Tuesday, June 30, 2009

Talbos

AKO ANG BUNSONG napabayaan. Di ako ang bunsong nasunod ang anumang gusto o ang bunsong nakahilata’t naghihintay lang ng hain sa mesa. Lalong di ako ang bunsong kailangang patulugin sa tanghali o nang maaga sa gabi nang di mahuli ng gising sa pagpasok sa iskwela. Di ako ang bunsong ang tanging pinagkakaabalahan ay paglalaro. Walang ibang nag-uukol ng pag-aalala sa akin. Kung ako ba ay nakakain pa sa tamang oras o hindi? Kung ako ba’y nakaliligo na nang mag-isa o kaya ay nakapaghuhugas na ng puwet nang mag-isa? Kung ako ba ay nagsisipilyo pa? Walang ibang tumitingin sa akin, kundi ang mismong sarili ko lang.
Tanda ko, ako ang bunsong kailangang laging maging matatag. Parang laging hinihingi ng pagkakataon na kailangang maging matatag ako. Bagama’t bunso ay parang isinilang akong akong-ako lang ang bahala sa aking sarili. Ako ang bahala sa aking mga gamit, sa aking pagtulog at paggising. Walang ibang may responsibilidad sa akin, maging ang aking mga kapatid na noon ay mga dalaga’t binata pa, maging ang aking Nanay na matagal nang wala sa aming bahay o ang aking Tatay, na umuuwi lang pagkatapos ng maghapong pagmamaneho ng lumang dyip.
Mahilig akong mag-aral, ngunit ayaw na ayaw ni Tatay na nakikita akong may hawak na libro o kaya ay nagsusulat. Sasabihin niya, “aral na nga sa iskwelahan, aral pa rin pati sa bahay; di na kita napakinabangan sa bahay". Mas natutuwa siya kapag nakikita niyang ang hawak ko ay walis sa halip na lapis, kapag nakikita niya akong nagdidilig ng kanyang mga halamang gamot, nagbubunot ng mga ligaw na damo, nagpupuno ng tubig sa tapayan, naglalampaso ng sahig, at iba pa. Walang kahilig-hilig magpaaral ng kanyang mga anak si Tatay. Sa kanya, kung mapakikinabangan na nang mas maaga, mas mabuti. Binawian ng buhay si Tatay dahil sa kanyang sobrang paninigarilyo at pag-inom ng kape. Grade four ako nang nawala si Tatay.
Di normal ang pamilyang pinanggalingan ko. Di normal dahil sa tanang buhay ko, hinding-hindi ko nakitang nabuo ang aming pamilya, maging sa aking mga panaginip. Hinding-hindi ko nakitang nagkasama ang aking Nanay at Tatay. Isang malaking problema ko nga noong nag-aaral ako sa elementary ang pagpapadala ng picture ng aming buong pamilya kapag may assignment ang aking titser. Lagi’t lagi naman akong naghahanap ng picture sa aming bahay, hinahalughog ko ang buong bahay sa paghahanap kahit alam kong wala akong makikita. Hinding-hindi kami nabuo kahit sa isang picture lang.

Siyam kaming magkakapatid. Apat na babae at apat na lalaki, at ako ang pang-siyam, ang bunso. May sari-sariling buhay ang aking mga kapatid, gayundin ako. Ako ang bahala sa paglalaba ng aking mga damit, sa paghagilap ng aking babaunin at kakainin sa school. Akong-ako lang ang may responsibilidad sa aking sarili.

Nakatapos ako ng elementary sa sariling pagsisikap. Noon ay kumikita na ako kahit papaano sa pangunguha ng talbos. Talbos ng kamote at kangkong, dahon ng sili, at usbong, bulaklak o bunga ng sampalok. Nangunguha rin ako ng santol, sinigwelas, kaymito, papaya, mangga, banaba, atis, langka, at iba pang maaaring mapitas na bunga at maipagbili para magkapera. Hindi sa amin ang mga punong inaakyat ko, nagkataon lang na walang nagmamay-ari at nagbabawal sa aking pumitas ng mga bunga. Pati mga tuyong dahon ng saging, pinatos ko rin upang magkapera. Ginagamit kasi ang mga tuyong dahon ng saging sa pagpapatubo ng kabute. Tanda ko, sikwentang piraso ng tuyong dahon ay binibili sa akin sa halagang piso at singkwenta sentimos. Bilang na bilang ko ang bawat tuyong dahon ng saging na aking nakukuha. Tuwang-tuwa sa akin ang mga may sagingan, dahil nalilinis ko nga naman ang kanilang masukal na taniman.
Sa mismong graduation ko ‘nung elementary, nagdesisyon akong magpatuloy sa pag-aaral sa high school, kahit di ko alam ang tunay na bigat nito. Kahit anong mangyari, hinding-hindi ako titigil sa pag-aaral. Magha-high school ako. At ‘nung sinabi ng guest speaker na “di hadlang ang kahirapan sa mga gustong makapag-aral," gusto ko siyang sagutin. Di ako naniniwala sa sinabi niya. Di totoong ‘di hadlang ang kahirapan sa mga gustong makapag-aral. Hadlang na hadlang ang kahirapan.

Kaya ibayong sipag ko ‘nung bakasyon matapos akong mag-graduate sa elementary. Sa akin nakasalalay kung makapagpapatuloy pa ako ng pag-aaral. Kaya malaking problema ko noon kung walang talbos na makukuha o kung di mamunga ng marami ang mga puno sa aming lugar. Dahil kung walang talbos o mapitas na bunga, wala rin akong kita, walang perang maidadagdag sa iniipong pambili ng mga notebook, uniporme, at pang-matrikula.

