Tuesday, September 6, 2011

Hula

ISA SA PAMBIHIRANG kakayahan ng Tatay ko ay ang panghuhula. Noong bata ako, sa pamamagitan ng aking palad, hinulaan niya akong di raw ako yayaman. Gastador raw ako. Wala man lang raw siyang makitang mga guhit sa aking palad na lumilikha ng kuwadrado o kahon na tanda raw ng pagiging matipid o pagyaman balang-araw. Lahat daw ng pera ay palabas at dadaan lang sa aking palad.

Tumatak sa aking isip ang sinabing iyon ng aking Tatay. Lagi kong tinitingnan ng aking palad noon. Pakiramdam ko, parang natapos na agad ang aking mga pangarap kahit di pa natutupad. Parang wala na talagang pag-asang yumaman ako. Lalo pa’t alam kong mahirap kami. Nakasanla sa bangko ang lupang kinatitirikan ng aming lumang-lumang bahay. Marami sa mga kapatid ko ang di man lang nakatuntong sa kolehiyo.

Tingin ako nang tingin sa akin palad noon, pilit akong naghahanap ng mga guhit na lumilikha na kuwadrado at walang anumang butas o guwang na maaaring pagdaanan ng pera palabas. Baka malabo lang ang mata ng Tatay ko.

Nang tumira na ako sa aming lumang bahay sa Pastol pagtuntong ko ng Grade 4 ako, lubos kong nakilala ang Tatay ko.

Mahilig siyang manita—may ginagawa man ako o wala. Ayaw na ayaw niyang nasasayang ang buong maghapong walang ginagawa. At kung may ginagawa naman ako, sisitahin pa rin niya ako.

Kailangang sa pagwawalis, dahon na dahon lang ang mawalis at madakot. Galit na galit siya kung may makikitang bato o lupang makakasama sa pagwawalis. Bago lagyan ng tubig ang tapayan, kailangang isisin o eskobahin munang mabuti ang tapayan at itaob kung maaari. Sa pagdidilig, ayaw na ayaw niyang makikitang sa dahon idinidilig ang tubig. Gusto niyang sa mismong lupa nang makarating agad sa ugat ang tubig. Sa pagkain, ayaw na ayaw niyang iinom ako agad ng tubig pagtapos kumain. Kailangang magpalipas muna nang ilang minute bago uminom ng tubig. Ayaw na ayaw rin niyang makikita akong umiinom ng de-bote. At maging ang aking paglalakad ay sinisita niya, huwag ko raw kaladkaring mabuti ang aking paa nang di rin agad maupod ang aking tsinelas. Labis niya akong kinagalitan nang magdamo ako ng aming bakuran. Akala ko kasi, damo pa rin ang aking binubunot noon, iyon pala ay mga halamang gamot na niya. Kaya mula noon, kinikilala ko muna ang mga damo bago bunutin. At kung tama naman ang aking ginagawa batay sa mga utos ni Tatay, walang anumang papuri akong naririnig sa kaniya. Di talaga niya ugali ang pumuri ng mga tamang gawa. Hangga’t wala akong naririnig na paninita buhat sa kaniya, ipinagpapatuloy ko ang aking ginagawa.

Taong 1988 pumanaw ang aking Tatay at hanggang ngayon, sa anumang aking ginagawa noong bata na ginagawa ko ngayon, parang lagi pa rin siyang nakamasid o nakabantay sa aking ginagawa. Natatakot pa rin ako kung sakaling pumalpak o mapahamak ako dahil di ko sinunod ang kaniyang utos o gusto. Natatakot akong di maging matino sa buhay.

Kahit sa mga malalaking desisyon ko sa buhay ngayon, iniisip ko pa rin kung ano ang sasabihin ng aking Tatay kung buhay pa siya. Di talaga siya nawala sa aking buhay.

Isang araw nang mag-flash-back sa aking isipan ang sandaling hawak ni Tatay ang aking mga kamay habang ako ay hinuhulaan niya noong bata ako, naisipan kong tingnan ang aking palad. Nagulat akong kay raming guhit sa aking palad na nagkapatong-patong at lumikha ng mga kuwadrado o kahon—sa kanan o kaliwang kamay man.

Di kaya ito nakita ni Tatay noon? O talagang nababago lang ang mga guhit sa palad sa pagtakbo ng panahon? Pera lang kaya talaga ang sukatan ni Tatay ng yaman?

Walang kamalay-malay si Tatay noon kung magiging ano ako ngayon. Kung buhay kaya si Tatay ngayon, sitahin rin kaya niya ang aking piniling propesyon?

Bakit ko pa pinili ang pagtuturo at pagsusulat gayong wala namang talagang yumaman sa pagiging guro at manunulat?

Pero isang hula pa rin ang aking natatandaan noong bata ako na sinabi naman ng aking Ate Perla, ang panganay kong kapatid. Sabi niya, yayaman daw ako dahil sa nunal sa ibaba ng daanan ng hangin sa aking ilong.

Labis ang pagdarasal ko ngayon, talunin sana ng hula ng aking Ate Perla ang hula ng aking Tatay na ang lahat ng sinasabi ay itinuturing kong tama at ang pinakatotoo sa lahat.

No comments:

Post a Comment