Wednesday, August 1, 2012

Hanggang Kailan Tayo Magiging Mangmang Tuwing Agosto?


ni Genaro R. Gojo Cruz
 
Sa tingin ko, di talagang nakatutulong ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika taon-taon sa pagpapaunlad ng wikang pambansa. Ang malala pa, mas ipinakikita ng pagdiriwang na ito tuwing Agosto na di talaga natin pinahahalagahan ang ating wikang pambansa.
Bakit kailangan pang dumating ang buwan ng Agosto upang ipakita ang pagpapahalaga at pagmamahal sa sariling wika? Di ba't sa tagal na natin itong ipagdiriwang, kailangang naisanib na natin ito sa ating buong pagkatao o sa sistema ng ating pag-iisip?
Di lamang sa buwan ng Agosto dapat ipagdiwang ang wikang pambansa kundi sa buong panahon ng ating pag-iral bilang tao at bilang Pilipino. Ito ang wika ng ating pinakamimithing pangarap, ang bukal ng ating ligaya at galit, ang wika ng ating panaginip. Sa wikang ito lamang natin maipahahayag nang tapat at buong-buo ang ating saloobin, nadarama at iniisip na hinding-hindi kayang gawin sa wikang banyaga tulad ng Ingles.
Pero sabi nga, maikukumpara sa isang bata ang mga Pilipino at ang buong Pilipinas. Lagi't laging dapat paluuin at paalalahanan. Madali kasi tayong makalimot sa mga bagay na dapat nating unahin at tangkilin bilang mga Pilipino. Maikli ang memorya nating mga Pilipino. Dagdag pa, na ang mga pinakakolonyal mag-isip ay ang mga aral na Pilipino. Bugbog sila ng mga kaalamang inangkat din sa ibang bansa. Naniniwala silang nasa Ingles ang pag-unlad. Tunay na inilalayo ng sistema ng edukasyon ng ating bansa ang mga Pilipino sa sarili nitong wika at kultura. Pero sa katotohanan, ang mauunlad na bansa sa Asia ay di bihasa sa paggamit ng Ingles tulad ng Japan, China, Vietnam, at iba pa.
Pinatutunayan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na talagang mangmang tayong mga Pilipino at di talaga natin natututuhan pang yakapin at mahalin ang ating sariling wika! Sana ay nailalaan na lamang sa mas mga makabuluhang proyekto ang pondong ginagamit dito. Halimbawa, kung ang ilulunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay salin ng Harry Potter, The Alchemist, o Twilight sa Filipino, aba mas nakamamangha! Biruin mo, mababasa mo sa ating sariling wika ang pinakamabibiling nobela sa mundo? Ganito ang ginawa ng Indonesia, mas salin sa Bahasa ang mga nobelang ito. Dalawang magandang benepisyo ang napapala ng mga taga-Indonesia sa pagbasa ng mga nabanggit na nobela sa kanilang wika:  Una, naiintindihan nila ang kanilang binabasa, at pangalawa, nagiging bihasa sila sa kanilang sariling wika.
Nakapagbubukas ng mata at isip ang sinabing ito ni Segundo Matias sa kanyang facebook account.  Ayon sa kanya:  Ilang taon na rin akong nagta-travel sa iba't ibang bansa kasama na ang Europe at US. Sa Europe at sa ibang parte ng Asia, kapag pumapasok ako sa kanilang book stores napapansin kong hindi lamang English version ngoriginal bestsellers ang naroon, kundi lagi nang may translated version ng kanilang local language.  Sa France halimbawa, kapag nagtungo ka sa kanilang book store may English at sa tabi nito'y may French. Ganoon din sa Italia, Germany, at maging sa Hongkong ay mayroong translated Italian, German, and Mandarin respectively. Naisip ko, dito sa Pilipinas bakit hindi? Sa France, Germany at ang iba pang mayayamang bansa ay nagbabasa naman sila ng English pero sa kanilang book stores ay laging may translated version sa sarili nilang lengguahe.