Tamang-tama ang isang alok sa akin ng isang kilalang photographer sa aming lugar, si Ka Amado. Naghahanap kasi siya ng taga-deliver ng mga picture na kuha ‘nung nakaraang graduation sa aming iskwelahan at sa iba pang mga kalapit na iskwelahan sa aming lugar. Bukod sa libre na ang aking mga picture noong graduation ko, may limang piso pa ako sa bawat picture na maide-deliver ko. Libre pa ang tanghalian at meryenda. Kaya ayos na ayos!

Nagalugad ko ang aming buong Barangay, maging ang mga kalapit na Barangay sa paghahanap ng mga mukhang nasa picture. Isang malaking problema sa akin kung mahirap makilala ang nasa picture at di nakikilala kahit ng mga taong aking napagtatanungan (may mga tao kasing nag-iiba ang mukha sa picture). Kaya naging mapagmasid ako sa lahat ng tao na aking nakakasakay sa jeep, sa bawat nakakasalubong ko sa palengke, sa mga istambay sa kanto, sa mga nagpupunta sa poblasyon at munisipyo, sa mga nasa taong nasa barbero o parlor, at sa iba pang matataong lugar, dahil baka mukha nila ang nasa picture na hawak-hawak ko.
Naranasan kong makipagpatintero sa mababangis na aso, ang manggising ng mga taong malalayo’t liblib ang bahay, ang magmura nang malutong ngunit palihim dahil sa layo ba naman ng bahay ay di man lang maawang tubusin ang kanilang mga mukha, ang maligaw at makapagtanong sa mga lasing at nagti-trip. Ang magpunit ng picture sa harap ng mga taong tumatangging sila ang nasa picture, ang minsang umuwing wala man lang natubos kahit na isang picture.

Natuwa sa akin si Ka Amado dahil marami akong naide-deliver na picture. Kaya’t tuwing may mga picture na dapat i-deliver, ako ang tinatawag niya. Isinama na rin niya ako sa mga graduation ng mga iskwelahang kanyang kinukunan. Ako ang taga-buhat ng kamera, taga-lagay ng film, taga-lagay ng pulang ribbon sa mga dapat kunan, taga-resibo sa mga may downpayment, at iba pa. Sinasabi ko rin sa kanya kung sino ang may dapat pang tubusing picture. Ang iba kasi, nagpapakuha pa gayong tambak na ang picture na dapat tubusin. Pangatlong anak na nga yata ang nagtapos, e di pa natutubos ang picture ng mga naunang anak. At nakukuha pang ngumiti. Ang kakapal talaga ng mukha!

Sa bawat pagsama ko kay Ka Amado, may dagdag akong kita. Nakaipon ako nang higit sa aking maiipon kung mananalbos ako. Nakabili ako ng bag, ng aking mga gamit sa school, ng aking dalawang polo at isang pantalon. Nabayaran ko rin ang apat na buwan ng aking matrikula. Tuwang-tuwang ako noon. Problema ko na lang ang anim na buwan pa. Pero may Chrismas Party, JS Prom, at iba pang mga activity sa school na maaaring kunan si Ka Amado, at maide-deliver ko pa.

Kaya sa apat na taong pag-aaral ko sa high school, akong-ako pa rin ang bahala sa aking sarili. Walang ibang may pakialam sa akin, kundi akong-ako pa rin. Naisip ko, baka talagang alam ng aking walong kapatid, ng aking nanay noon, na kayang-kaya ko naman, kaya di nila ako pinakikialamanan. Siguro nga.

Sa mga panahong walang picture na maide-deliver, pananalbos ang aking isinisingit upang pagkakitaan. Pambaon sa araw-araw, pamasahe, at pambili ng ilang mga kailangan. Masuwerte kung tag-ulan dahil mabilis tumubo ang usbong ng sampalok, at iba pang pwedeng talbusan. Kahit mahirap akyatin ang puno ng sampalok dahil naglulumot ito kung tag-ulan, nangunguha pa rin ako ng usbong. Nagpapakadulo sa makukunat na sanga kahit pa may mga higad o malalaking hantik na nabubulabog. Minsan nga, isang malaking ahas na nakapulupot sa isang sanga ang aking nakita. Nagmadali akong bumaba noon at naghanap ng ibang punong matatalbusan.
Napakatagal bago makaisang kilo ng usbong. Paano’y napakagaan lang naman ng usbong at may pagkamaselan pa. Kung di tama ang pagkakapitas, mangingitim ang usbong at di na bibilin ng mamamakyaw sa palengke. Kaya natutunan kong pitasin nang pakurot at ‘di pahagod ang usbong ng sampalok. Pagkapitas, ibubuyangyang ko ang usbong sa isang bilao o kaya’y basket, dahil kung plastik, malalanta ito at mangingitim.

Ayokong maitiman uli ng usbong, paano ay nadala na ako noong halos apat na kilong usbong na nakuha ko sa maghapon ay nangitim na parang nasunog lahat. Walang mamamakyaw ang bumili. Nauwi sa bula ang buong maghapong pagpapagod ko. Simula noon, pinag-aralan ko ang sining ng pagpitas ng usbong. Nagtanong din ako sa mga bihasa sa pagpitas nito sa aming lugar. Tanda ko’y mga twenty five pesos ang isang kilong usbong noon. Mas mahal kumpara sa ibang talbos na aking nakukuha tulad ng talbos ng kamote, kangkong, sili, o malunggay.

