Tuesday, June 30, 2009

Ampon

HANDA NA RAW ang lahat—magara at mamahaling kuna, isang latang gatas, mga lampin, at iba pa, na kailangan ng isang bagong panganak na sanggol. Higit sa lahat, naibigay na rin ang magiging pangalan ng sanggol na galing mismo sa pangalan ng aampon, GENARO.

Bago pa man ako isilang ng aking ina ay nakatakda na akong ipaampon sa isang may-kayang pamilya sa Balut, Tondo. Siguro’y sobra na nga talaga ang problemang naidulot ko sa aking ina habang ako’y nasa kanyang sinapupunan, ang hirap na pinasan niya at mga kahihiyang di ako matanggap ng aking Tatay bilang pang-siyam niyang anak. Ngayon, nauunawaan ko ang dahilan ng balak na pagpapaampon sa akin ni Nanay. Gusto niyang maipaampon ako dahil isang may-kayang pamilya ang aking kalalakihan at tiyak na isang magandang buhay rin ang nag-aabang sa akin, na di niya maipagkakaloob nang mag-isa sa akin. Isa pa, ako ang muhong nagwakas at sumira sa aming pamilya.

Pero di natuloy ang balak na pagpapaampon sa akin dahil dumating ang kapatid kong panganay sa ospital. Di pumayag ang aking Ate na ako ay mapasa-ibang kamay. Dahil dito, naunsyami ang magandang buhay na nakaabang sa akin, at ang pumalit ay ito:

Nakitira kami ng aking ina sa mga kapatid kong may-asawa. Palipat-lipat, kung saan puwede at di gaanong nakabibigat, habang ang aking Tatay naman ay nasa lumang bahay namin sa Bulacan, kasama ng ibang mga kapatid ko na wala pang asawa. Matigas pa rin ang loob ng aking Tatay. Hinding-hindi niya ako matanggap na anak, kahit pa nababanggit ng aking Ate sa kanya na ako’y nag-aaral na at lumalaking kamukhang-kamukha ng aking mga kapatid.

Naisipang umuwi ng aking ina sa Bulacan pero di sa aming lumang bahay, kundi sa isang patahian ng mga damit-pambata na kanyang pinapasukan dati. Doon nagkaroon siya ng isang munting kuwarto at inatupag niya ang pananahi. Malapit lang ang tahian sa lumang bahay namin, kaya ang iba kong kapatid na babae ay nakapupunta roon. Minsan, sinusundo nila ako upang dalhin sa aming lumang bahay.

Sa mga panahong iyon, naranasan kong idaan ng aking dalawang kapatid na babae sa bintana. Akala ko noon ay bahagi pa rin ito ng aming paglalaro. Akala ko, ito ang premyo nila sa akin. Hanggang ngayon, damang-dama ko pa rin ang lula at kaba. Agad naman nila akong iuuwi sa tahian. Dahil dito, inaabangan kong lagi ang pagdating ng hapon, ang pagsundo sa akin ng dalawa kong kapatid na babae upang dalhin sa aming lumang bahay.

Pero mga Grade 4 ako nang malaman ko ang tunay na dahilan ng pagpapadaan nila sa akin sa bintana. Di pala ito bahagi ng aming paglalaro, at lalong di isang premyo kapag nananalo. Kundi ang pagtatago nila sa akin kapag dumarating na ang aking Tatay matapos ang maghapong pagmamaneho ng pampasaherong dyip.

Naisip ko, kung natuloy kayang ipaampon ako ng aking ina sa nagngangalan ding GENARO, maging manunulat din kaya ako? Siguro hindi. Marahil, nauubos ngayon ang oras ko sa paghahanap ng aking sarili, tulad ng mga napapanood ko sa mga pelikula kapag natutuklasan nilang ampon sila. Laking pasasalamat ko ngayon dahil kilalang-kilala ko ang aking sarili, ang aking pinag-ugatan at ang aking tunay na pamilya.

Salamat sa aking Ate Perla sa kanyang matinding paninindigan na huwag akong maipaampon. Salamat sa aking mga kapatid, kina Kuya Ruben, Itim, Puti, Tuan, sa aking Ate Charito, Sally at Rowena, sa makukulay na alaala ng aking kamusmusan. Salamat sa aking walang kasinggandang ina, Dominga Ruiz. Salamat kay Tatay, Tomas Gojo Cruz, na sa bandang huli ang siyang nagpaaral sa akin sa elementarya, ang nagturo sa akin upang maging matatag at ng maraming diskarte sa buhay. Salamat nang walang hanggan!

No comments:

Post a Comment