nakakalula ang dami ng tao.

Nang magsimulang maglakad ang prusisyon. Nakisabay ako. Sa paglalakad, hinahanap ko ang dalawa kong tumakas na Ate. Di ko sila makita. Pinagtataguan na naman nila ako, naisip ko. Mahaba-haba na rin ang aking nalalakad pero di ko alam kung ano ang sinamahan ko.

Pagdating sa Pastol, malapit sa aming lumang bahay, naisip kong uuwi na ako. Pero bago pa man tuluyang tumapat sa aming bahay ang prusisyon, may nagsindi ng isang kuwitis. Sa halip na pumuntang langit ang kuwitis sa tabi ko ito pumunta. Mabilis na mabilis. Parang nagbaga ang aking paligid. Nag-init ang aking mukha. Sa isang iglap sa pisngi ko pumutok ang kuwitis.
Umalingawngaw sa buong Pastol ang aking pagpalahaw! Ako na bigla ang tiningnan ng lahat ng tao.

Kasama rin pala sa prusisyong iyon ang isa ko kapatid na lalaki. Agad niya akong nakilala at inuuwi ng aming bahay.

Kinabukasan, nagising akong katabi ang isang biyak ng cortal at isang de-boteng Royal Tru Orange. Masarap pala ang maputukan. Bihirang-bihira akong makainom noon ng de-bote.

Pero ang kinatatakutan ko ay ang Tatay ko. Maaaring bugbugin niya ang aking dalawang Ateng mahilig tumakas. Alam na alam ko kung paanong magalit si Tatay. Wala siyang pakialam saan mang bahagi ng mukha o katawan tumama ang kaniyang matitigas na kamao. Tatalunin niya si Fernando Poe Jr. sa pagsuntok. Nakita ko kung paano niya pinagsusuntok ang isa kong kapatid na lalaki. Pero si Ate Rowena lang ang napagbuhatan niya ng kamay. Si Ate Sally nakatakas uli.

Hanggang ngayon, kaba at takot ang aking nararamdaman kapag may mga kuwitis na sinisindihan kung may kasal, binyag, pista, o Bagong-taon. Pakiramdam ko, parang sa tabi ko papunta at nakatakdang pumutok ang mga ito. Mabilis na bumabalik sa akin ang mainit at mahapding pakiramdam. Naaamoy ko ang pulbura.

Mahalaga sa akin ang karanasan kong ito dahil noon ko nakitang mahalaga rin pala ako sa Tatay ko. O sige na, kahit naaalangan akong sabihin hanggang ngayon, mahal rin pala ako ng Tatay ko. Naaalangan akong sabihin dahil di ako sanay o sinanay magparamdam ng nararamdaman. Maging si Tatay, di kailanman nagsabi na mahal niya kaming magkakapatid. Eksakto lang kung magsalita ang aking Tatay. Kung may iuutos o ipagagawa siya, iyon lang talaga ang sasabihin niya.

Ngayon ko naisip, bakit kailangan ko pang maputukan ng kuwitis at masaktan ang aking kapatid para lang malaman at madama kong mahal rin pala ako ng Tatay ko?

Bakit kailangan ko munang maramdaman ang hapdi ng kuwitis para makainom ng cortal at makatikim ng masarap na Royal Tru Orange?

Friday, September 9, 2011

Kulambo

NAKATATAKOT NGAYON ANG bilang ng mga naging biktima at namatay na dahil sa sakit na Dengue. Di man lang marunong pumili ang sakit na ito ng taong dadapuan—mahirap man o mayaman. Naisip ko, kahit papaano ay may equalizer naman sa ating lipunan. Kahit man lang sa sakit na Dengue, mararamdaman nating pantay-pantay ang lahat—politiko man o kargador ng mga gulay sa palengke. Unfair talaga ang buhay kung mahirap lang ang dinadapuan ng Dengue!

Ang matinding takot ang nagtulak sa akin upang pumunta sa isang kilalang mall upang bumili ng kulambo na pang-isahan lang. Di naman malamok sa aking munting tinitirahan sa Maynila pero alam kong traydor ang mga lamok. Pero nabigo akong makabili. Ayon sa saleslady na pinagtanungan ko, wala na raw silang stock. Ang nakita ko ay kulambong pang-sanggol na binubuksan na parang isang payong.

