ni Genaro R. Gojo Cruz
Sa tingin ko, di talagang
nakatutulong ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika taon-taon sa pagpapaunlad ng
wikang pambansa. Ang malala pa, mas ipinakikita ng pagdiriwang na ito tuwing Agosto
na di talaga natin pinahahalagahan ang ating wikang pambansa.
Bakit kailangan pang dumating ang
buwan ng Agosto upang ipakita ang pagpapahalaga at pagmamahal sa sariling wika?
Di ba't sa tagal na natin itong ipagdiriwang, kailangang naisanib na natin ito
sa ating buong pagkatao o sa sistema ng ating pag-iisip?
Di lamang sa buwan ng Agosto dapat
ipagdiwang ang wikang pambansa kundi sa buong panahon ng ating pag-iral bilang
tao at bilang Pilipino. Ito ang wika ng ating pinakamimithing pangarap, ang bukal
ng ating ligaya at galit, ang wika ng ating panaginip. Sa wikang ito lamang
natin maipahahayag nang tapat at buong-buo ang ating saloobin, nadarama at
iniisip na hinding-hindi kayang gawin sa wikang banyaga tulad ng Ingles.
Pero sabi nga, maikukumpara sa
isang bata ang mga Pilipino at ang buong Pilipinas. Lagi't laging dapat paluuin
at paalalahanan. Madali kasi tayong makalimot sa mga bagay na dapat nating
unahin at tangkilin bilang mga Pilipino. Maikli ang memorya nating mga
Pilipino. Dagdag pa, na ang mga pinakakolonyal mag-isip ay ang mga aral na
Pilipino. Bugbog sila ng mga kaalamang inangkat din sa ibang bansa. Naniniwala
silang nasa Ingles ang pag-unlad. Tunay na inilalayo ng sistema ng edukasyon ng
ating bansa ang mga Pilipino sa sarili nitong wika at kultura. Pero sa
katotohanan, ang mauunlad na bansa sa Asia ay di bihasa sa paggamit ng Ingles
tulad ng Japan, China, Vietnam, at iba pa.
Pinatutunayan ng pagdiriwang ng
Buwan ng Wika na talagang mangmang tayong mga Pilipino at di talaga natin
natututuhan pang yakapin at mahalin ang ating sariling wika! Sana ay nailalaan
na lamang sa mas mga makabuluhang proyekto ang pondong ginagamit dito.
Halimbawa, kung ang ilulunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay salin ng
Harry Potter, The Alchemist, o Twilight sa Filipino, aba mas nakamamangha!
Biruin mo, mababasa mo sa ating sariling wika ang pinakamabibiling nobela sa
mundo? Ganito ang ginawa ng Indonesia, mas salin sa Bahasa ang mga nobelang
ito. Dalawang magandang benepisyo ang napapala ng mga taga-Indonesia sa pagbasa
ng mga nabanggit na nobela sa kanilang wika:
Una, naiintindihan nila ang kanilang binabasa, at pangalawa, nagiging
bihasa sila sa kanilang sariling wika.
Nakapagbubukas ng mata at isip ang
sinabing ito ni Segundo Matias sa kanyang facebook account. Ayon sa kanya: Ilang taon na rin akong nagta-travel sa iba't
ibang bansa kasama na ang Europe at US. Sa Europe at sa ibang parte ng Asia,
kapag pumapasok ako sa kanilang book stores napapansin kong hindi lamang
English version ngoriginal bestsellers ang naroon, kundi lagi nang may
translated version ng kanilang local language.
Sa France halimbawa, kapag nagtungo ka sa kanilang book store may
English at sa tabi nito'y may French. Ganoon din sa Italia, Germany, at maging
sa Hongkong ay mayroong translated Italian, German, and Mandarin respectively.
Naisip ko, dito sa Pilipinas bakit hindi? Sa France, Germany at ang iba pang
mayayamang bansa ay nagbabasa naman sila ng English pero sa kanilang book stores
ay laging may translated version sa sarili nilang lengguahe.
Nakatutuwang binabalikat ng
kompanya ni Segundo Matias ang tungkuling magsalin sa wikang Filipino ng mga
babasahing nasa wikang banyaga. Ito sana
ang pagkaabalahan ng KWF sa mga darating na panahon.
Nakaiinis na rin ang mga kung ano-anong
programang iniimbento ng mga paaralan tuwing buwan ng Agosto. Pinipilit na
papagsuutin ng mga Barong Tagalog o baro't saya ang mga estudyante, pinagdadala
ng mga pagkaing Pilipino, pinatutula, pinagsasabayang-pagbigkas, at iba pa.
Bukod sa gastos, malaking abala rin sa mga magulang.
Wala ring halaga sa akin ang kung
ano-anong temang ginagawa at ipinamumudmod ng KWF sa mga paaralan. Pilit na
pilit na iniuugnay sa kasalukuyang administrasyon na kung titingnan ay wala
namang malinaw na mga polisiyang pangwika.
Kung ang wikang Filipino ay batay
na sa lahat ng wikain sa Pilipinas, puwede na ring patulain ang mga mag-aaral
na Ilokano sa wikang Ilokano, Cebuano sa wikang Cebuano, ang batang Ilonggo sa
wikang Hiligaynon. Huwag isungalngal sa kanila ang wikang Filipino na wikang
Tagalog pa rin naman ang marami sa mga salita.
Sa poster ngayon ng KWF, makikita
pa rin ang larawan ni Manuel Luis M. Quezon.
Bakit laging si Quezon lamang ang dinadakila tuwing Agosto? Bakit di rin kilalanin sina Felipe R. Jose (Mountain
Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo),
Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental), at Norberto Romualdez (Leyte) na
nakipaglaban sa kongreso. Sino sa mga
mag-aaral ngayon ang nakakakilala sa kanila?
Agosto ang Buwan ng Wika dahil ito
rin ang buwan ng kaarawan din ni Quezon.
Lumalabas tuloy na ang Agosto ay buwan din ni Quezon na isang
Tagalog. Tigilan na ang ganitong kababaw
na dahilan kung bakit Agosto ang Buwan ng Wika.
Huwag i-credit sa iisang tao lamang ang pagkakaroon natin ng pambansang
wika noon na batay sa Tagalog.
Di tuluyang magiging
intelektuwalisado ang wikang Filipino kung mananatili ang ganitong mga walang
kabuluhang gawain tuwing Agosto. At di
mai-intelektuwalisa ang wikang Filipino kung ang mga ahensiyang pang-gobyerno
tulad ng KWF ay pinagtatrabahuhan ng ilang mga empleyadong di intelektuwalisado.
Kailangan natin ay mga limbag na
babasahin sa wikang Filipino lalo na yaong mahahalagang larangan. Kailangan ang
malawakang pagsasalin ng mahahalagang teksto. Kailangan ang mura ngunit
de-kalidad na diksiyonaryo. Madaling sabihing intelektuwalisado na ang wikang
Filipino pero nasaan ang mga patunay?
Itigil ang pagsasabing mahalin
natin ang sariling wika dahil ang di nagpapahalaga sa sariling wika ay di
makabayan. Walang maitutulong ito. Kailangan nating kumilos, magsalin, at
maglimbag ng mga babasahing nasa ating wika.
Itigil na natin ang pagpapakita ng
ating kamangmangan sa ating wika tuwing Agosto!