Friday, September 2, 2011

Kuya Tikboy

SI KUYA TIKBOY ang bunsong kapatid ng aking Nanay. Sa labintatlong magkakapatid, ayon sa kaniya, tatlo na lang silang nabubuhay.

Natutuwa ako sa pagdalaw paminsan-minsan ni Kuya Tikboy sa aming magkakapatid sa Pastol dahil kahit papaano parang nararamdaman ko na ring dinadalaw kami ng aming yumaong ina. Biglang sumagi sa isip ko, di siya nakakaligtaang abutan ng pera ng aking Nanay noon kung sakaling nagkita sila sa pagsamba. Ngayong tumanda na lang siya talagang bumisita sa aming magkakapatid. Sa pagsasalita at itsura ni Kuya Tikboy, kung naging babae lang si Kuya Tikboy, aakalain kong siya ang Nanay ko.

Aaminin kong lumaki akong di talagang nakikilala nang lubusan ang pamilya ng aking ina. Liban sa alam kong marami sa kanila ay mga taal na Iglesia ni Cristo, wala na akong alam tungkol sa kanila. Si Kuya Tikboy, hanggang ngayon, pinagmamalaking nanatili siyang Iglesia ni Cristo hanggan sa ngayon.

Sa pagdalaw ni Kuya Tikboy sa akin, kahit papaano ay nagtatanong-tanong ako sa kanya. Nais kong makilala ang pamilyang pinagmulan ng aking Nanay.

Sa kanya ko nalaman, pumanaw na si Mang Genaro na siyang sana ay aampon sa akin noong ipinanganak ako ng aking Nanay. Kay Mang Genaro na taga-Balut, Tundo nanggaling ang “pang-matanda” kong pangalan. May isa rin palang pinsang milyonaryo na taga-Blumentritt ang aking Nanay na nagmamay-ari ng malalaking supermarket doon—“Mameng” daw ang pangalan.

At noong araw raw ay nanilbihan pa roon ang aking Nanay. May tampo raw siya sa isa pa naming Tiyahin dahil 500 pesos lang raw ang ibinigay sa kaniya kapalit isang bagong electric fan na mas mahal ang kaniyang bili.

Kasunod na nito ang mga balita tungkol sa kaniyang sarili. Dalawa raw sa kaniyang mga anak ay di man lang nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo. Ang isang anak niyang namamasukan ay malapit nang matapos ang kontrata. Sa buong buhay raw niya ay di pa siya nakararanasan na magkaroon sariling bahay. Lagi raw silang nangungupahan. Sa Valenzuela, Caloocan City raw siya ngayon nangungupahan. Paminsan-minsan ay nagmamaneho siya kung may gusto magpamaneho sa kaniya. Baka iyon na raw ang kaniyang huling pagdalaw. Alam kong ang mga kuwento ito ang paraan niya ng panghihingi ng tulong. Kahit papaano, aabutan ko siya. Ilan din kaming magkakapatid na nasa Pastol ang nag-aabot sa kaniya.

Nakadama ako ng matinding awa kay Kuya Tikboy. Sana ay di totoong huling dalaw na niya sa aming magkakapatid.

Ang totoo, nais ko pang magtanong tungkol sa pamilya ng aking Nanay. Ngayon nga, nakalista na sa aking isipan ang mga tanong na gusto kong itanong sa susunod niyang pagdalaw. Saan sila sa Nueva Ecija? Sino ang iba pang apelyidong kamag-anak namin? Bakit sila napunta ng Balut, Tundo? Paano at bakit naging Iglesia ni Cristo ang buong pamilya ng aking Nanay? Nasaan na ang iba pa nilang kapatid na buhay pa? Gusto kong madagdagan ang kakaunting kuwento na alam tungkol sa pamilya ni Nanay. Gusto kong makilala ang aking pinag-ugatan.
Pero bukod sa mga sagot sa aking mga itatanong kay Kuya Tikboy, ang totoo, gusto ko siyang abutan ng halagang kaya ko—mas mabuti na ang tumutulong kaysa tinutulungan lalo na kung kadugo ko ang aking inaabutan.

Matanda na si Kuya Tikboy. Dapat ay nagpapahinga na lang siya.

No comments:

Post a Comment