Uso pa nga ba ang paggamit ng kulambo? O talagang naubos lang dahil mataas na demand dahil sa dengue?

Isa sa mga bisyo ko sa pagtulog noong bata ako ay ang pagkikiskis ng aking paa sa kulambo. Madalas nga akong kagalitan ng aking Nanay dahil sa laging napipigtas ang pagkakatali ng kulambo dahil halos gawin ko na itong kumot.

Ayos na ayos na magkabit ng kulambo ang Nanay ko. Pantay na pantay ang pagkakatali. Kailangan din ipailalim na mabuti ang laylayan ng kulambo sa higaan naming banig nang di makapasok ang mga lamok.

Hanggang sa aking paglaki, dala-dala ko ang hilig sa kulambo. Hinding-hindi ako makakatulog hangga’t walang mapagkikiskisang magaspang ang aking mga paa. Higit na mainam kung may isa pang kulambo na maaaring kong gawin sapin o kumot sa pagtulog. Walang maaaring kumuha o umagaw ng aking kulambo dahil maghahalo ang balat sa tinalupan.
Sa aking alaala sa Pastol, mas malalaking kulambo ang aking nakikita. Magkakatabi kaming magkakapatid kaya kailangang malaking kulambo rin ang gamitin na halos sumakop sa aming kabahayan. Kuwentuhan ang nagpapaantok sa aming magkakapatid noon. Ngunit habang kami ay lumalaki, at habang isa-isang nagsisipag-asawa ang iba, naging pang-isahan na ang aming mga kulambo. Kani-kaniyang kabit ng kani-kaniyang kulambo.

Nang mag-aral ako sa kolehiyo at manirahan sa Maynila, pinilit kong kalimutan ang bisyo sa pagtulog. Nahiya na kasi akong dalhin at makita pa ng ibang tao ang aking luma at gula-gulanit ng kulambo. Ngayon, nasanay na akong matulog nang walang kulambo bagaman paminsan-minsan ay hinahanap ko pa rin ang masarap sa paang kagaspangan ng kulambo.
Buti na lang at di muna ako nakabili ng kulambo. Alam kong maraming alaala ang magsisibalik kung gagamit uli ako nito—mga alaala ng aking kamusmusan na ang aking Nanay ang aking katabi sa pagtulog sa iba’t ibang bahay na tinirahan.

Tiyak na sa mismong pagkakabit ko ng bago kong biling kulambo, maaalala ko si Nanay na siyang nagkakabit ng kulambo. At sa paghinga ko sa loob ng kulambo, maaalala ko siya na aking katabi.

At ang pinakamahirap, ang sumagi sa isip at maramdaman ang lungkot ng mahaba-maha na ring panahon ng aking pag-iisa.

Tuesday, September 6, 2011

Hula

ISA SA PAMBIHIRANG kakayahan ng Tatay ko ay ang panghuhula. Noong bata ako, sa pamamagitan ng aking palad, hinulaan niya akong di raw ako yayaman. Gastador raw ako. Wala man lang raw siyang makitang mga guhit sa aking palad na lumilikha ng kuwadrado o kahon na tanda raw ng pagiging matipid o pagyaman balang-araw. Lahat daw ng pera ay palabas at dadaan lang sa aking palad.

Tumatak sa aking isip ang sinabing iyon ng aking Tatay. Lagi kong tinitingnan ng aking palad noon. Pakiramdam ko, parang natapos na agad ang aking mga pangarap kahit di pa natutupad. Parang wala na talagang pag-asang yumaman ako. Lalo pa’t alam kong mahirap kami. Nakasanla sa bangko ang lupang kinatitirikan ng aming lumang-lumang bahay. Marami sa mga kapatid ko ang di man lang nakatuntong sa kolehiyo.

Tingin ako nang tingin sa akin palad noon, pilit akong naghahanap ng mga guhit na lumilikha na kuwadrado at walang anumang butas o guwang na maaaring pagdaanan ng pera palabas. Baka malabo lang ang mata ng Tatay ko.

Nang tumira na ako sa aming lumang bahay sa Pastol pagtuntong ko ng Grade 4 ako, lubos kong nakilala ang Tatay ko.

Mahilig siyang manita—may ginagawa man ako o wala. Ayaw na ayaw niyang nasasayang ang buong maghapong walang ginagawa. At kung may ginagawa naman ako, sisitahin pa rin niya ako.