Matapos ang usbong, ilang buwan pa’y bulaklak naman ng sampalok ang aking pipitasin. Kasunod nito, bunga naman. Sa mga panahong iyon, kaya kong makapitas nang higit sa tatlong tiklis ng bunga ng sampalok sa isang araw. Tumitigil lang akong kung wala ng bungang mapipitas o kung masyadong nasa dulo ang bunga. Walang puno ng sampalok ang nakaliligtas sa akin sa aming lugar, lahat inaakyat ko para talbusan.

Sanay na sanay akong umakyat ng puno. Alam na alam ko kung anong puno ang maaaring puntahan ang dulo at alin naman ang hindi. Kung alin ang punong makunat o malutong ang mga sanga. Kahit pa ako’y magpakataas-taas, hinding-hindi ako nalulula. Pero kahit sanay na sanay akong umakyat ng puno, naranasan ko na ring mahulog, di sa puno ng sampalok kundi sa puno ng kaymito. Paano’y pinilit kong abutin ang isang hinog na hinog na bunga. Pero pagkatapos kong mahulog, pagkatanggal ng matinding sakit, lalo akong naging matapang sa pag-akyat ng puno.
Wala akong pinagkuwentuhan maski ang aking mga kapatid, kahit halos mapatid ang aking hininga noon sa pagkakabagsak at ang hapdi ng hiwa sa aking palad dahil sa pagkakasabit sa alambreng bakod. Tanda ko, mga first year high school na noon.

Habang nag-aaral sa high school, natuklasan ko ang iba pang pwedeng pagkakitaan bukod sa pananalbos at pagpitas ng mga bunga. Ito ay ang pagtitinda ng tsitsaron, yema, pulburon, at iba pa. Habang nagtuturo nga ang aking titser, wala siyang kamalay-malay na lumilibot nang palihim sa ilalim ng mesa ng aking mga kaklase ang aking paninda. May mga guro ring bumibili sa akin ng yema at pulburon, lalo na kung katatapos lang nilang kumain ng tanghalian.

Kaya noon, di ko gaanong problema ang pambayad ng aking matrikula buwan-buwan. Kayang-kaya ko namang bayaran, ‘yun nga lang medyo natatagalan ako bago makahagilap o makaipon ng pambayad. Minsan, pamasaheng-pamasahe lang kasi ang pera ko.

Nakatapos ako ng high school na akong-ako lang. Wala sa aking mga kapatid ang nagpaaral sa akin. Walang sinuman sa kanila ang naging obligasyon na papagtapusin ako kahit sa high school man lang. Siguro, ang alam nila, talagang kayang-kaya kong mag-isa.

Kaya noong bakasyon, pagkatapos ko ng high school, ibayong pananalbos at pagde-deliver ng mga picture ang inatupag ko. Halos di na ako umuuwi ng bahay. Pinatulog na ako ni Ka Amado sa kanilang bahay, upang umaga pa lang at di pa sumisikat ang araw ay nagsisimula na akong magbahay-bahay at maghagilap ng mga mukhang nakangiti at nakaligtaang mayroong silang dapat tubusin. Pinahiram na rin ako ni Ka Amado ng bisikleta, ng isang bag na lalagyan ng picture (dati kasi’y plastik bag lang ang gamit ko), pinabaunan ng tubig at tinapay, pamasahe at pocket money kung sakaling wala pang tumutubos ng picture. Linggo ang pinakagusto kong araw ng paghahatid ng picture, dahil nasa kani-kanilang bahay ang mga may kakayahang magbayad.
Halos maubus-ubos ang mga picture na dala ko. Kumikita ako noon ng dalawang daan at singkwenta pesos sa isang araw. Tuwang-tuwa ako dahil malaking halaga na ito noon. Huwag sanang maubos ang mga picture na kailangan kong i-deliver, dahil kung mauubos, mababawasan ang kita ko. Maimbento pa sana ang iba pang okasyon na kailangan ang photographer at picture!
Isinama na rin ako ni Ka Amado sa mga kasalan, birthday, binyagan, lamay o libing at kung anu-ano pang okasyon na kailangan ng litratista. Naging taga-tutok na rin ako ng ilaw para sa video, taga-dala ng mga picture o diploma na dapat i-laminate, at iba pa.

Kung walang okasyon o mga picture na maide-deliver, isinisingit ko pa rin ang pananalbos at pangunguha ng mga bunga na maaaring ibenta.

Akala ko, nakaipon na ako nang malaki noon. Akala ko, sapat na ang aking naipon para makapag-aral sa kolehiyo. Sa pagluwas-luwas ko noong papuntang Maynila, sa paghahanap ng mga pwedeng pasukang iskwelahan at pagkuha ng mga entrance exam, halos maubus-ubos na ang ipon ko. Wala palang bisa ang ibayong pagsisipag ko noong bakasyon upang makapag-aral ako sa kolehiyo. Mahirap talagang maging mahirap sa may pangarap na makapag-aral.
Kaya’t naisipan kong maghanap ng trabaho bilang isang service crew sa fast food chain. Ito kasi ang uso noon. Isinabay ko sa paghahanap ng iskwelahang mapapasukan ang pagbibigay ng aking bio-data sa bawat fast-food na aking madaanan noon. Laging akong may baong bio-data sa aking bag. Buti na lang at hindi ko na problema ang ID picture. Marami naman ang tumawag sa akin sa teleponong ibinigay ko, na telepono ng kaibigan ng aking kaeskwela noong high school.
Sa hinaba-haba ng aking ipinila at paghihintay, iisa lang ang sagot sa akin kapag kaharap na ako ng nag-iinterview. Masyado raw akong maliit para maging service crew. Ang iba nama’y may nakahanda nang sukatan ng taas bago pa man interbyuhin. ‘Ni ‘di man lang ako tinanong. Tinatawag na agad ang kasunod ko. Nakabibinging “Next please!" ang malimit kong marinig.
Kung maaari nga lang sanang sabihing sanay naman akong umakyat ng puno, kahit pa gaano kataas, kahit gaano kalanggam o kahigad, kahit pa naglulumot ang puno, kayang-kaya ko. Kaya ko ring hagilapin ang bahay ng mga taong nagtatago, kahit saang liblib o lupalop ng mundo. Pero walang punong kailangang akyatin sa loob ng fast food. Walang punong maaaring talbusan sa Maynila. Walang taong kailangang hanapin at papagtubusin ng kanilang mga obligasyon. Sa dinami-dami ng tumawag at nag-interbyu sa akin, walang tumanggap sa akin kahit isa.
Kaya’t iisang libo ang natira sa aking ipon. Sa ilang beses na pagluwas ko at pagpapainterbyu sa mga taong akala mo’y mga Diyos kung magtanong. Itinabi ko nang buong ingat ang natitirang isang libo na pinaghirapan ko noong nakaraang bakasyon, kahit alam kong wala na itong mararating.

