Wednesday, August 1, 2012

Hanggang Kailan Tayo Magiging Mangmang Tuwing Agosto?


ni Genaro R. Gojo Cruz
 
Sa tingin ko, di talagang nakatutulong ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika taon-taon sa pagpapaunlad ng wikang pambansa. Ang malala pa, mas ipinakikita ng pagdiriwang na ito tuwing Agosto na di talaga natin pinahahalagahan ang ating wikang pambansa.
Bakit kailangan pang dumating ang buwan ng Agosto upang ipakita ang pagpapahalaga at pagmamahal sa sariling wika? Di ba't sa tagal na natin itong ipagdiriwang, kailangang naisanib na natin ito sa ating buong pagkatao o sa sistema ng ating pag-iisip?
Di lamang sa buwan ng Agosto dapat ipagdiwang ang wikang pambansa kundi sa buong panahon ng ating pag-iral bilang tao at bilang Pilipino. Ito ang wika ng ating pinakamimithing pangarap, ang bukal ng ating ligaya at galit, ang wika ng ating panaginip. Sa wikang ito lamang natin maipahahayag nang tapat at buong-buo ang ating saloobin, nadarama at iniisip na hinding-hindi kayang gawin sa wikang banyaga tulad ng Ingles.
Pero sabi nga, maikukumpara sa isang bata ang mga Pilipino at ang buong Pilipinas. Lagi't laging dapat paluuin at paalalahanan. Madali kasi tayong makalimot sa mga bagay na dapat nating unahin at tangkilin bilang mga Pilipino. Maikli ang memorya nating mga Pilipino. Dagdag pa, na ang mga pinakakolonyal mag-isip ay ang mga aral na Pilipino. Bugbog sila ng mga kaalamang inangkat din sa ibang bansa. Naniniwala silang nasa Ingles ang pag-unlad. Tunay na inilalayo ng sistema ng edukasyon ng ating bansa ang mga Pilipino sa sarili nitong wika at kultura. Pero sa katotohanan, ang mauunlad na bansa sa Asia ay di bihasa sa paggamit ng Ingles tulad ng Japan, China, Vietnam, at iba pa.
Pinatutunayan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na talagang mangmang tayong mga Pilipino at di talaga natin natututuhan pang yakapin at mahalin ang ating sariling wika! Sana ay nailalaan na lamang sa mas mga makabuluhang proyekto ang pondong ginagamit dito. Halimbawa, kung ang ilulunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay salin ng Harry Potter, The Alchemist, o Twilight sa Filipino, aba mas nakamamangha! Biruin mo, mababasa mo sa ating sariling wika ang pinakamabibiling nobela sa mundo? Ganito ang ginawa ng Indonesia, mas salin sa Bahasa ang mga nobelang ito. Dalawang magandang benepisyo ang napapala ng mga taga-Indonesia sa pagbasa ng mga nabanggit na nobela sa kanilang wika:  Una, naiintindihan nila ang kanilang binabasa, at pangalawa, nagiging bihasa sila sa kanilang sariling wika.
Nakapagbubukas ng mata at isip ang sinabing ito ni Segundo Matias sa kanyang facebook account.  Ayon sa kanya:  Ilang taon na rin akong nagta-travel sa iba't ibang bansa kasama na ang Europe at US. Sa Europe at sa ibang parte ng Asia, kapag pumapasok ako sa kanilang book stores napapansin kong hindi lamang English version ngoriginal bestsellers ang naroon, kundi lagi nang may translated version ng kanilang local language.  Sa France halimbawa, kapag nagtungo ka sa kanilang book store may English at sa tabi nito'y may French. Ganoon din sa Italia, Germany, at maging sa Hongkong ay mayroong translated Italian, German, and Mandarin respectively. Naisip ko, dito sa Pilipinas bakit hindi? Sa France, Germany at ang iba pang mayayamang bansa ay nagbabasa naman sila ng English pero sa kanilang book stores ay laging may translated version sa sarili nilang lengguahe.
Nakatutuwang binabalikat ng kompanya ni Segundo Matias ang tungkuling magsalin sa wikang Filipino ng mga babasahing nasa wikang banyaga.  Ito sana ang pagkaabalahan ng KWF sa mga darating na panahon.   
Nakaiinis na rin ang mga kung ano-anong programang iniimbento ng mga paaralan tuwing buwan ng Agosto. Pinipilit na papagsuutin ng mga Barong Tagalog o baro't saya ang mga estudyante, pinagdadala ng mga pagkaing Pilipino, pinatutula, pinagsasabayang-pagbigkas, at iba pa. Bukod sa gastos, malaking abala rin sa mga magulang.
Wala ring halaga sa akin ang kung ano-anong temang ginagawa at ipinamumudmod ng KWF sa mga paaralan. Pilit na pilit na iniuugnay sa kasalukuyang administrasyon na kung titingnan ay wala namang malinaw na mga polisiyang pangwika.
Kung ang wikang Filipino ay batay na sa lahat ng wikain sa Pilipinas, puwede na ring patulain ang mga mag-aaral na Ilokano sa wikang Ilokano, Cebuano sa wikang Cebuano, ang batang Ilonggo sa wikang Hiligaynon. Huwag isungalngal sa kanila ang wikang Filipino na wikang Tagalog pa rin naman ang marami sa mga salita. 
Sa poster ngayon ng KWF, makikita pa rin ang larawan ni Manuel Luis M. Quezon.  Bakit laging si Quezon lamang ang dinadakila tuwing Agosto?  Bakit di rin kilalanin sina Felipe R. Jose (Mountain Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo), Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental), at Norberto Romualdez (Leyte) na nakipaglaban sa kongreso.  Sino sa mga mag-aaral ngayon ang nakakakilala sa kanila? 
Agosto ang Buwan ng Wika dahil ito rin ang buwan ng kaarawan din ni Quezon.  Lumalabas tuloy na ang Agosto ay buwan din ni Quezon na isang Tagalog.  Tigilan na ang ganitong kababaw na dahilan kung bakit Agosto ang Buwan ng Wika.  Huwag i-credit sa iisang tao lamang ang pagkakaroon natin ng pambansang wika noon na batay sa Tagalog.    
Di tuluyang magiging intelektuwalisado ang wikang Filipino kung mananatili ang ganitong mga walang kabuluhang gawain tuwing Agosto.  At di mai-intelektuwalisa ang wikang Filipino kung ang mga ahensiyang pang-gobyerno tulad ng KWF ay pinagtatrabahuhan ng ilang mga empleyadong di intelektuwalisado.
Kailangan natin ay mga limbag na babasahin sa wikang Filipino lalo na yaong mahahalagang larangan. Kailangan ang malawakang pagsasalin ng mahahalagang teksto. Kailangan ang mura ngunit de-kalidad na diksiyonaryo. Madaling sabihing intelektuwalisado na ang wikang Filipino pero nasaan ang mga patunay? 
Itigil ang pagsasabing mahalin natin ang sariling wika dahil ang di nagpapahalaga sa sariling wika ay di makabayan.  Walang maitutulong ito.  Kailangan nating kumilos, magsalin, at maglimbag ng mga babasahing nasa ating wika.  
Itigil na natin ang pagpapakita ng ating kamangmangan sa ating wika tuwing Agosto!

1 comment:

  1. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    ReplyDelete