PINAKAMALAKING PROBLEMA KO noong nag-aaral ako sa Muzon Elementary
School ang pagdating ng alas-12 nang tanghali,
oras ng tanghalian.
Ang ibang mga kaklase kong walang
baong pagkain, umuuwi sa kani-kanilang bahay, at yung may mga baon, naiiwan sa
klasrum at doon kumakain.
Madalas na wala akong baong pagkain
kung tanghalian. At kahit umuwi ako ng
bahay, alam kong wala akong makikita sa aming kaldero. Si Tatay, bumibiyahe ng dyip. Ang mga kapatid ko namang lalaki, nasa kung
saan-saang lupalop. Kaya kaysa magpagod,
di na lang ako umuuwi. Naghihintay na lang ako ng mga grasyang darating.
Naghihintay akong may matira sa
pagkaing baon ng aking mga kaklase. Kaya
kung pagsasama-samahin ang kinain ko na galing sa mga kaklase ko, mas marami pa
akong nakain kaysa kanilang lahat. Di ba
mas maganda!
Dalawa sa aking mga kaklaseng babae
ang di ko malilimutan. Si Arlene na
taga-Mountainview at si Sonia Canton na ang bahay ay nasa likod lang ng aming
eskuwelahan.
Si Arlene ang payat kong kaklaseng
babae. Sa kanyang kapayatan, nagagawa ko
pang makihati sa kanyang tanghalian.
Tanda ko, laging ginisang hotdog na pulang-pulang sa ketsap ang kanyang
ulam. Lagi siyang walang ganang kumain
kaya ako kumakain ng kanyang tira. Di kaya
nagtataka ang kanyang mga magulang kung bakit di siya tumataba o nagkakalaman
man lang?
Si Sonia naman, laging bagong luto
ang tanghalian dahil inihahatid ng kanyang ina.
Di tulad ng tanghalian ni Arlene, iba-iba ang ulam ni Sonia—pritong
porkchop, manok, tocino, skin less longganisa, ginisang munggo at iba pa. Pahihiramin niya ako ng takip ng kanyang
baunan, at doon niya ilalagay ang parte ko.
Sina Arlene at Sonia ang mga
kaklase kong nakaaangat ang buhay noon.
Si Arlene, de-service at nakatira pa sa Mountainview na isang
subdibisyon. Si Sonia naman, nasa Saudi
ang tatay kaya maganda at malaki ang kanilang bahay, may karaoke sila, malaking
telebisyon, at nakabibili ng magasin ng mga artista. Pagkatapos ng klase namin sa hapon, sa bahay
nila kami tumatambay.
Minsan isang tanghali, nag-away
kami ni Sonia. Di ko na matandaan kung
ano ang pinag-awayan namin. Nag-iiyak
siyang umuwi sa kanilang bahay.
Maya-maya pa, sumugod na ang kanyang ina sa aming klasrum. Galit na
galit sa akin. Wala ngang nagawa kahit
ang aming adviser. Sunod-sunod kong
naranig ang nakasusugat na mga salita sa ina ni Sonia. Sinumbatan niya ako sa aking pakikihati sa
pagkain ng kanyang anak. Tingin ko sa
sarili ko noon, isa akong PG (patay-gutom)! Pakiramdam ko, bigla akong naging duwende sa
matinding pagkapahiya.
Gusto kong isuka ang mga piraso ng
porkchop, manok, tocino, skin less longganisa, at iba pa na kinain ko sa
tanghalin ni Sonia. Siguro, aabutin din iyon ng ilang kilo kung magagawa
kong iluwa lahat. Di pa kasama ang iba
pa niyang ulam na gulay na kinain ko rin.
Pero imposibleng maisauli ang mga nakain na!
Pagkaraan ng pangyayaring iyon,
pagdating na hapon, magkabati na uli kami ni Sonia na parang walang
nangyari. Pinagbati kami ng aming
adviser. Ganoon lang daw talaga ang
tunay na magkaibigan minsan nag-aaway.
Totoo nga, si Sonia ang isa sa naging matalik kong kaibigan hanggang
ngayon. Pero si Arlene, pagkatapos ng
elementary, nawalan na ako ng balita.
Tumaba na kaya siya?
Namamangha ako ngayon kung paano ko
nalampasan ang marami at malulupit na tanghaliang iyon na walang akong baong
pagkain. At kung babalikan ko ang
pakiramdam, masaya ako noon habang kumakain sa takip ng baunan ng aking
kaklase.
Ngayong matanda na ako, saka ko
lang talaga nadama ang matinding awa sa aking sarili.