Nakatutuwang binabalikat ng kompanya ni Segundo Matias ang tungkuling magsalin sa wikang Filipino ng mga babasahing nasa wikang banyaga.  Ito sana ang pagkaabalahan ng KWF sa mga darating na panahon.   
Nakaiinis na rin ang mga kung ano-anong programang iniimbento ng mga paaralan tuwing buwan ng Agosto. Pinipilit na papagsuutin ng mga Barong Tagalog o baro't saya ang mga estudyante, pinagdadala ng mga pagkaing Pilipino, pinatutula, pinagsasabayang-pagbigkas, at iba pa. Bukod sa gastos, malaking abala rin sa mga magulang.
Wala ring halaga sa akin ang kung ano-anong temang ginagawa at ipinamumudmod ng KWF sa mga paaralan. Pilit na pilit na iniuugnay sa kasalukuyang administrasyon na kung titingnan ay wala namang malinaw na mga polisiyang pangwika.
Kung ang wikang Filipino ay batay na sa lahat ng wikain sa Pilipinas, puwede na ring patulain ang mga mag-aaral na Ilokano sa wikang Ilokano, Cebuano sa wikang Cebuano, ang batang Ilonggo sa wikang Hiligaynon. Huwag isungalngal sa kanila ang wikang Filipino na wikang Tagalog pa rin naman ang marami sa mga salita. 
Sa poster ngayon ng KWF, makikita pa rin ang larawan ni Manuel Luis M. Quezon.  Bakit laging si Quezon lamang ang dinadakila tuwing Agosto?  Bakit di rin kilalanin sina Felipe R. Jose (Mountain Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo), Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental), at Norberto Romualdez (Leyte) na nakipaglaban sa kongreso.  Sino sa mga mag-aaral ngayon ang nakakakilala sa kanila? 
Agosto ang Buwan ng Wika dahil ito rin ang buwan ng kaarawan din ni Quezon.  Lumalabas tuloy na ang Agosto ay buwan din ni Quezon na isang Tagalog.  Tigilan na ang ganitong kababaw na dahilan kung bakit Agosto ang Buwan ng Wika.  Huwag i-credit sa iisang tao lamang ang pagkakaroon natin ng pambansang wika noon na batay sa Tagalog.    
Di tuluyang magiging intelektuwalisado ang wikang Filipino kung mananatili ang ganitong mga walang kabuluhang gawain tuwing Agosto.  At di mai-intelektuwalisa ang wikang Filipino kung ang mga ahensiyang pang-gobyerno tulad ng KWF ay pinagtatrabahuhan ng ilang mga empleyadong di intelektuwalisado.
Kailangan natin ay mga limbag na babasahin sa wikang Filipino lalo na yaong mahahalagang larangan. Kailangan ang malawakang pagsasalin ng mahahalagang teksto. Kailangan ang mura ngunit de-kalidad na diksiyonaryo. Madaling sabihing intelektuwalisado na ang wikang Filipino pero nasaan ang mga patunay? 
Itigil ang pagsasabing mahalin natin ang sariling wika dahil ang di nagpapahalaga sa sariling wika ay di makabayan.  Walang maitutulong ito.  Kailangan nating kumilos, magsalin, at maglimbag ng mga babasahing nasa ating wika.  
Itigil na natin ang pagpapakita ng ating kamangmangan sa ating wika tuwing Agosto!