Kailangang sa pagwawalis, dahon na dahon lang ang mawalis at madakot. Galit na galit siya kung may makikitang bato o lupang makakasama sa pagwawalis. Bago lagyan ng tubig ang tapayan, kailangang isisin o eskobahin munang mabuti ang tapayan at itaob kung maaari. Sa pagdidilig, ayaw na ayaw niyang makikitang sa dahon idinidilig ang tubig. Gusto niyang sa mismong lupa nang makarating agad sa ugat ang tubig. Sa pagkain, ayaw na ayaw niyang iinom ako agad ng tubig pagtapos kumain. Kailangang magpalipas muna nang ilang minute bago uminom ng tubig. Ayaw na ayaw rin niyang makikita akong umiinom ng de-bote. At maging ang aking paglalakad ay sinisita niya, huwag ko raw kaladkaring mabuti ang aking paa nang di rin agad maupod ang aking tsinelas. Labis niya akong kinagalitan nang magdamo ako ng aming bakuran. Akala ko kasi, damo pa rin ang aking binubunot noon, iyon pala ay mga halamang gamot na niya. Kaya mula noon, kinikilala ko muna ang mga damo bago bunutin. At kung tama naman ang aking ginagawa batay sa mga utos ni Tatay, walang anumang papuri akong naririnig sa kaniya. Di talaga niya ugali ang pumuri ng mga tamang gawa. Hangga’t wala akong naririnig na paninita buhat sa kaniya, ipinagpapatuloy ko ang aking ginagawa.

Taong 1988 pumanaw ang aking Tatay at hanggang ngayon, sa anumang aking ginagawa noong bata na ginagawa ko ngayon, parang lagi pa rin siyang nakamasid o nakabantay sa aking ginagawa. Natatakot pa rin ako kung sakaling pumalpak o mapahamak ako dahil di ko sinunod ang kaniyang utos o gusto. Natatakot akong di maging matino sa buhay.

Kahit sa mga malalaking desisyon ko sa buhay ngayon, iniisip ko pa rin kung ano ang sasabihin ng aking Tatay kung buhay pa siya. Di talaga siya nawala sa aking buhay.

Isang araw nang mag-flash-back sa aking isipan ang sandaling hawak ni Tatay ang aking mga kamay habang ako ay hinuhulaan niya noong bata ako, naisipan kong tingnan ang aking palad. Nagulat akong kay raming guhit sa aking palad na nagkapatong-patong at lumikha ng mga kuwadrado o kahon—sa kanan o kaliwang kamay man.

Di kaya ito nakita ni Tatay noon? O talagang nababago lang ang mga guhit sa palad sa pagtakbo ng panahon? Pera lang kaya talaga ang sukatan ni Tatay ng yaman?

Walang kamalay-malay si Tatay noon kung magiging ano ako ngayon. Kung buhay kaya si Tatay ngayon, sitahin rin kaya niya ang aking piniling propesyon?

Bakit ko pa pinili ang pagtuturo at pagsusulat gayong wala namang talagang yumaman sa pagiging guro at manunulat?

Pero isang hula pa rin ang aking natatandaan noong bata ako na sinabi naman ng aking Ate Perla, ang panganay kong kapatid. Sabi niya, yayaman daw ako dahil sa nunal sa ibaba ng daanan ng hangin sa aking ilong.

Labis ang pagdarasal ko ngayon, talunin sana ng hula ng aking Ate Perla ang hula ng aking Tatay na ang lahat ng sinasabi ay itinuturing kong tama at ang pinakatotoo sa lahat.

Sunday, September 4, 2011

Avon

MGA KOMERSIYAL ng AVON sa telebisyon ngayon, may mga babae o ina ng tahanang nagpapatotoo sa magandang buhay na naibigay sa kanila sa pagtitinda o pag-aalok ng nabanggit na beauty products.

Ayon sa kanila, dahil sa AVON, nakapagbundar sila, nakapag-aaral ang kanilang mga anak sa magagandang eskuwelahan, at nakapaglalakbay sila sa iba’t ibang bansa. Nais kong patotohanan na totoo nga ang kanilang mga tinuran. Dahil ako mismo ay nag-alok at nagtinda ng AVON noong ako ay nasa 4th year hay skul.

