MGA KOMERSIYAL ng AVON sa telebisyon ngayon, may mga babae o ina ng tahanang nagpapatotoo sa magandang buhay na naibigay sa kanila sa pagtitinda o pag-aalok ng nabanggit na beauty products.
Ayon sa kanila, dahil sa AVON, nakapagbundar sila, nakapag-aaral ang kanilang mga anak sa magagandang eskuwelahan, at nakapaglalakbay sila sa iba’t ibang bansa. Nais kong patotohanan na totoo nga ang kanilang mga tinuran. Dahil ako mismo ay nag-alok at nagtinda ng AVON noong ako ay nasa 4th year hay skul.
Kay Aling Delma ako kumukuha ng AVON na taga-Muzon din. Noon mga panahon iyon, pansin na pansin ko ang kaluwagan sa buhay ni Aling Delma. Halos sa kaniya kumukuha ng lahat ng nagtitinda ng AVON sa aming lugar. Punong-puno ng AVON products ang estante ni Aling Delma sa loob ng kaniyang bahay.
Sa tanda ko, naging dealer din si Aling Delma ng Tupperware na noon ay naging status symbol. Talagang marami ang nabaliw sa mga plastik na lalagyan o baunan na produkto na parang halos buong buhay mong gagamitin dahil sa talagang matibay. Tiyak na mamamatay rin ang negosyo kung ang lahat ng produkto ay matibay. Kailangang masira ang produkto nang hangarin din ng tao ang bago. Kaya siguro nawala rin paglaon ang Tupperware dahil sa tibay ng kanilang mga produkto.
Balik tayo sa AVON. Suki ko ang aking mga kaklaseng babae na mahihilig sa mga pabangong roll-on. Hulugan naman kaya di mabigat sa bulsa. Puwede nilang kunin sa kanilang mga baon. Nag-alok din ako sa iba pang ina na nais magpaganda at bumango.
Kompleto ang AVON. Bukod sa mga cosmetic, may mga wallet at sinturong pang-lalake rin, may mga garment tulad ng t-shirt, blouse, damit-pambata, brief, panty, bra hanggang lamp shade, bag, sapatos, at iba pa. May girdle rin para sa mga inang gustong umimpis ang puson kapag nagsusuot ng mga hapit sa katawang damit. Sa AVON ko rin nalaman ang sukat ng mga bra, na may mga cap-cap pang tinatawag, na may Cap A at B na depende sa laki ng dede.
Marami rin akong naialok na AVON. Malaki rin ang kita dahil 20% ang ibinigay sa akin ni Aling Delma. Ang ginagawa ko, binabayaran muna agad ang aking kinuhang produkto mula sa aking mga koleksiyong hulog kay Aling Delma. Hinuhuli ko na lang ang aking porsiyento. Takot akong magkautang! Sa dami ko ngang naibenta, isinama pa ako ni Aling Delma sa Christmas Party ng AVON. Puro babae at ina ang aking nakita.
Pero nagkaroon ako ng malaking problema. Sa bandang huli, nagastos ko rin ang aking koleksiyon dahil ito na halos ang kinukunan ko ng aking baon sa araw-araw at pambayad ng matrikula. Kaya pagka-graduate ko ng hay skul, lubog din ako sa utang kay Aling Delma. Sa aking pag-uwi at pagluwas ng Maynila, noong nagkolehiyo na ako, lagi akong nagdadasal na sana ay huwag kong makasakay si Aling Delma. Pinagtaguan ko si Aling Delma sa ilang taong aking pag-aaral ng kolehiyo.
Kaya noong magkatrabaho at tinanggap ko ang aking suweldo, unang-una kong pinuntahan si Aling Delma sa kaniyang bahay. Tinanong ko sa kaniya ang kabuuang utang ko at sabi ko ay babayaran ko na. Ang tanda ko, kulang-kulang 3,000 pala ang aking naging utang. Malaking halaga rin ito noon. Sa wakas nabayaran ko na rin si Aling Delma. Lumuwag bigla ang aking pakiramdam.
Pagkaraan ng halos ilang linggo o buwan, nakasakay ko sa isang pampasaherong dyip si Aling Delma at sinabi niya sa aking di lamang daw ang binayaran ko ang aking utang, mayroon pa raw siyang di nailista o naisama. Pero ang sabi ko, wala na akong utang. Nabayaran ko na sa kaniya ang aking kabuuang utang.
Nabalitaan ko ang mga pangyayari sa buhay ni Aling Delma. Di na siya kasing-luwag ng dati. Ang dinig ko, tinakasan siya ng ibang pinagkatiwalaan niyang magtinda ng AVON.
Sa aking pag-uwi-uwi sa Muzon, madalas kong makita si Aling Delma, bitbit ang dalawang plastik na puti na alam kong AVON products pa rin ang laman. Siya na ngayon ang mismong nag-aalok ng AVON sa aming lugar.
Kung sakaling kunin ako ng AVON na maging endorser ng kanilang produkto, isa lang ang gusto kong patotohanan o sabihin.
Sa AVON, natututo akong harapin at di kalimutan ang obligasyon ko sa isang taong aking pinagkakautangan!
‘Yon lang po at maraming salamat!
No comments:
Post a Comment