Pero nakapasok pa rin ako sa kolehiyo, gamit ang downpayment na isang libo na natira sa aking ipon. Nakituloy ako sa boarding house ng aking pamangking kumukuha ng Nursing, na anak na panganay ng aking Ate.

Kumuha naman ako ng isang kursong di ko alam kung ano. Banking & Finance yata ‘yon. Pero isa lang ang sigurado at alam na alam ko noon, dinoble ko ang sipag at tiyaga sa pag-aaral. Sabi ko, siguro ‘pag nakita ng iskwelahan na matiyaga ang istudyante, baka kuning iskolar. Naging highest pa nga ako sa mga pagsusulit noon sa klase. Pero wala palang mata ang iskwelahan para makakita. Naubos na ang mga araw na palugit, hinihingi na ang permit bago makakuha ng final exam. Di na pwede ang sulat ng paumanhin o pakikiusap. Pitong-libo ang halaga ng permit. Ito ang simula ng mga tunay kong problema. Tunay na problema, dahil di na biro ang laki ng perang kailangan ko. Hinding-hindi na ito kayang sustentuhan ng pananalbos o pagde-deliver ng picture.
Nagpunta ako Guidance Counselor. Pero ang sabi, ba’t noon lang daw ako lumapit sa kanya at magda-drop, masyadong huli na raw at di na maibabalik ang isang libong downpayment ko. Akala ko’y matutulungan niya akong makakuha ng final exam, di pala.

Kaya isang araw, walang katinag-tinag at walang anumang pag-iisip at pagsisisi, “Bye! Bye!

Napakamahal na iskwelahan!"

Paalam na rin sa ‘sang-libong downpayment ko!

Walang sinuman sa aking pamilya ang nakakaalam ng pangyayaring ito, maging ang pamangkin kong tinutuluyan, kundi akong-ako lang. Akala nila, ayos na ayos lang ako, na ako pa rin ang batang ang problema ay kung saan maaaring makapanalbos upang may mabaon, na walang anumang mabigat na problema akong pinapasan.

Kaya sa unang pagkakataon, naranasan kong tumigil sa pag-aaral. Pero buti na lang at sa aking paghinto, may tumanggap na sa akin bilang service crew sa isang bagong-bagong tayo na fast food, na halos nasa tapat ng La Salle sa Vito Cruz.

Di pala biro ang tanggapin bilang Service Crew. Kailangan pa ng NBI at Police Clearance, Mayor’s Permit, Health Certificate, at pambayad sa dalawang set ng uniporme, bukod pa ang ilang ulit na interview at pagbabalik-balik. Malaki-laki rin ang kailangang pera upang magkaroon ng lahat ng ito, at tanggapin bilang isang legal na Service Crew. Umutang muna ako sa pamangkin kong may regular na allowance kada linggo.

Sa unang araw ko bilang service crew, nasabak ako sa counter. Mabilis daw kasi akong kumilos (na ipinakita ko sa training pa lang) kaya dapat daw akong nasa istasyong ito. Siyempre, mga Lasalista ang halos lahat ng kumakain.

Sa mga oras na kakaunti ang kumakain, nagde-deliver din ako ng mga pagkaing order mula sa mga kalapit na opisina. Siyempre, madali kong nahahanap ang mga building, street, o bahay ng mga umorder. Eksperto yata ako sa paghahanap ng mga bahay. Kapag opisina sa La Salle ang umoorder, nakikipag-unahan ako sa ibang mga Service Crew sa pagkuha ng pagkaing dapat i-deliver. Akala nila ay sobrang sipag ko lang talaga. Pero ang di nila alam, gustung-gusto ko lang makapasok at makita ang nakabibighaning mga gusali at halaman sa loob ng La Salle. Kay puputi ng naglalakihang gusali at berdeng-berde ang mga halamang parang plastik na di nawawalan ng bulaklak. Parang nag-iiba ang mundo ko kapag nakakapasok ako ng La Salle, kahit sandaling-sandali lang. Sana, nakapag-aaral din ako.