Kay Aling Delma ako kumukuha ng AVON na taga-Muzon din. Noon mga panahon iyon, pansin na pansin ko ang kaluwagan sa buhay ni Aling Delma. Halos sa kaniya kumukuha ng lahat ng nagtitinda ng AVON sa aming lugar. Punong-puno ng AVON products ang estante ni Aling Delma sa loob ng kaniyang bahay.

Sa tanda ko, naging dealer din si Aling Delma ng Tupperware na noon ay naging status symbol. Talagang marami ang nabaliw sa mga plastik na lalagyan o baunan na produkto na parang halos buong buhay mong gagamitin dahil sa talagang matibay. Tiyak na mamamatay rin ang negosyo kung ang lahat ng produkto ay matibay. Kailangang masira ang produkto nang hangarin din ng tao ang bago. Kaya siguro nawala rin paglaon ang Tupperware dahil sa tibay ng kanilang mga produkto.

Balik tayo sa AVON. Suki ko ang aking mga kaklaseng babae na mahihilig sa mga pabangong roll-on. Hulugan naman kaya di mabigat sa bulsa. Puwede nilang kunin sa kanilang mga baon. Nag-alok din ako sa iba pang ina na nais magpaganda at bumango.

Kompleto ang AVON. Bukod sa mga cosmetic, may mga wallet at sinturong pang-lalake rin, may mga garment tulad ng t-shirt, blouse, damit-pambata, brief, panty, bra hanggang lamp shade, bag, sapatos, at iba pa. May girdle rin para sa mga inang gustong umimpis ang puson kapag nagsusuot ng mga hapit sa katawang damit. Sa AVON ko rin nalaman ang sukat ng mga bra, na may mga cap-cap pang tinatawag, na may Cap A at B na depende sa laki ng dede.

Marami rin akong naialok na AVON. Malaki rin ang kita dahil 20% ang ibinigay sa akin ni Aling Delma. Ang ginagawa ko, binabayaran muna agad ang aking kinuhang produkto mula sa aking mga koleksiyong hulog kay Aling Delma. Hinuhuli ko na lang ang aking porsiyento. Takot akong magkautang! Sa dami ko ngang naibenta, isinama pa ako ni Aling Delma sa Christmas Party ng AVON. Puro babae at ina ang aking nakita.

Pero nagkaroon ako ng malaking problema. Sa bandang huli, nagastos ko rin ang aking koleksiyon dahil ito na halos ang kinukunan ko ng aking baon sa araw-araw at pambayad ng matrikula. Kaya pagka-graduate ko ng hay skul, lubog din ako sa utang kay Aling Delma. Sa aking pag-uwi at pagluwas ng Maynila, noong nagkolehiyo na ako, lagi akong nagdadasal na sana ay huwag kong makasakay si Aling Delma. Pinagtaguan ko si Aling Delma sa ilang taong aking pag-aaral ng kolehiyo.

Kaya noong magkatrabaho at tinanggap ko ang aking suweldo, unang-una kong pinuntahan si Aling Delma sa kaniyang bahay. Tinanong ko sa kaniya ang kabuuang utang ko at sabi ko ay babayaran ko na. Ang tanda ko, kulang-kulang 3,000 pala ang aking naging utang. Malaking halaga rin ito noon. Sa wakas nabayaran ko na rin si Aling Delma. Lumuwag bigla ang aking pakiramdam.

Pagkaraan ng halos ilang linggo o buwan, nakasakay ko sa isang pampasaherong dyip si Aling Delma at sinabi niya sa aking di lamang daw ang binayaran ko ang aking utang, mayroon pa raw siyang di nailista o naisama. Pero ang sabi ko, wala na akong utang. Nabayaran ko na sa kaniya ang aking kabuuang utang.

Nabalitaan ko ang mga pangyayari sa buhay ni Aling Delma. Di na siya kasing-luwag ng dati. Ang dinig ko, tinakasan siya ng ibang pinagkatiwalaan niyang magtinda ng AVON.

Sa aking pag-uwi-uwi sa Muzon, madalas kong makita si Aling Delma, bitbit ang dalawang plastik na puti na alam kong AVON products pa rin ang laman. Siya na ngayon ang mismong nag-aalok ng AVON sa aming lugar.

Kung sakaling kunin ako ng AVON na maging endorser ng kanilang produkto, isa lang ang gusto kong patotohanan o sabihin.