Friday, July 6, 2012

Takip ng Baunan


 
PINAKAMALAKING PROBLEMA KO noong nag-aaral ako sa Muzon Elementary School ang pagdating ng alas-12 nang tanghali, oras ng tanghalian. 
Ang ibang mga kaklase kong walang baong pagkain, umuuwi sa kani-kanilang bahay, at yung may mga baon, naiiwan sa klasrum at doon kumakain.
Madalas na wala akong baong pagkain kung tanghalian.  At kahit umuwi ako ng bahay, alam kong wala akong makikita sa aming kaldero.  Si Tatay, bumibiyahe ng dyip.  Ang mga kapatid ko namang lalaki, nasa kung saan-saang lupalop.  Kaya kaysa magpagod, di na lang ako umuuwi. Naghihintay na lang ako ng mga grasyang darating.
Naghihintay akong may matira sa pagkaing baon ng aking mga kaklase.  Kaya kung pagsasama-samahin ang kinain ko na galing sa mga kaklase ko, mas marami pa akong nakain kaysa kanilang lahat.  Di ba mas maganda!
Dalawa sa aking mga kaklaseng babae ang di ko malilimutan.  Si Arlene na taga-Mountainview at si Sonia Canton na ang bahay ay nasa likod lang ng aming eskuwelahan. 
Si Arlene ang payat kong kaklaseng babae.  Sa kanyang kapayatan, nagagawa ko pang makihati sa kanyang tanghalian.  Tanda ko, laging ginisang hotdog na pulang-pulang sa ketsap ang kanyang ulam.  Lagi siyang walang ganang kumain kaya ako kumakain ng kanyang tira.  Di kaya nagtataka ang kanyang mga magulang kung bakit di siya tumataba o nagkakalaman man lang? 
Si Sonia naman, laging bagong luto ang tanghalian dahil inihahatid ng kanyang ina.  Di tulad ng tanghalian ni Arlene, iba-iba ang ulam ni Sonia—pritong porkchop, manok, tocino, skin less longganisa, ginisang munggo at iba pa.  Pahihiramin niya ako ng takip ng kanyang baunan, at doon niya ilalagay ang parte ko. 
Sina Arlene at Sonia ang mga kaklase kong nakaaangat ang buhay noon.  Si Arlene, de-service at nakatira pa sa Mountainview na isang subdibisyon.  Si Sonia naman, nasa Saudi ang tatay kaya maganda at malaki ang kanilang bahay, may karaoke sila, malaking telebisyon, at nakabibili ng magasin ng mga artista.   Pagkatapos ng klase namin sa hapon, sa bahay nila kami tumatambay.
Minsan isang tanghali, nag-away kami ni Sonia.  Di ko na matandaan kung ano ang pinag-awayan namin.  Nag-iiyak siyang umuwi sa kanilang bahay.  Maya-maya pa, sumugod na ang kanyang ina sa aming klasrum. Galit na galit sa akin.  Wala ngang nagawa kahit ang aming adviser.   Sunod-sunod kong naranig ang nakasusugat na mga salita sa ina ni Sonia.  Sinumbatan niya ako sa aking pakikihati sa pagkain ng kanyang anak.   Tingin ko sa sarili ko noon, isa akong PG (patay-gutom)!   Pakiramdam ko, bigla akong naging duwende sa matinding pagkapahiya. 
Gusto kong isuka ang mga piraso ng porkchop, manok, tocino, skin less longganisa, at iba pa na kinain ko sa tanghalin ni Sonia.  Siguro,  aabutin din iyon ng ilang kilo kung magagawa kong iluwa lahat.  Di pa kasama ang iba pa niyang ulam na gulay na kinain ko rin.  Pero imposibleng maisauli ang mga nakain na! 
Pagkaraan ng pangyayaring iyon, pagdating na hapon, magkabati na uli kami ni Sonia na parang walang nangyari.  Pinagbati kami ng aming adviser.  Ganoon lang daw talaga ang tunay na magkaibigan minsan nag-aaway.  Totoo nga, si Sonia ang isa sa naging matalik kong kaibigan hanggang ngayon.  Pero si Arlene, pagkatapos ng elementary, nawalan na ako ng balita.  Tumaba na kaya siya?
Namamangha ako ngayon kung paano ko nalampasan ang marami at malulupit na tanghaliang iyon na walang akong baong pagkain.  At kung babalikan ko ang pakiramdam, masaya ako noon habang kumakain sa takip ng baunan ng aking kaklase. 
Ngayong matanda na ako, saka ko lang talaga nadama ang matinding awa sa aking sarili. 

Monday, April 9, 2012

2nd Gig Book Storywriting Contest winners announced

Gig and the Amazing Sampaguita Foundation, Inc. (GASFI) is happy to announce that ten stories won the Gig Book Storywriting Contest. The authors will receive P20,0000.00 each, a winner’s certificate, and a chance for their story to be published as a full-color, fully-illustrated children’s book.


