Monday, August 8, 2011

Si Espiritu

Siya ang dahilan ng lahat--kung bakit ako nakapagturo ng wika at kulturang Filipino sa mga banyaga sa Advanced Filpino Abroad Program (AFAP), kung bakit ako nagkaroon ng munting bahay at aklatan, kung bakit ako naimbitahang magturo sa DLSU-Manila, kung bakit ako nakapag-aral at nakatapos ng aking Masteral nang walang anumang ginastos sa DLSU, at siya rin ang tanging dahilan kung bakit ako naging guro ng Filipino--si Dr. Clemencia Espiritu.

Ang pagpanaw ng kaibigan kong guro na si Ramero B. Royo ang naglapit sa akin sa kanya. Tanda ko, kinausap niya ako sa kanyang munting opisina at ikinuwento niya sa akin ang mga pangarap niya kay Sir Ram. Pangarap niyang makapagturo si Ram sa ibang bansa. Sa katunayan, may mga pamantasang na siyang nahanap at nag-iimbita kay Sir Ram para makapagturo sa darating na tag-araw.

Doon ko nakita ang katatagan niya--kapwa kami nagluluksa sa pagpanaw ni Sir Ram na lubhang malapit sa aming dalawa.

Mula noo'y isinama niya ako sa lahat ng kanyang mga proyekto--pagsulat ng modyul sa DepEd, sa mga panayam sa iba't ibang pamantasan at lalawigan, sa mga programa sa PNU tulad ng Gawad Genoveva Edroza Matute, sa samahang PSLF, at kung anu-ano pa. Dahil dito, natuklasan ko ang iba pang kayang kong gawin bukod sa pagiging guro ng Kasaysayan sa PNU-CTL. Dahil sa kanya, nadagdagan ng tatag ang aking pakpak. Dahil sa kanya, higit akong nagtiwala sa aking kakayahan. Sabi ko nga sa kanya noong iniimbitahan niya akong magtraining sa AFAP, "mukhang di ko po kayang magturo dahil di naman ako Filipino major, Soc Sci major po ako". Ang sagot niya, "Mas dapat ka ngang magturo ng Filipino dahil may kontent ka."
Ang aming bawat proyekto, nakita ko ang talas ng kanyang isip. Kaya nga't anumang proyektong ibinibigay niya sa akin, tinatapos at pinagbubuti ko. Mahirap makuha ang tiwala ni Dr. Espiritu, kung kaya't ayokong sirain ang tiwalang ibinibigay niya sa akin. Siya rin ang laging nagsasabing dapat na akong magturo sa kolehiyo ng Filipino. Sa katunayan, siya pa ang sumulat ng aking liham sa pangulo ng PNU para makapagturo ako sa Kolehiyo. Itinuro rin niya sa akin na ayusin ko ang aking portfolio, na magkaroon ng pokus sa aking mga ginagawa at gagawin pa, na huwag akong maging sabog. Natatandaan ko ngang lagi niyang sinabi sa akin, "Don't spread yourself very thinly."

Kabaligtaran si Dr. Espiritu ng ibang propesor. Gusto niyang makitang umunlad ang iba--ang kanyang mga estudyante. Gusto niyang bigyang puwang at pagkakataon ang iba. Tuwa at galak ang kanyang nadarama tuwing may natatanggap akong parangal sa labas ng pamantasan--ilang beses ko itong napatunayan.

Kaya nga tuwing babalikan ko ang mga daan pabalik sa aking buhay, kung iisipin ko ang dahilan ng mga mayroon na ako ngayon, iisang tao lang ang natatagpuan ko sa dulo ng daan--si Dr. Espiritu. Siya ang naghawan ng daan para sa akin. Siya at tanging siya lamang ang dahilan kung ano ang mayroon ako ngayon. Nawala sa akin ang PNU, pero mayroon siyang ibinigay na iba. Binuksan niya sa akin ang pintuan ng ibang tahanan, ng isang tahanang tunay na kumakalinga at kumikilala sa aking taglay na kakayahan, kahit di ako talagang nagmula rito.

Salamat Dr. Espiritu! Saan man ako makarating sa aking buhay, lagi't lagi akong magbabalik sa iyo upang magpasalamat nang walang hanggan!

No comments:

Post a Comment