Sa AVON, natututo akong harapin at di kalimutan ang obligasyon ko sa isang taong aking pinagkakautangan!

‘Yon lang po at maraming salamat!

Friday, September 2, 2011

Kuya Tikboy

SI KUYA TIKBOY ang bunsong kapatid ng aking Nanay. Sa labintatlong magkakapatid, ayon sa kaniya, tatlo na lang silang nabubuhay.

Natutuwa ako sa pagdalaw paminsan-minsan ni Kuya Tikboy sa aming magkakapatid sa Pastol dahil kahit papaano parang nararamdaman ko na ring dinadalaw kami ng aming yumaong ina. Biglang sumagi sa isip ko, di siya nakakaligtaang abutan ng pera ng aking Nanay noon kung sakaling nagkita sila sa pagsamba. Ngayong tumanda na lang siya talagang bumisita sa aming magkakapatid. Sa pagsasalita at itsura ni Kuya Tikboy, kung naging babae lang si Kuya Tikboy, aakalain kong siya ang Nanay ko.

Aaminin kong lumaki akong di talagang nakikilala nang lubusan ang pamilya ng aking ina. Liban sa alam kong marami sa kanila ay mga taal na Iglesia ni Cristo, wala na akong alam tungkol sa kanila. Si Kuya Tikboy, hanggang ngayon, pinagmamalaking nanatili siyang Iglesia ni Cristo hanggan sa ngayon.

Sa pagdalaw ni Kuya Tikboy sa akin, kahit papaano ay nagtatanong-tanong ako sa kanya. Nais kong makilala ang pamilyang pinagmulan ng aking Nanay.

Sa kanya ko nalaman, pumanaw na si Mang Genaro na siyang sana ay aampon sa akin noong ipinanganak ako ng aking Nanay. Kay Mang Genaro na taga-Balut, Tundo nanggaling ang “pang-matanda” kong pangalan. May isa rin palang pinsang milyonaryo na taga-Blumentritt ang aking Nanay na nagmamay-ari ng malalaking supermarket doon—“Mameng” daw ang pangalan.

At noong araw raw ay nanilbihan pa roon ang aking Nanay. May tampo raw siya sa isa pa naming Tiyahin dahil 500 pesos lang raw ang ibinigay sa kaniya kapalit isang bagong electric fan na mas mahal ang kaniyang bili.

Kasunod na nito ang mga balita tungkol sa kaniyang sarili. Dalawa raw sa kaniyang mga anak ay di man lang nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo. Ang isang anak niyang namamasukan ay malapit nang matapos ang kontrata. Sa buong buhay raw niya ay di pa siya nakararanasan na magkaroon sariling bahay. Lagi raw silang nangungupahan. Sa Valenzuela, Caloocan City raw siya ngayon nangungupahan. Paminsan-minsan ay nagmamaneho siya kung may gusto magpamaneho sa kaniya. Baka iyon na raw ang kaniyang huling pagdalaw. Alam kong ang mga kuwento ito ang paraan niya ng panghihingi ng tulong. Kahit papaano, aabutan ko siya. Ilan din kaming magkakapatid na nasa Pastol ang nag-aabot sa kaniya.

Nakadama ako ng matinding awa kay Kuya Tikboy. Sana ay di totoong huling dalaw na niya sa aming magkakapatid.

Ang totoo, nais ko pang magtanong tungkol sa pamilya ng aking Nanay. Ngayon nga, nakalista na sa aking isipan ang mga tanong na gusto kong itanong sa susunod niyang pagdalaw. Saan sila sa Nueva Ecija? Sino ang iba pang apelyidong kamag-anak namin? Bakit sila napunta ng Balut, Tundo? Paano at bakit naging Iglesia ni Cristo ang buong pamilya ng aking Nanay? Nasaan na ang iba pa nilang kapatid na buhay pa? Gusto kong madagdagan ang kakaunting kuwento na alam tungkol sa pamilya ni Nanay. Gusto kong makilala ang aking pinag-ugatan.
Pero bukod sa mga sagot sa aking mga itatanong kay Kuya Tikboy, ang totoo, gusto ko siyang abutan ng halagang kaya ko—mas mabuti na ang tumutulong kaysa tinutulungan lalo na kung kadugo ko ang aking inaabutan.

Matanda na si Kuya Tikboy. Dapat ay nagpapahinga na lang siya.