Arranged alphabetically by title, the winning stories are:

Hello, Tatay!
-----by Genaro R. Gojo Cruz
Ishmael And The Ocean
-----by Franklin P. Andaya
Junior's Diary
-----by Carlo Baltazar Ventura
My Dad And I Travel The World
-----by Francesca Cielo M. Ravanes
Postcards To Papa
-----by Raissa Claire R. Falgui
Postscript For Pio
-----by Mia Ayroso Buenaventura
The Stranger At My Door
-----by Gail Christiane Te
The Woman In Daddy's Wallet
-----by Fernando R. Gonzalez
What's Inside A Turtle's Shell?
-----by Raymond G. Falgui
When You Are Away
-----by Bella Charina Alexandra D. Mercado


GASFI, the contest sponsor, is a non-profit organization. Founded and headed by Marissa Oca Robles, GASFI is driven by three of Marissa’s passions: honoring the memory and youthful spirit of her son Gig, promoting the reading habit among children and their families, and serving the needs of Filipino seamen and their families.

The first has to do with turning the loss of a loved one into life-affirming action.

The second is about giving children and their families something that will always keep on giving: a life-long and shared love of reading. “Twenty Minutes At Bedtime” is not only GASFI’s slogan, it is also the minimum amount of time, Marissa believes, that parents should set aside everyday to read to their children.

The third means continuing and expanding the life-work of Marissa’s family, a hallmark of which is the Associated Marine Officers and Seaman’s Union of the Philippines (Amosup), the largest union of seafarers in the world founded and headed by her father, Captain Gregorio S. Oca.

Marissa plans to publish all ten winning stories as full color illustrated children's books. This time, the books might turn out to be more thought provoking and meaningful for seafarer children and their families. In the previous year, the rules specified: “The theme must be something that seafarers’ families---especially children---can identify with. The story must . . . resonate well with children whose fathers are mostly away at sea.” This year, the rules also stated that “bonus points and a greater chance of winning will be given to positive, sensitive, and creatively child-appropriate stories that deal with difficult seafarer family issues like relatives, in-laws, neighbors, troubled teens, money management, parental infidelity, sibling rivalry, resentment, anger, alienation, abandonment, illness, and others.”

All in all, the storywriting contest received more than a hundred and fifty stories. The judges were Karina Africa Bolasco, children's book author and Publishing Manager of Anvil Publishing, Inc.; Neni Sta. Romana Cruz, children's author, book reviewer, educator, and Chairman of the National Book Development Board (NBDB); and Beaulah Pedregosa Taguiwalo, children's illustrator and Regional Advisor for the Society of Children’s Book Writers & Illustrators (SCBWI).

For inquiries about the Gig book project,
e-mail gigbookcontest@gmail.com
or visit http://gigbookcontest.blogspot.com.

For inquiries about GASFI,
e-mail gigfoundation@gmail.com
or visit http://www.gasfi.com/

Tuesday, April 3, 2012

Hay Skul Graduweyt Ka Ba? Basahin Mo Ito!

(Narito ang bahagi ng aking talumpati sa Graduation ng Holy Rosary Academy of Las Pinas noong Marso 30, 2012. Sana ay mabasa ng mga magkokolehiyo.)

Ako po'y lubos na natutuwa dahil ako'y nakarating sa inyong magandang eskuwelahan at nagkaroon ng pagkakataong magsalita sa harapan ng mga magsisipagtapos ngayong hapon.

Mahirap ang tungkulin ng isang Guest Speaker dahil tungk...ulin niyang magbigay-inspirasyon sa mga magsisipagtapos. Paano nga ba magbigay ng inspirasyon?

Naisip ko, gayahin ko na lang kaya ang mga politiko na ang sinasabi ay sinabi na rin ng iba kapag sila ay naiimbitahan din maging Guest Speaker sa eskuwelahan dahil malapit na ang eleksiyon. Sa kanila maririnig ang mga katagang, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” na tiyak na narinig din nila sa iba at di naman nila alam kung saang tula ito sinabi ni Rizal, o ang mas sikat na “Ang kahirapan ay di hadlang sa kahirapan.”