Pero bago ako makapasok at maihatid ang pagkaing oder sa La Salle, katakot-takot na pagsisiyasat ang gagawin sa akin ng mga guardya, na para bang bomba ang aking dala at sa akin nakasalalay ang buhay ng lahat ng tao sa loob ng La Salle. Bukod pa sa mukhang nadidismaya at naiinis sa akin ang mga guardya, dahil nakadaragdag nga naman ako sa magaan naman ngunit pilit nilang pinabibigat na trabaho. Sa tuwing magde-deliver ako, di pa man ako nakakalapit, ay nagsasalubong na ang kilay ng mga guardyang pagtatanungan ko. Pero sanay akong makiharap sa lahat, maging sa mga ayaw akong harapin o sa mga naaasar sa akin. Hinding-hindi kailanman naging pamilyar ang aking mukha sa mga guardya. Di kailanman sila naging maluwag sa akin, kahit pa halos araw-araw ay nagde-deliver ako ng pagkain sa loob ng La Salle.Nakaipon ako sa aking pagiging Service Crew. Kung kaya nakabalik ako sa iskwelahang pinasukan ko, ngunit di na upang mag-aral kundi para bayaran ang utang kong pitong-libo (kahit abot-langit ang aking panghihinayang!), upang makuha ko ang aking credentials. Pagkatapos kong magbayad, ibinigay sa akin ang isang kapirasong papel, INCOMPLETE ang lahat ang grades ko. Wala raw kasi akong final exam kaya INCOMPLETE. Di na mahalaga sa akin ang grades na nakuha ko. Ang importante sa akin, nabawi ko ang card ko ‘nung high school.

Ayos lang kahit papaano dahil hinding-hindi na naman ako babalik sa iskwelahang iyon. Ito na ang huling pagpapaloko ko. Pagkalabas ko sa mukhang perang iskwelahang iyon, pinunit ko ang kapirasong papel na grades ko raw.

Hinayang na hinayang ako sa pitong libo na aking ibinayad na halos limang buwan kong pinaghirapan, at maging sa tiyagang ibinuhos ko noon sa pag-aaral. Pero naibabalik naman ang tiyaga, pero ang pitong-libo, di na. Pitong libo pala ang halaga ng mga INCOMPLETE?Pauwi galing sa pagbabayad, napadaan ako sa isang luma at parang kumbentong iskwelahan. Walang kaabog-abog akong pumasok at nagtanong kung kailan ang entrance exam. Nagkataon namang buwan iyon ng pagkuha ng exam. Tandang-tanda, ko seventy pesos ang aking ibinayad para sa entrance exam.

Nakapasa ako. Pagkapasok ko bilang freshman uli, saka ko lang nalaman na kilalang-kilala pala ang iskwelahang pinasukan ko sa kursong education. Walang ibang kursong iniaalok dito kundi Education. Wala akong kamalay-malay, pagiging isang titser pala ang pinasok ko.
Murang-mura ang aking matrikula kumpara sa pinanggalingan kong iskwelahan. Pero kahit murang-mura, problema ko pa ring malaki ang pera. Isa pa, mahirap pa lang makituloy, kahit kadugo ko at anak ng aking Ate ang aking tinutuluyan. Walang di nagsasawa sa pagtulong, lalo na kung madalas.

Nagpatuloy ako sa pagiging Service Crew sa araw, at estudyante naman sa gabi. Sa mga linggong wala akong sweldo, ay talagang isang malaking problema sa akin. Dahil siguro sa matinding inis na ng aking pamangkin, kung kaya pinagtataguan na niya ako ng pagkain, ng sabong panlaba at pampaligo, colgate, shampoo, at ng iba pa. Nakikihati pa nga naman ako sa kanyang tinitipid na allowance kada linggo.

Lalo pang nadagdagan ang problema ko ‘nung matapos ang anim na buwang kontrata ko bilang Service Crew. Dagdag pa ang di magandang pakikitungo sa akin ng aking pamangkin. Alam kong nabibigatan na rin siya sa akin. Nararamdaman kong sawa na siyang tumulong, kaya’t napilitan na akong humiwalay.

Sa mga unang linggo, nag-uwian ako mulang Bulacan patungong Maynila. Tiniis ko ang layo at ang pagod ng biyahe, pero ayos lang naman dahil sanay naman ako rito. Ang di ako sanay, ay ang manghingi sa aking kapatid ng pamasahe kung talagang walang-wala na ako.

Kung talagang pwede namang ‘di pumasok sa araw na iyon, ‘di muna ako pumapasok, nang kahit papaano ay makatipid ako sa pamasahe. Pero hinding-hindi ako tumigil sa pag-aaral. A tleast ‘ka ko, di ko na problema ang matrikula, ang problema ko na lang ay pamasahe at pambili ng pagkain sa araw-araw, na kahit papaano ay madaling mahagilap.

Kung minsan nga, pagsakay ko ng dyip o bus, ini-imagine kong sana ay naging pera na lang ang mga balat ng kendi o ang mga tiket na nakasingit sa mga upuan nang may maipamasahe ako. Madalas ding nagwa-wan-tu-tri na lang ako sa dyip. Pinupulsuhan kong maigi ang drayber kung kailan dapat bumaba nang di napapansin.

Pero di nagtagal, natanggap uli ako bilang service crewi. Madali na akong nakapasok dahil may experience na raw ako. Dahil dito, nakapag-boarding house na ako. Pero panibagong problema ang mga linggong dapat nang magbayad ng upa.

Sa mga araw o gabing tila isa akong wanted at nagtatago sa may-ari ng boarding house dahil wala pang sweldong pambayad ng upa, sa Luneta ako natutulog. Nakakadismaya lalo na kung tyempong umaambon o kaya’y umuulan, dahil hindi pwedeng magpalipas ng gabi sa Luneta.
Kamuntik-muntikan na rin akong makulong sa kulungang puno ng mga snatcher, mandurukot, durugista, at solvent boys, dahil nahuli akong umiihi sa isang pader sa may Luneta. Buti na lang at may natawagan akong isang kaibigan na siyang nagbayad ng tatlong daang piso na piyansa para ‘di ako makulong. Kundi dahil sa kaibigan kong binulabog ko nang madaling araw na iyon, matutulog akong kasama ng mga lalaking nanlilisik ang mga mata at tila handang mamamatay, kasama ng mga kinumpiskang taho, maantot na balot at penoy, kumunat na tsitsaron, kendi, sigarilyo, at iba pang kinumpiskang mga paninda sa Luneta.