Pero naisip ko, di naman ako politiko. Ayoko ring magtunog politiko dahil ang layunin ko talaga rito ngayong hapon ay ma-inspire kayong mangarap at magtapos nang mas mataas kurso sa kolehiyo, at di para manghingi ng boto. Kaya magsasalita ako batay sa aking mga tiyak o espesipikong karanasan at kaalaman bilang estudyante noon, at ngayon ay bilang guro at manunulat.

Kung mapapansin ninyo, ang mauunlad na bansa ay naglalaan ng malaking pondo sa kanilang sistema ng edukasyon taon-taon. Bagaman may ilang bansa tulad halimbawa ng Amerika ngayon ay unti-unti na ring kinakaltasan ang kanilang pondo sa edukasyon bagaman malaki pa rin naman.

Taon-taon lagi nating maririnig sa mga balita telebisyon ang kakulangan sa maraming pangangailangan sa mga pampublikong eskuwelahan tulad ng kakulangan sa klasrum, silya, aklat, guro, at iba pa. Paulit-ulit itong problema dahil di naman talaga nabibigyang-solusyon. Mukhang di kayo maka-relate, dahil tiyak kong ang mga kakulangang ito ay di ninyo naranasan sa eskuwelahang ito.

Maganda ang inyong mga klasrum na marahil ang iba ay air-conditioned pa, maayos at walang surot ang inyong mga silya, kompleto kayo sa mga aklat na kung minsan ay tinatamad pa kayong dalin o madalas ay iwinawala pa ninyo, may mga mahuhusay kayong guro sa bawat asignatura.

Bukod sa aking mga nabanggit, tiyak na may library pa kayo, computer room, maayos na covered court, drinking fountain, maayos na canteen, may service kayo papasok sa eskuwelahan at pauwi ng inyong mga bahay, lahat-lahat na. Kaya sa palagay ko, higit na dapat kayong maging matatalino at mahuhusay na estudyante dahil kompleto kayo sa lahat ng bagay sa inyong pag-aaral.

Madalas kasing mayroon pa rin tayong hinahanap. Hindi natin nakikita o napahahalagahan ang mga bagay na mayroon na tayo. Nakakalimutan natin na may mga estudyante lalo na yaong mga nasa pampublikong eskuwelahan ang wala ng alinmang sa mga nabanggit ko. Pero nakagugulat dahil may mga galing sa pampublikong eskuwelahan na mahuhusay pa rin kahit marami ang kulang sa kanilang pag-aaral.

Patunay lamang na kung tagalang seryoso ang isang estudyante sa kanyang pag-aaral at may pangarap siyang gustong marating, hindi hadlang ang maraming kulang sa kanya.

Kaya kayo nag-aral sa Holy Rosary Academy of Las Pinas ay dahil alam ng inyong mga magulang na malaki ang problema ng ating pampublikong edukasyon. Kaya bilang pasasalamat, isang masigabong palakpakan ang ibigay natin sa ating eskuwelahan dahil sa pagiging katuwang nito ng ating gobyerno sa pagbibigay nang maayos na pasilidad at de-kalidad na edukasyon.

Ang tunay na laban para sa inyo ay magsisimula pa lamang sa pagtungtong ninyo sa kolehiyo.

Unang naging problema ng ilan sa inyo ay kung saan magkokolehiyo.

Siyempre, pumasok agad sa isip ninyo ang apat na pangunahing universities sa bansa, ang UP, Ateneo, La Salle at UST.

Pero nakapa-competitive ng entrance exam sa UP dahil ito ay isang State University. Nakapahirap makapasok. Kakaunti ang tinatanggap yung talagang matatalino at muli dahil limitado ang pondo ng gobyerno.

Kung sa Ateneo, La Salle, UST naman, bukod sa mga kilalang mga universities ang mga ito, kailangan ding ihanda ng inyong mga magulang ang malaking halaga/pera upang makatapos kayo sa piniling kurso. Inutil na rin ngayon ang mga educational plan ng mga insurance company na hinulugan ng inyong mga magulang nang maraming taon dahil sa pagkalugi ng mga ito.

Sa ilang mga estudyante o kaklase ninyo, kung di man pumasok sa kanilang isip ang apat na university na binanggit ko, pinili nila ang university may magandang uniform, o ang university na papasukan ng kanilang crush o best friend.

Pero alam ba ninyo, wala sa pangalan ng university ang ikatatagumpay ng isang estudyante.

Babanggit ako ng isang patunay. Sa nakaraang civil engineering exam, tatlong estudyante ng Catanduanes State Colleges sa Birac Catanduanes ang nag-top. Ilan taon na itong pinatutunayan ng Catanduanes State College. Natalo nila ang mga kilala at mamahaling university sa Maynila. Sino ba ang nakarinig na sa inyo ng Catanduanes State Colleges? Hindi kilala ang kanilang university pero ang graduates nila pumapasa at nagta-top pa sa exam. Ano ang pipiliin ninyo? At kung mababasa ninyo sa Philippine Daily Inquirer ang buhay ng mga estudyanteng nag-top, literal na iginapang ng kanilang mga magulang ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Sa pagpili naman ng kurso, madalas na piliin ng mga estudyante ang kursong patok sa ibang bansa at may mataas na sahod o ang kursong may magandang tunog kapag binigkas ang pangalan.

Kaya nga napaka-ironic na sabihing “Ang kabataang ang pag-asa ng bayan.” Paano magiging pag-asa ng bayan ang kabataan kung literal silang pinaaalis ng gobyerno upang magpasok ng dolyar sa ating bansa? Paano magiging pag-asa ng bayan ang katabaan kung hindi nag-i-invest ang gobyerno sa kanila?

Siguro mas tumpak na sabihing “Ang kabataang ang pag-asa ng ibang bansa” dahil unang-una, halimbawa ang mga Pilipino nars natin ang nag-aalaga sa matatandang Japanese, Italian, American, German, at iba pang lahi. Manghang-mangha ang ibang lahi kung paanong mag-alaga ang mga nars na Pilipino. Tanging ang lahing Pilipino lang ang makagagawa nito. Mapipilay ang buong-mundo kung walang Pilipino dahil tayo ang sumasalo sa mga mahihirap, delikado, nakamamatay, at inayawang trabaho ng ibang lahi. Sinasakop ng mundo ang mga Pilipino bilang mga alila. Pambihira rin ang tapang ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa na may digmaan pero ayaw pa ring umuwi.

Sa tingin ko, kailangang linawin ng gobyerno o ng ating presidente ang talagang gusto niya para sa ating bansa.

Halimbawa, kung gusto niyang mapaunlad talaga ang Pilipinas, palakasin ang mga kursong kailangan ng bansa.

Halimbawa, ayon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng Commission on Higher Education (CHEd) kailangang-kailangan ng bansa ang mga estudyante kukuha ng kursong pagsasaka. Bigla kayong napangiwi!

Kasi ang akala ninyo ay literal kayong magtatanim sa mga bukid at masisikatan kayo ng araw. Sa pag-aaral ng agriculture, isa lamang sa maaari ninyong pag-aaralan sa mga laboratoryo iba't ibang breed ng bigas o ng ibang crop at kung paano ito napaparami na bagay sa ating klima o panahon. Ganito ang ginagawa ng ating mga kalapit na bansa sa Asia kaya ang nangyayari ngayon, tayo ang umaangkat ng bigas sa Thailand at Vietnam. Nakakahiya ito. Tayo ang eksperto sa pagtatanim ng palay bakit tayo ang bumibili o umaangkat sa kanila. Tandaan nating nasa ating bansa ang pinakaunang laboratoryo ng palay sa rehiyon, ang International Rice Research Institute (IRRI) na nasa Los BaƱos, Laguna. Tayo ang nagturo sa mga kalapit nating bansa sa Asia sa pagtatanim ng palay pero mukhang tayo ang di nag-a-apply ng ating itinuturo sa kanila sa ating bansa.