Problema ko rin maging ang mainit na tubig para sa kape sa umaga. Sa kantin ng aming iskwelahan, naging kaibigan ko si Ate Helen. Siya ang nagbibigay sa akin ng sabaw at nagpapailalim ng maliit na hiwa ng baboy o kaya ay longganisa, tocino, o kaya ay pritong tinapa sa sandamukal na kanin na binili ko.

Bukod sa pagiging working student, naisingit ko pa rin ang pagiging staff writer ng student publication ng aming eskwelahan, na ang opisina ay naging bahay ko na rin paglaon. Sa mga gabing wala talaga akong matulugan, sa opisina ng publikasyon ako lihim na natutulog. Tinatakpan ko ng mga diyaryo ang lahat ng bintana, upang di maaninag ng mga guardyang nagroronda sa gabi ang liwanag na nagmumula sa iskrin ng kompyuter. Ito ang gabi ng aking paggawa ng mga reaction at term paper, at ng maraming-maraming tula. Umiihi ako sa bote ng softdrink. Naglalakad nang dahan-dahan at walang anumang nililikhang ingay o kaluskos.
Sa umaga, sa may CR ng library ako lihim na naliligo. Pero isang malas na umaga, habang nangangaligkig ako sa lamig ng tubig, naabutan ako ng isang guardya na naliligo. Habang basang-basa pa ang aking katawan, agad niya akong pinagbihis at dinala sa guidance. Parang basang sisiw akong naglalakad noon sa campus. Buti na lang at kokonti pa ang mga istudyante. Buti na lang at kilala ako ng Guidance Councilor. Hayaan na raw ako dahil working student ako.
Kung minsan, napapasama na rin ako sa mga picket line ng mga kaklase kong aktibista, upang makaidlip kahit papaano sa mga tulugang matitigas, binubungan ng mga sako at diningdingan ng mga pulang placard. Minsan sa tapat ng Korte Suprema, sa Mendiola, sa Kowloon House na sapilitang isinara ng mga manggagawang di pinapasweldo, at kung saan-saan pa. Nakikihapunan ako ng kaning pinaibabawan ng noodles.

Sa mga panahong ito na malaking problema ko ang matutulugan at pagkain, hinding-hindi ko kinaawaan ang aking sarili.

Pero ngayon naisip ko, kung sinubukan ko kayang lumapit noon sa aking mga kapatid at sinabi ko sa kanilang kailangang-kailangan ko ang tulong nila, seryosohin kaya nila ako? Na talagang nahihirapan na ako. Pero sino ba ang gustong makapag-aral? Di ba’t ako lang naman din? Katawang-katawan ko na lang naman ang dala-dala ako, nahihirapan pa ako? Tiyak na ito ang kanilang sasabihin sa akin.

Isang tag-araw, nagulat na lamang ang aking mga kapatid sa aking ibinalitang graduate na ako. Walang-wala silang kamalay-malay sa aking mga pinagdaanan bago nakatapos, na ang kursong pwede kong makuha sa apat-na-taon ay kinuha ko nang anim-na-taon.

Tulad ng dati, akong-ako pa rin ang nag-iisang kumuha ng aking diploma. Ang bumili ng sariling sampaguita para sa akin. Ang nagpa-picture ng mag-isa sa entablado. Ang kumain nang mag-isa sa lugawan pagkatapos ng graduation—nang mapasalamatan ko naman ang sarili ko.
Walang anumang inihandang selebrasyon o kaya ay salusalo ng pasasalamat ang aking mga kapatid para sa kanilang kaisa-isa at bunsong kapatid na nakatapos ng pag-aaral. Di ko ito inaasahang gagawin nila para sa akin.

Nabalita sa aming buong Baranggay ang ukol sa aking pagtatapos. Kaya noong nakaraang Marso, naimbitahan akong maging panauhing pandangal sa iskwelahang pinagtapusan ko noong elementary, kahit di ako honor student o anumang maipagmamalaking katalinuhan. Isa sa mga kapatid kong lalaki ang sumama at nakinig sa aking pagsasalita sa harap ng maraming tao. Alam kong alam na niya ang lahat, ang lahat-lahat ng dinanas ko bago makapagtapos ng pag-aaral, ang naging buhay at pakikipagsapalaran ko sa Maynila. Nararamdaman din siguro niya ang ligaya na kasama ng mga luhang nagmula sa mata ng mga magulang ng mga batang nagsipagtapos.
Inatupag ko ang paghahanap ng iskwelahang pwede kong pasukan at pagturuan. Kailangan ko nang magkatrabaho at kumita. May nag-alok sa aking magturo sa isang bagong tayong iskwelahan sa may Siniloan, Laguna. Agad kong tinanggap ang alok kahit di ko alam kung saan. Pasong-paso na ako sa Maynila, sa masikip at malupit na Maynila.

Pinakadulo na pala ng Laguna ang Siniloan. Napakasimple ng buhay. Mataas ang tingin sa mga guro. Dahil di pa kayang kumuha ng maraming titser ang iskwelahang pinasukan ko, nagturo ako ng Filipino, Araling Panlipunan, Computer, at pati Physical Education. Anak ng mayayamang taga-Laguna ang aking mga tinuruan. Dalawang taon akong nagturo sa iskwelahang iyon at dalawang taon din akong nalayo sa Maynila at sa aking mga kapatid. Sa Siniloan ako lubos na nakapagsulat.