Anong baduy sa kursong Agriculture kung ikaw ay magiging katuwang sa paglikha ng pagkain para sa maraming Pilipinong nagugutom? Sa tingin ko, mas baduy ang mga mga kumukuha ng kursong kailangan ng ibang bansa? Bago pa tuluyang maging pabrika o pagawaan ng mga spare parts ng teknolohiya ng mayayamang bansa, ang malalawak nating lupain, sana'y magamit ito ng mga Pilipinong nag-aaral na Agriculture bilang kanilang laboratoryo.

Sa larangan ng teknolohiya, mapapansin ang mga kursong kaugnay nito ay nakapokus lamang sa kung paano gagamitin ang mga ito. Hindi itinuturo sa mga estudyanteng Pilipino kung paanong gumawa mismo ng teknolohiya. Kaya ang nangyayari, nagsisilbing market o bagsakan lamang tayo ng mga teknolohiya ng ibang bansa. Tuwang-tuwa naman tayo sa tuwing may bagong modelo ng cellphone, laptop, o Apple I-pad, Nano at iba pa. Tandaan natin, hinding-hindi tayo ang nakikinabang sa mga ito sa mas matagal na panahon. Sabi nga, ang paraan ngayon ng pananakop ng mayayamang bansa ay sa pamamagitan ng kanilang teknolohiya. Kaya habang-habang palit kayo nang palit ng cellphone pinayayaman ninyo ang ibang bansa. Mas effective ito kaysa pisikal na pananakop.

Dapat ang maging tuon ng mga kursong may kaugnayan sa teknolohiya ay kung paano tatapatan ng Pilipinas ang mga kompanya ng Microsoft o Apple. Hindi ba napakagandang isipin na tayo na mismo ang gumagawa ng ating cellphone, laptop, o kompiyuter na ginagamit?

Kung ”Apple” ang kay Steve Jobs, tatawaging nating ”Bayabas” ang sa atin. O baduy na naman para sa inyo! Walang baduy hangga't ito ay gawa nating mga Pilipino at ang kita para ay sa Pilipinas.

Problema natin sa kasalukuyan ang langis/petroleum. Kapansin-pansing wala na naman tayong ginagawa para solusyunan ang problemang ito. Alam natin, kitang-kita na ng ating dalawang mata, paubos na ang deposito ng langis sa mundo. Kaya nga kinokontrol na ng US ang mga bansang pinagmumulan nito? Ano ang ginagawa natin? Wala! Mga pantapal o panandaliang solusyon tulad ng Pantawid Pasada.

Sa DLSU-Manila, may ginawa ang mga estudyante ng engineering sa aming pamantasan na Solar Car. Napakalinaw na ito ang sagot sa ating problema sa langis pero ano ang ginagawa ng ating gobyerno. Baka maunahan na naman tayo ng ibang bansa, bilin ang imbensiyong ito ng mga taga-La Salle at i-produce nila nang marami tapos tayo uli ang magiging bagsakan ng kanilang solar car.

Laging deadma lang ang gobyerno sa mga imbensiyon nating mga Pilipino. Maraming tayong imbensiyon na binili na ng ibang bansa, isang halimbawa na lang ay ang Flourescent Lamp ni Agapito Flores na ibang bansa na ang nagpo-produced.

Pero kailangan nating magtiis sa taas ng langis. Kasi di puwedeng di tayo aangkat dahil malaki ang ipinapanik nitong buwis sa gobyerno. Dahil sa langis, may mga sasakyang pribado at pampubliko tulad ng jeep, bus at iba pa na gumagamit nito na nagpapanik din ng buwis sa gobyerno. Kung matatanggal ang langis, tiyak na maraming politiko ang aalis din sa gobyerno. Napansin ninyo, kahit ang sagot ay bisikleta sa ating problema sa pampubliskong transportasiyon, di ito ginagawa ng ating gobyerno.

Isipin ninyo, kung magbibisikleta tayo papasok at pauwi ng eskuwelahan ang daming problema ng bansa ang mabibigyang-solusyon. Pero mahirap magbisikleta sa kalye natin dahil sa maraming driver ang di marunong gumamit ng kalsada.