Walang sinuman sa aking mga kapatid ang nangahas na magtanong kung saan ako nagtuturo. Kung ano ang aking itinuturo. Basta ang alam lang nila, di na ako sa Maynila naglalagi.
Pero nakabibingi rin pala ang sobrang katahimikan. Nakatatakot ang sobrang kapayapaan at laging pag-iisa. Bumalik ako sa Maynila sa pag-asang sa pagkakataong iyo ay maging biyaya na ang mga pasakit at mga problemang naranasan ko noon.

Tila dininig yata ang aking kahilingan. Nagwagi ng unang gantimpala sa Timpalak Palanca ang isang kuwentong-pambata na isinulat ko sa Siniloan. Inalok ako ng Pangulo ng pamantasang pinagtapusan ko na magturo roon. Naging sunud-sunod ang imbitasyon sa akin, sa istasyon ng radyo, sa ibang mga Pamantasan sa Maynila at probinsya, upang magbahagi ng mga teknik at kaalaman sa pagsulat sa mga gustong maging manunulat. Inalok din ako ng isang publishing house na ilathala ang kuwento kong nanalo.

Bukod sa Timpalak Palanca, nagwari rin ng mga pangunahing gantimpala ang iba ko pang mga akda na naisulat ko sa Siniloan. Nalibot ko ang Pilipinas dahil sa mga imbitasyon ukol sa pagsusulat.Nagkasunud-sunod ang mga biyaya habang naglalakihan at tumatalim ang mga tila pangil ng matatandang guro sa pamantasang aking pinagtuturuan. Ang masakit pa ang ilan sa kanila ay dati kong mga guro, na sa halip na ituring akong kanilang produkto, ay naging malaking banta ako sa kanila. Tamad naman daw akong istudyante, pala-absent daw ako. Ano raw ba ang kakayahan kong magturo sa kolehiyo? Di naman daw ako aral na manunulat. Hinuhulaan ko lang naman daw ang pagsusulat. Ano raw ang karapatan kong maimbitahan upang magsalita o mag-lecture ukol sa pagsusulat? Wala raw akong kakayahang magturo ng Filipino dahil di naman ako Filipino major? Pinalampas ko lang ang lahat ng ito. Inatupag ko ang pagtuturo at pagsusulat.
Natanggap din ako bilang isa sa mga gurong magsasanay upang makapagturo ng wika at kulturang Filipino sa mga istudyanteng Fil-Am na galing sa iba’t ibang bahagi ng Amerika. Sa sampung guro na nagsanay, ako ang napiling magturo. Anim na linggo akong nagturo at dolyar pa ang aking sinuweldo. Tinanggap ko ang oportunidad na ito, una dahil sa kakaibang karanasan na matatamo ko sa pagtuturo at sa malaking kita, pangalawa, sa La Salle magaganap ang klase.
Dahil sa kinita kong dolyar, may paunang pera akong nagamit upang bilhin ang bahay ng aking kapatid na lumipat na ng ibang bahay. Unti-unti kong ipinaayos ang bahay: pinakisamehan, pinalagyan ng magandang tiles, ipinakumpuni ang mga sirang tubo, ipinabago ang lababo, pinalagyan ng magagarang ilaw, at pinapinturahan.Unti-unti ay nalamanan ko ang bahay ng mga kasangkapan: TV, ref, component, sala set, dining table, water dispenser na may mainit at malamig, aircon sa kwarto, at higit sa lahat, isang malambot at mamahaling kama. Isang magandang banyo at paliguan din ang aking ipinagawa, de-flush at may shower pa, may maliit ding lababo, lalagyan ng sabon at tissue, sabitan ng tuwalya, at isang magandang salamin. Ang isang pader ng bahay ay pinalagyan ko rin ng mga lalagyan ng libro. Bawat panalo ko sa patimpalak sa pagsulat, isang kasangkapan sa bahay ang aking binibili.

Ngayon, di ko na kailangan pang makituloy kung kani-kanino o matulog kung saan-saan. Di ko na kailangan pang magtago dahil sa walang maipambayad sa kakapiranggot na tulugan na sobrang ingay, sikip at init. Ngayon, kahit magpagulong-gulong ako sa aking malambot na kama at magbabad nang matagal sa malamig kong kwarto, walang-wala na akong mapeperwisyo. Walang-wala na akong dapat pang pagtaguan. Walang-wala na akong maaabala.
Sa kasalukuyan, naging takbuhan ako ng mga kapatid kong nagigipit. Marami na rin silang itinatanong sa akin. Kung saan ako nagtuturo? Kung ano ang aking mga itinuturo? Kung anong bagong parangal sa pagsulat ang aking nakuha? At kung anu-ano pa. Sabik na sabik naman akong nagbabalita at sumasagot sa mga tanong nila. Sabik na sabik akong magkuwento sa kanilang tila napalayo sa akin sa matagal na panahon.

Matapos ang anim na linggong pagtuturo ko sa mga Fil-Am, inalok na rin ako ng Chair ng Departamento ng Filipino ng La Salle na magturo roon. Binigyan din ako ng scholarship upang makapagpatuloy pa ng aking pag-aral sa Masteral.

Naisip ko, hinding-hindi sumagi sa isip ko noon na makababalik ako ng La Salle, na di na bilang taga-deliver ng pagkain, kundi bilang isang guro.