Alam ba ninyo na may isa ring estudyante ng UP na nakagawa ng Bamboo Bycicle. Sayang talaga ang talino nating mga Pilipino!

Kailan kaya tayo papansinin ng ating gobyerno sa ating mga imbensiyon.

Malinaw ang sagot, kung nais ng ating gobyerno na mapaunlad ang ating bansa, kailangang suportahan nito ang produkto ng talino ng mga kabataang Pilipino.

At kung mangyayari ito, doon talagang mapatutunayang nating totoo ang kasabihang ”Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”

Sa mga magsisipagtapos ngayong hapon, kailangan kayo ng ating bansa. Kung kayo ay mag-aaral sa isang state university, huwag namang lumabas agad ng bansa. May tungkulin kayong maglingkod sa ating mamamayan dahil sila ang nag-aral sa inyo. Kung sa private university naman kayo mag-aaral, sige lumabas na agad kayo ng bansa. Pero lagi ninyong tatandaan na Pilipino kayo at may pananagutan sa ating bansa. Magpasok kayo ng pera sa ating bansa dahil ito ang lantarang ipinagagawa sa ating ng kasalukuyang gobyerno. Kung sapat ang inyong naipon, magnegosyo sa loob ng ating bansa. Magbigay ng trabaho sa ating mga kababayan.

Lakihan natin ang ating mga pangarap para sa ating bansa. Isa mga sa sinasabing dahilan ng di pag-unlad ng mga Pilipino ay dahil sa kung mangarap tayo ay kay liliit. Sa isang Pilipino, sapat na ang magkaroon ng sari-sari store sa harap ng kanyang bahay, ang maging magtataho sa araw-araw, ang maging mananahi, ang mamasukan bilang facetory worker.

Lakihan natin ang ating mga pangarap. Gusto kong magkaroon ng supermarket, gusto kong maging supllier ng taho sa NCR, gusto kong magtayo ng sariling school, gusto kong magtayo ng sarili kong pabrika. Lakihan natin ang ating mga pangarap nang tumaas din ang ating pagtingin sa ating mga sarili. Tandaan natin, di tayo kailangang maging alipin ng ibang bansa dahil tayo ay dakila at matatalino. At kung tayo naman ang uunlad, di naman natin gagawin iyon sa kanila o sa ibang lahi dahil tayo ay makatao.

Hihintayin ko ang tagumpay ninyo aking mga mahal na estudyante! At asahan ninyong gagawin ko rin ang aking part bilang guro at manunulat ng ating bansa.

Sana ay hindi ko lamang kayo na-inspire sa aking sinabi, sana na challenge ko kayo. Talagang marami tayong kailangang gawin para sa ating mahal na bansa, sa ating nag-iisang Pilipinas!

Isang magandang hapon sa lahat!

Thursday, December 8, 2011

Saling-pusa

Children have to go to school, so Saling-pusa goes too. But he is too young to be on the teacher's official list of students. He is one of them, and yet he isn't. Saling-pusa is the amusing story of a boy who loves school, even if he isn't exactly part of the class. this book reveals that is never too early for a child to learn good things in life.

Story by Genaro R. Gojo Cruz
Art by James B. Abalos

Buy and donate! Call at 416-8460 to know more.

Bunsoy

Why did Tatay leave? When will he be with us again?

Unlike the class homework he used to do with his father, it is hard for Bunsoy to find answers to his questions. But he will learn one definite fact--his father loves him evry much.

Thoughtful and heart-warming. Bunsoy answers the questions many children ask today about their parents who need to work abroad.

Story by Genaro R. Gojo Cruz
Art by Leo Kempis Ang

Buy and donate! Call at 416-8460 to know more.

Ang Batang May Maraming-Maraming Bahay

Koko's playmates listen eagerly whenever he tells them anout his many houses. From grand buildings to tiny huts, on vast lands, atop lofty mountains, and beside azure seas--it must be wonderful to own even one of those houses!

However, when huge floods lead to tragedy, Koko and his friends discover a priceless treasure even better than a million houses.

Story by Genaro R. Gojo Cruz
Art By Aldy Aguirre

Buy and donate! Call at 416-8460 to know more.