Sa unang araw ng aking pagtuturo sa La Salle, maagang-maaga akong pumasok at naglibot. Berdeng-berde pa rin ang paligid ng La Salle. Nadagdagan pa ang magaganda at sariwang halaman na para pa ring mga plastik, na pinalibutan ng maliliit at mapuputing bato. May mga bago na ring gusaling nadagdag. Parang kay tagal na noong huli akong pumasok sa La Salle bilang taga-deliver ng pagkain.

Pakiramdam ko, parang bumalik uli ako sa panahon ng aking pananalbos. Pinipili ko ang pinakasariwang mga talbos. Pinipitas ang buo at walang mga sirang dahon. Simple ang mga nabubuong pangarap, habang nasa ituktok ng mahigad at malanggam na puno ng sampalok. Ako pa rin ang batang kailangang patuloy na maging matatag. Ang bunsong walang sinumang ang may responsibilidad.

Dinidinig din pala maging ang mga di maiusal na pangarap, ang nasabi ko sa aking sarili matapos ang unang araw ng aking pagtuturo, habang bumabati at ngiting-ngiti na pala ang dalawang guardyang nakatayo sa gate na di ko gaanong napansin.

Ampon

HANDA NA RAW ang lahat—magara at mamahaling kuna, isang latang gatas, mga lampin, at iba pa, na kailangan ng isang bagong panganak na sanggol. Higit sa lahat, naibigay na rin ang magiging pangalan ng sanggol na galing mismo sa pangalan ng aampon, GENARO.

Bago pa man ako isilang ng aking ina ay nakatakda na akong ipaampon sa isang may-kayang pamilya sa Balut, Tondo. Siguro’y sobra na nga talaga ang problemang naidulot ko sa aking ina habang ako’y nasa kanyang sinapupunan, ang hirap na pinasan niya at mga kahihiyang di ako matanggap ng aking Tatay bilang pang-siyam niyang anak. Ngayon, nauunawaan ko ang dahilan ng balak na pagpapaampon sa akin ni Nanay. Gusto niyang maipaampon ako dahil isang may-kayang pamilya ang aking kalalakihan at tiyak na isang magandang buhay rin ang nag-aabang sa akin, na di niya maipagkakaloob nang mag-isa sa akin. Isa pa, ako ang muhong nagwakas at sumira sa aming pamilya.

Pero di natuloy ang balak na pagpapaampon sa akin dahil dumating ang kapatid kong panganay sa ospital. Di pumayag ang aking Ate na ako ay mapasa-ibang kamay. Dahil dito, naunsyami ang magandang buhay na nakaabang sa akin, at ang pumalit ay ito:

Nakitira kami ng aking ina sa mga kapatid kong may-asawa. Palipat-lipat, kung saan puwede at di gaanong nakabibigat, habang ang aking Tatay naman ay nasa lumang bahay namin sa Bulacan, kasama ng ibang mga kapatid ko na wala pang asawa. Matigas pa rin ang loob ng aking Tatay. Hinding-hindi niya ako matanggap na anak, kahit pa nababanggit ng aking Ate sa kanya na ako’y nag-aaral na at lumalaking kamukhang-kamukha ng aking mga kapatid.

Naisipang umuwi ng aking ina sa Bulacan pero di sa aming lumang bahay, kundi sa isang patahian ng mga damit-pambata na kanyang pinapasukan dati. Doon nagkaroon siya ng isang munting kuwarto at inatupag niya ang pananahi. Malapit lang ang tahian sa lumang bahay namin, kaya ang iba kong kapatid na babae ay nakapupunta roon. Minsan, sinusundo nila ako upang dalhin sa aming lumang bahay.

Sa mga panahong iyon, naranasan kong idaan ng aking dalawang kapatid na babae sa bintana. Akala ko noon ay bahagi pa rin ito ng aming paglalaro. Akala ko, ito ang premyo nila sa akin. Hanggang ngayon, damang-dama ko pa rin ang lula at kaba. Agad naman nila akong iuuwi sa tahian. Dahil dito, inaabangan kong lagi ang pagdating ng hapon, ang pagsundo sa akin ng dalawa kong kapatid na babae upang dalhin sa aming lumang bahay.

Pero mga Grade 4 ako nang malaman ko ang tunay na dahilan ng pagpapadaan nila sa akin sa bintana. Di pala ito bahagi ng aming paglalaro, at lalong di isang premyo kapag nananalo. Kundi ang pagtatago nila sa akin kapag dumarating na ang aking Tatay matapos ang maghapong pagmamaneho ng pampasaherong dyip.

Naisip ko, kung natuloy kayang ipaampon ako ng aking ina sa nagngangalan ding GENARO, maging manunulat din kaya ako? Siguro hindi. Marahil, nauubos ngayon ang oras ko sa paghahanap ng aking sarili, tulad ng mga napapanood ko sa mga pelikula kapag natutuklasan nilang ampon sila. Laking pasasalamat ko ngayon dahil kilalang-kilala ko ang aking sarili, ang aking pinag-ugatan at ang aking tunay na pamilya.

Salamat sa aking Ate Perla sa kanyang matinding paninindigan na huwag akong maipaampon. Salamat sa aking mga kapatid, kina Kuya Ruben, Itim, Puti, Tuan, sa aking Ate Charito, Sally at Rowena, sa makukulay na alaala ng aking kamusmusan. Salamat sa aking walang kasinggandang ina, Dominga Ruiz. Salamat kay Tatay, Tomas Gojo Cruz, na sa bandang huli ang siyang nagpaaral sa akin sa elementarya, ang nagturo sa akin upang maging matatag at ng maraming diskarte sa buhay. Salamat nang walang hanggan!